46

1 Lumisan si Jacob, dala niya ang kanyang buong mag-anak at mga ari-arian. Nang dumating sila sa Beer-seba, naghandog siya ng mga alay sa Diyos, na sinamba ng kanyang amang si Isaac. 2 Nang gabing iyon, tinawag ng Diyos si Jacob sa pamamagitan ng pangitain, sinasabing, "Jacob! Jacob!" Sumagot siya, "Narito ako!" 3 Sinabi ng Diyos, "Ako ay Diyos, ang siyang sinamba ng iyong ama. Huwag kang matakot na bumaba sa Ehipto, dahil bibigyan kita ng maraming kaapu-apuhan at sila ay magiging isang dakilang bansa roon. 4 Bababa ako sa Ehipto kasama mo at pagkatapos dadalhin kong muli ang iyong mga kaapu-apuhan pabalik sa Canaan. At si Jose ay makakapiling mo kapag ikaw ay mamamatay." 5 Kaya nilisan ni Jacob ang Beer-seba at isinakay ng kanyang mga anak na lalaki ang kanilang ama, ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak sa sasakyang ipinadala ng hari na gagamitin sa kanilang paglalakbay. 6 Sa paraang ito pumunta si Jacob at ang kanyang buong mag-anak sa Ehipto. Dinala nila ang kanilang mga alagang hayop at ang kanilang mga ari-arian na naipon nila sa Canaan. 7 Pumunta si Jacob sa Ehipto kasama ang kanyang mga anak na lalaki, mga anak na babae at mga apong lalaki at babae—ang kanyang buong pamilya. 8 Ito ang talaan ng mga kasapi ng pamilya ni Jacob na kasama niyang pumunta sa Ehipto: 9 Si Ruben, ang panganay na anak ni Jacob; mga anak ni Ruben na sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi; 10 Si Simeon at ang kanyang mga anak na sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at Saul, na mga anak na lalaki ng babaeng mula sa lahi ng Cananeo; 11 Si Levi at ang kanyang mga anak na sina Gershon, Coat at Merari; 12 Si Juda at ang kanyang mga anak na sina Sela, Fares at Zara, (ang kanyang mga anak na sina Er at Onan ay namatay sa lupain ng Canaan); Ang dalawang anak ni Fares; sina Hezron at Hamul; 13 si Isacar at ang kanyang mga anak na sina Tola, Pua, Job, at Simron; 14 Si Zebulon at ang kanyang mga anak na sina Sered, Elon, at Jahleel 15 Ito ang mga anak nina Jacob at Lea, na ipinanganak sa Padan Aram, kasama si Dina na kanyang anak na babae. May kabuuang bilang na tatlumpu't tatlong anak na lalaki at babae. 16 Si Gad at ang kanyang mga anak na sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi, at Areli; 17 Si Aser at ang kanyang mga anak na sina Jimnah, Isua, Isui, at Beria; at si Sera na kanilang kapatid na babae; mga anak Beria na sina Heber at Malquiel; 18 (Iyon ang mga anak at apo ni Jacob at Zilpa, ang babaeng alipin na ibinigay ni Laban sa kanyang anak na si Lea. Sa kabuuan silang lahat ay labing-anim na tao.) 19 Sina Jose at Benjamin na mga anak ng asawa ni Jacob na si Raquel; 20 (Sina Efraim at Manases ay dalawang anak ni Jose. Hindi sila bumaba dahil naipanganak sila sa Ehipto. Sila ang mga anak ni Asenath, na anak na babae ni On, na pari sa templo sa lungsod ng On.) 21 Si Benjamin at ang kanyang mga anak na sina Bela, Beker, Ashbel, Gera, Naaman, Ehi, Rosh, Muppim, Huppim at Ard; 22 (Ito ang mga anak at mga apo nina Raquel at Jacob. Silang lahat ay labing-apat.) 23 Si Dan at ang kanyang anak na si Hushim; 24 Si Nepthali at kanyang mga anak, na sina Jazhiel, Guni, Jezer at Shillem. 25 (Ito ang mga anak na lalaki at mga apong lalaki nina Jacob at Bilha, ang aliping babae na ibinigay ni Laban sa kanyang anak na si Raquel. Sa kabuuan pito silang lahat. 26 Sa kabuuan kasama ni Jacob na pumunta sa Ehipto ang animnapu't anim niyang mga kaapu-apuhan. Hindi kabilang ang mga asawa ng kanyang mga anak na lalaki. 27 Kabilang sina Jacob at Jose at ang dalawang anak ni Jose na ipinanganak sa Ehipto, mayroong kabuuang pitumpung kasapi sa pamilya ni Jacob nang silang lahat ay nasa Ehipto. 28 Ipinadala ni Jacob si Juda na maunang pumunta sa kanila para kausapin si Jose at magtanong tungkol sa direksyon kung paano maglakbay papuntang Gosen. Pagkatapos si Juda ay bumalik sa kanyang naiwang pamilya at sila ay naglakbay patungo sa rehiyon ng Gosen. Nang sila ay dumating doon, 29 inihanda ni Jose ang kanyang karuwahe at tumungo sa Gosen para salubungin ang kanyang ama. Nang dumating si Jose, niyakap niya sa leeg ang kanyang ama at umiyak nang matagal. 30 Sinabi ni Jacob kay Jose, "Nakita na kita, at ngayon alam kong ikaw ay buhay pa! Kaya ako ay handa nang mamatay." 31 Pagkatapos sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa nalalabing pamilya ng kanyang ama, "Pupunta ako sa hari at sasabihin sa kanya, 'Ang mga kapatid ko at ang aking ama at ang kanyang nalalabing pamilya na naninirahan sa lupain ng Canaan ay pumunta lahat sa akin. 32 Ang lahat ng mga kalalakihan ay pawang mga pastol. Inaalagaan nila ang kanilang mga alagang-hayop, at dinala nila ang kanilang mga tupa, mga kambing, mga baka at lahat ng kanilang ari-arian.' 33 Kapag pinatawag kayo at tinanong ng hari, 'Ano ang hanapbuhay ninyo?' 34 sumagot kayo sa pamamagitan ng pagsasabing, 'Mula sa panahon ng aming kabataan, nag-aalaga na kami ng mga kawan katulad ng ginawa ng aming mga ninuno.' Kapag sinabi ninyo sa kanya iyan, papayagan niya kayong maninirahan sa rehiyon ng Gosen." Sinabihan sila ni Jose na iyon ang sasabihin nila dahil hinahamak ng mga taga-Ehipto ang mga pastol.