48

1 Paglipas ng ilang araw pagkatapos nito, may isang taong nagsabi kay Jose, "Ang iyong ama ay maysakit." Nang narinig ito ni Jose, kinuha niya ang kanyang dalawang anak na lalaki, sina Manasses at Efraim, para makita ang kanyang ama. 2 Nang may nagsabi kay Jacob na, "Tingnan mo, ang iyong anak na si Jose ay dumating para makita ka!" Si Jacob, na tinatawag ding Israel, ay nagsumikap na umupo sa higaan, kahit na mahirap para sa kaniya na gawin ito. 3 Sinabi niya kay Jose, "Nang ako ay nasa Luz sa lupain ng Canaan, nagpakita sa akin ang makapangyarihang Diyos. Pinagpala niya ako 4 at sinabi niya sa akin, 'Gagawin kitang ama ng maraming mga anak. Magkakaroon ka ng maraming kaapu-apuhan, at sila ay magiging maraming pangkat. At ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong mga kaapu-apuhan para ariin magpakailanman.' 5 At ngayon isasaalang-alang ko na ang dalawa mong mga anak na lalaki, na ipinanganak sa iyo dito sa Ehipto bago ako dumating, ay pag-aari ko. Sina Efraim at Manasses ay magiging mga anak ko, at sila ay magmamana ng aking mga ari-arian, katulad ng aking mga anak na sina Ruben at Simeon at ang iba pa. 6 Kung ikaw ay magiging ama ng iba pang mga anak, hindi sila isasaalang-alang na maging mga anak ko, sa halip bilang mga apo ko. Tatanggap sila bilang bahagi ng kanilang mamanahin ng parehong lupain na nasa teritoryo ng mamanahin ng kanilang mga kapatid. 7 Maraming taon na ang nakalipas, habang pabalik ako mula sa Padan Aram, malungkot na namatay ang iyong inang si Raquel sa lupain ng Canaan habang naglalakbay pa kami, hindi kalayuan mula sa bayan ng Efrata. Kaya inilibing ko ang kanyang katawan doon sa tabi ng daan patungong Efrata (na tinatawag ngayong Bethlehem)." 8 Nang nakita ni Jacob ang mga anak ni Jose, tinanong niya, "Sino ang mga batang lalaking ito?" 9 Sumagot si Jose sa kanyang ama, "Sila ang mga anak kong lalaki na binigay sa akin ng Diyos dito sa Ehipto." Sinabi ni Jacob, "Ilapit mo sila sa akin para pagpalain ko sila." 10 Halos hindi na makakita si Jacob dahil sa kanyang katandaan. Hindi na siya masyadong nakakakita. Kaya dinala ni Jose ang kanyang mga anak malapit sa kanyang ama, at hinagkan sila at niyakap ni Jacob. 11 Sinabi ni Jacob kay Jose, "Hindi ko na inasahan na makikita ko pang muli ang iyong mukha, pero tingnan mo ito! Pinahintulutan ng Diyos na makita kita, at pinahintulutan niya ring makita ko pati ang iyong mga anak!" 12 Inalis ni Jose ang mga bata mula sa mga tuhod ni Jacob. Pagkatapos nagpatirapa siya na nakasayad ang kaniyang mukha sa lupa. 13 Pagkatapos kinuha ni Jose ang dalawang bata, inilagay si Efraim sa kanyang kanang bahagi sa bandang kaliwa ng kamay ni Jacob, at inilagay si Manases sa kanyang kaliwang bahagi sa bandang kanan ng kamay ni Jacob, at dinala niya sila malapit kay Jacob. 14 Pero hindi ginawa ni Jacob ang gustong ipagawa sa kanya ni Jose. Sa halip, inabot niya ang kanyang kanang kamay at ipinatong ito sa ulo ni Efraim, kahit siya ang nakababatang anak. Pinagsalungat niya ang kanyang mga braso at ipinatong niya ang kaliwang kamay sa ulo ni Manases, kahit si Manases ang nakatatandang anak. 15 Pagkatapos pinagpala niya si Jose at ang kanyang mga anak, na nagsasabing, "Ang lolo kong si Abraham at ama kong si Isaac ay namuhay ayon sa kalooban ng Diyos, at hanggang sa araw na ito ginagabayan ako ng Diyos at inaalagaan ako tulad ng isang pastol na gumagabay at nangangalaga sa kanyang mga tupa. 16 Ang anghel na pinadala niya ay iniingatan ako sa kapahamakan sa anumang paraan. Dinadalangin ko na pagpalain ng Diyos ang mga batang ito. Dinadalangin ko na iisipin ng mga tao ang tungkol sa akin at sa aking mga ninuno, sina Abraham at Isaac, dahil sa ginagawa ng Diyos para sa kanila. Dinadalangin ko na magkakaroon sila ng maraming kaapu-apuhan na maninirahan sa ibabaw ng lupa." 17 Nang nakita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanyang kanang kamay sa ulo ni Efraim at hindi sa ulo ni Manases, siya ay nabahala. Kaya kinuha niya ang kamay ng kanyang ama at inilipat ito mula sa ulo ni Efraim sa ulo ni Manases. 18 Sinabi ni Jose sa kanya, "Ama ko, hindi iyan tama! Ang pinatungan mo ng kaliwang kamay mo ay ang aking nakatatandang anak. Ipatong mo ang kanang kamay sa kaniyang ulo." 19 Pero tumanggi ang kanyang ama, na nagsasabing, "Alam ko iyan, anak ko; alam ko ang ginagawa ko. Ang kaapu-apuhan din ni Manases ay magiging isang pangkat ng mga tao, at sila ay magiging mahalaga. Pero ang kaapu-apuhan ng kanyang nakababatang kapatid ay magiging mas dakila kaysa kanya. Ang kanyang mga kaapu-apuhan ay magiging maraming bansa." 20 Kaya pinagpala niya ang dalawa sa araw na iyon, na nagsasabing, "Ang mamamayan sa Israel ay gagamitin ang inyong mga pangalan kapag nagpapala sila ng mga tao. Sasabihin nila, 'Dinadalangin namin na tulungan kayo ng Diyos gaya ng pagtulong niya kay Efraim at Manases.'" Sa paraang ito, sinabi ni Jacob na si Efraim ay magiging mas mahalaga kaysa kay Manases. 21 Pagkatapos sinabi ni Jacob kay Jose, "Malapit na akong mamatay. Pero alam ko na tutulungan kayo ng Diyos. Balang araw ibabalik niya ang inyong mga kaapu-apuhan sa lupain ng inyong mga ninuno. 22 Sa iyo ko ito, hindi sa iyong mga kapatid, ibibigay ko ang burol na may matabang lupain sa lugar ng Sechem. Nabihag ko ang lupaing iyon mula sa lahi ng mga Amoreo, sa pakikipaglaban sa kanila sa pamamagitan ng aking tabak, at ng aking pana at mga palaso."