49

1 Ipinatawag ni Jacob ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at sinabi sa kanila. 2 "Magtipon-tipon kayo malapit sa akin para masabi ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Mga anak ko, halikayo at makinig sa akin. Ako ang inyong ama, si Jacob. 3 Ruben, ikaw ang aking pinakamatandang anak. Ipinanganak ka nang ako ay malakas at bata pa. Nang ako ay lumaki na, ikaw ang una kong anak. Higit na mapagmalaki at malakas ka kaysa sa lahat ng natitira kong mga anak na lalaki. 4 Pero ikaw ay hindi matatag katulad ng mga alon ng karagatan. Kaya ngayon hindi na ikaw ang pinakamahalaga kong anak dahil sumampa ka sa aking kama at sumiping sa isa sa aking asawang-lingkod. Iyan ang nagdulot sa akin, na iyong ama, na magkaroon ng malaking kahihiyan. 5 Simeon at Levi, kayong dalawang magkapatid ay kumilos na parang mga kriminal. Ginamit ninyo ang inyong mga tabak para kumilos ng marahas. 6 Ayaw ko kayong makasama kapag gumagawa kayo ng masamang balak. Masyado akong marangal para makisama sa inyong mga pagpupulong, dahil pumatay kayo ng mga tao kapag kayo ay nagalit ng labis, at pinipilayan ninyo ang baka para lamang sa kasiyahan. 7 Ang sabi ng Diyos, 'Isusumpa ko sila sa pagiging magagalitin, sa pagkilos ng napakamarahas kapag sila ay galit na galit. Ikakalat ko ang kanilang mga kaapu-apuhan sa buong lupain ng Israel.' 8 Juda, pupurihin ka ng iyong nakatatanda at nakababatang mga kapatid. Yuyuko sila sa harap mo dahil lubusan mong matatalo ang iyong mga kaaway. 9 Si Juda ay parang batang leon na bumalik sa kanyang kulungan pagkatapos mabusog sa kinain niyang mga hayop na kanyang pinatay. Siya ay parang leon na nakahiga at umuunat pagkatapos kumain; walang sinuman ang maglalakas loob na gambalain siya. 10 Palaging mayroong mamumuno mula sa mga kaapu-apuhan ni Juda. Bawat isa ay hahawak ng setro para ipakita na mayroon siyang kapangyarihan bilang isang hari. Gagawin niya iyon hanggang magdala sa kanya ng parangal ang mga bansa at magpakita na sila ay susunod sa kanya. 11 Ang mga puno ng ubas ng kanyang mga kaapu-apuhan ay magbubunga ng napakamasagana. Bunga nito, hindi sila tututol na itali ang kanilang mga batang asno sa baging ng ubas para makakain sila ng mga dahon ng baging ng ubas. Ang alak ay magiging napakasagana, kaya lalabhan nila ang kanilang mga damit sa alak; lalabhan nila ang kanilang mga balabal sa alak na kasing pula ng dugo. 12 Ang kanilang mga mata ay mamumula dahil marami silang nainom na alak, pero ang kanilang mga ngipin ay magiging napakaputi dahil sa pag-inom ng napakaraming gatas mula sa mga baka. 13 Zebulon, ang iyong mga kaapu-apuhan ay titira sa tabing-dagat kung saan ligtas ang pagdaong para sa mga barko. Ang kanilang lupain ay aabot sa hilaga na kasing layo ng lungsod ng Sidon. 14 Isacar, ang iyong mga kaapu-apuhan ay magiging tulad ng malakas na asno na nakahiga sa pagitan ng lupa sa gitna ng kanilang mga dinadala, pagod na pagod kaya hindi na sila makabangon! 15 Makikita nila na ang kanilang lugar na pinagpapahingahan ay mabuti at ang lupain ay nagpapasaya ng labis sa kanila. Pero iyuyuko nila ang kanilang mga likod para pumasan ng mabibigat na karga at mapipilitang magtrabaho para sa iba. 16 Dan, kahit na ang iyong lipi ay maliit, ang iyong mga pinuno ay mamumuno sa kanilang mga tao katulad ng mga pinuno sa ibang mga lipi ng Israel na mamumuno sa kanilang mga tao. 17 Ang iyong mga kaapu-apuhan ay magiging tulad ng ahas sa gilid ng daan, katulad ng nakakalasong ahas na nakahiga sa tabi ng daan. Tutuklawin nila ang mga sakong ng mga kabayo na dadaan, na magiging dahilan para mahulog ang mga mangangabayo habang itinataas ng mga kabayo ang hulihan ng kanilang mga paa." 18 Pagkatapos nanalangin si Jacob, "Yahweh, naghihintay ako sa iyo na iligtas mo ako mula sa aking mga kaaway." 19 Pagkatapos si Jacob ay nagpatuloy sa pagsasabi sa kanyang mga anak ng mangyayari sa hinaharap. Sinabi niya, "Gad, ang iyong lipi ay lulusubin ng grupo ng bandido, pero sila ay hahabulin at lulusubin ng lipi mo. 20 Aser, ang iyong mga kaapu-apuhan ay kakain ng masasarap na pagkain; sila ang magbibigay ng masasarap na pagkain para kainin ng mga hari. 21 Nephtali, ang iyong mga kaapu-apuhan ay magiging tulad ng usa na malayang tumatakbo, usa na may magagandang anak. 22 Jose, magkakaroon ka ng maraming mga kaapu-apuhan. Ang kanilang mga anak ay magiging kasing rami gaya ng bunga na nasa baging malapit sa batis, na ang mga sanga ay aabot sa itaas ng pader. 23 Lulusubin sila nang matindi ng kanilang mga kaaway, at papanain sila ng mga pana at palaso at tutugisin sila. 24 Pero hahawakan nila ang kanilang mga pana nang matatag at ang kanilang mga braso ay mananatiling malakas, dahil sa kapangyarihan ng makapangyarihang Diyos, dahil kay Yahweh, na gumagabay at nagkakaloob para sa akin, bilang pastol na gumagabay at nagkakaloob para sa kanyang mga tupa. Hihiling ang mamamayan ng Israel kay Yahweh na pangalagaan sila, gaya ng mga taong kumukubli sa tuktok ng batong mataas. 25 Ang Diyos, na sinasamba ko, ay tutulong sa iyong mga kaapu-apuhan. Pagpapalain sila ng makapangyarihang Diyos sa pamamagitan ng pagpapadala ng ulan mula sa langit at pagbibigay ng tubig sa kanila mula sa kailaliman ng lupa. Sila ay bibigyan niya ng maraming anak at palulusugin. 26 Ang mga pagpapala na gusto kong ibigay ng Diyos sa inyo ay napakalaki. Higit itong malaki kaysa sa mga pagpapala mula sa walang hanggang kabundukan, kaysa nagmula sa magpakailanmang kaburulan. Jose, dalangin ko na ang mga pagpapalang ito ay mapasaiyo, dahil ikaw ang pinuno ng iyong mga kapatid. 27 Benjamin, ang iyong mga kaapu-apuhan ay tulad ng mababangis na lobo. Papatayin nila ang kanilang mga kaaway sa umaga katulad ng lobo na lalamunin ang nahuli nito, at sa gabi paghati-hatian nila kabilang ng kanilang mga mandirigma ang mga nasamsam na nakuha mula sa kanilang kaaway." 28 Ang labindalawang anak na iyon ang mga ninuno ng labindalawang lipi ng Israel. Ito ang sinabi ng kanilang ama habang sila ay pinagpala, sinasabi sa bawat isa ang mga salitang tama para sa kanya. 29 Pagkatapos sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, "Malapit na akong mamatay at sumama sa aking mga ninuno na namatay na. Ilibing ninyo ang aking katawan kung saan inilibing ang ilan sa aking mga ninuno sa kuweba na nasa bukid na binili mula kay Efron, na pag-aari ng pangkat ng mga tao sa Heteo. 30 Ang bukid ng Macpela, ay nasa silangan ng Mamre, sa lupain ng Canaan. Binili ito ni Abraham mula kay Efron para gamitin bilang libingan. 31 Doon nila siya inilibing pati ang kanyang asawang si Sara. Inilibing din nila roon ang aking amang si Isaac at ang kanyang asawa na si Rebeca. At doon ko rin inilibing ang aking asawang si Lea. 32 Ang bukid at ang kuwebang ito ay binili mula sa pangkat ng mga tao sa Heteo; kaya gusto ko na doon ninyo ako ilibing." 33 Nang matapos ibigay ni Jacob ang mga tagubiling iyon sa kanyang mga anak, humiga siya ulit sa kanyang kama. Pagkatapos nalagutan siya ng hinihinga at namatay.