47

1-2 Pumili si Jose ng lima sa kanyang mga kapatid para sumama sa kanya na makipag-usap sa hari. Pinakilala niya sila sa hari, at pagkatapos sinabi niya, "Ang aking ama at ang aking mga kapatid ay dumating galing sa lupain ng Canaan. Dinala nila ang lahat ng kanilang mga tupa, mga kambing, baka, at lahat ng iba pang bagay na kanilang pag-aari, at sila ngayon ay naninirahan sa rehiyon ng Goshen." 3 Tinanong ng hari ang magkakapatid, "Anong trabaho ang ginagawa ninyo?" Sumagot sila sa hari, "Kami ay mga pastol, katulad ng aming mga ninuno." 4 Sinabi rin nila sa kanya, "Pumunta kami rito para manirahan nang pansamantala sa lupang ito, dahil ang taggutom ay napakalubha sa Canaan, at ang aming mga hayop ay wala ng mapastulan doon. Kaya ngayon, pakiusap hayaan niyo kaming manirahan sa rehiyon ng Goshen." 5 Sinabi ng hari kay Jose, "Kaya pala pumunta sa iyo ang iyong ama at mga kapatid. 6 Maaari silang tumira kahit saan mo gusto sa buong Ehipto. Bigyan mo ang iyong ama at mga kapatid ng pinakamainam na bahagi ng lupain. Maaari silang tumira sa Gosen. At kung may kilala kang sinuman sa kanila na mayroong natatanging galing sa pag-aalaga ng hayop, gawin mo rin silang tagapamahala ng aking mga alagang-hayop." 7 Pagkatapos dinala ni Jose ang kanyang amang si Jacob sa palasyo at pinakilala siya sa hari. Hiniling ni Jacob sa Diyos na pagpalain ang hari. 8 Pagkatapos tinanong ng hari si Jacob, "IIang taon ka na?" 9 Sumagot si Jacob, "Ako ay naglalakbay na sa loob ng 130 taon. Hindi ako nabuhay na kasinghaba ng aking mga ninuno, pero ang aking buhay ay puno ng mga kaguluhan." 10 Pagkatapos muling hiniling ni Jacob ang Diyos na pagpalain ang hari at siya ay iniwanan niya. 11 Ganoon ang ginawa ni Jose sa kaniyang ama at mga kapatid na magsimulang mamuhay sa Ehipto. Gaya ng inutos ng hari, binigyan niya sila ng ari-arian sa pinakamainam na bahagi ng lupain, sa Gosen, na ngayon ay tinawag na Rameses. 12 Naglaan din si Jose ng pagkain para sa lahat ng mag-anak ng kaniyang ama. Ang mga halaga na kaniyang ibinigay sa kanila ay naaayon sa kung gaano karaming mga bata mayroon ang bawat isa sa kanila. 13 Walang pagkain ang tumutubo sa buong bansa dahil ang taggutom ay napakalubha. Ang mga tao sa Ehipto at sa Canaan ay naging mahina dahil sila ay wala nang sapat na pagkain para kainin. 14 Natanggap na ni Jose ang lahat ng salapin na ibinayad ng mga tao sa Ehipto at Canaan para sa butil na pinagbili niya sa kanila, at dinala niya ito sa palasyo ng hari. 15 Nang maubos ng mga tao ng Ehipto at ng Canaan ang lahat ng kanilang salapi para sa butil, patuloy silang lumapit kay Jose at sinabing, "Pakiusap bigyan mo kami ng pagkain! Kung hindi mo kami bibigyan ng butil, mamamatay kami! Ginamit na namin ang lahat ng aming salapi para bumili ng pagkain, at wala nang natira sa amin!" 16 Sumagot si Jose, "Yamang ang lahat ng salapi ninyo ay wala na, dalhin ninyo sa akin ang inyong mga alagang-hayop. Kung gagawin niyo iyan, magbebenta ako sa inyo ng pagkain bilang kapalit ng inyong mga alagang-hayop." 17 Kaya dinala nila ang kanilang mga alagang-hayop kay Jose. Binigyan niya sila ng pagkain bilang kapalit ng kanilang mga kabayo, mga tupa, mga kambing, mga baka, at mga asno. 18 Nang natapos ang taong iyon, nang sumunod na taon ay pumunta sila sa kanya at sinabing, "Hindi namin maitatago ito sa iyo: Wala na kaming salapi, at ngayon lahat ng aming mga baka ay pag-aari mo na. Mayroon nalamang kaming mga katawan at lupain na maibibigay namin sa inyo. Wala nang natira pa sa amin. 19 Kung hindi mo kami bibigyan ng pagkain, mamamatay kami! Kapag hindi mo kami bibigyan ng mga binhi, ang aming mga bukirin ay magiging walang silbi. Bilhin mo kami at ang aming lupain bilang kapalit ng pagkain. Pagkatapos kami ay magiging mga alipin ng hari, at siya ang mag-aari ng lupain. Bigyan mo kami ng mga buto para makapagtanim kami at makapagpatubo ng pagkain, nang sa gayon ay hindi kami mamatay, at ang aming lupain ay hindi magiging katulad ng isang ilang." 20 Kaya binili ni Jose ang lahat ng sakahan sa Ehipto para sa hari. Ang bawat tao ng Ehipto ay nagbenta ng kanilang mga lupain sa kanya dahil ang taggutom ay napakalubha at sila ay wala ng ibang paraan para bumili ng pagkain. Kaya ang lahat ng mga sakahan ay naging sakahan ng hari. 21 Bunga nito, ginawa ni Jose na maging alipin ng hari ang lahat ng mga tao mula sa isang hangganan ng bansa hanggang sa kabila. 22 Pero hindi niya binili ang lupain ng mga pari, dahil palagi silang nakakatanggap ng kanilang pagkain mula sa hari. Iyan ang dahilan kung bakit hindi nila ipinagbili ang kanilang lupain sa kanya. 23 Sinabi ni Jose sa mga tao, "Makinig kayo sa akin! Ngayon binili ko kayo at ang inyong mga lupain para sa hari. Kaya narito ang mga binhi para sa inyo para maitanim ninyo ang mga ito sa lupa. 24 Pero kapag inaani niyo na ang pananim, kailangan ninyong ibigay ang ikalimang bahagi sa hari. Ang nalalabing pananim ay maaari ninyong itago para maging binhing pananim sa bukid at para maging pagkain para sa inyo at sa inyong mga anak at para kainin ng lahat ng nasa sambahayan ninyo." 25 Sumagot sila, "Niligtas mo ang aming buhay! Gusto naming masiyahan ka sa amin. At kami ay magiging mga alipin ng hari. 26 Kaya gumawa si Jose ng batas tungkol sa lahat ng lupain ng Ehipto, na nagpapahayag na ang ikalimang bahagi ng mga pananim na inani ay pag-aari ng hari. Ang batas na iyon ay umiiral pa rin. Ang lupain lamang ng mga pari ang hindi naging lupain ng hari. 27 Si Jacob at ang kanyang mag-anak ay nagsimulang manirahan sa Ehipto, sa rehiyon ng Gosen. Nakaipon sila ng ari-arian doon. Maraming anak ang isinilang sa kanila roon. Bunga nito, ang kanilang populasyon ay dumami ng lubos. 28 Nanirahan si Jacob sa Ehipto sa loob ng labimpitong taon. Sa kabuuan siya ay nabuhay ng 147 taon. 29 Noong oras na malapit na siyang mamatay, pinatawag niya ang kanyang anak na si Jose at sinabi sa kanya, "Kung nasisiyahan ka sa akin, ilagay mo ang iyong kamay sa pagitan ng aking mga hita para taimtim mong ipangako na magiging tapat ka sa akin bilang iyong ama at gagawin kung ano ngayon ang ipagkakatiwala ko na gawin mo: Kapag ako ay namatay, huwag mo akong ilibing dito sa Ehipto. 30 Sa halip, kapag ako ay namatay at sumama sa aking mga ninuno na nauna nang namatay, ilabas mo ang aking katawan ng Ehipto, at ilibing ito sa Canaan kung saan sila inilibing." Sumagot si Jose, "Gagawin ko kung ano ang sinabi mo." 31 Sinabi ni Jacob, "Mangako ka sa akin na gagawin mo ito!" Kaya si Jose ay nangakong gagawin ito. Pagkatapos bumaliktad si Jacob sa kanyang higaan, niyuko ang kanyang ulo, at sumamba sa Diyos.