50

1 Niyakap ni Jose ang kanyang ama at iniyakan siya at hinalikan. 2 Inutusan ni Jose ang kanyang mga lingkod na naghahanda sa bangkay para sa paglilibing na embalsamuhin ang katawan ng kanyang ama para mapangalagaan ito, at pagkatapos balutin ito ng mahabang piraso ng tela. 3 Tumagal ng apatnapung araw ang pag-embalsamo sa katawan ni Jacob, dahil iyon ang bilang ng panahon na kailangan para embalsamuhin ang isang katawan. Ang mga tao sa Ehipto ay nagluksa ng pitumpung araw dahil sa kamatayan ni Jacob. 4 Nang matapos ang panahon ng pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga opisyal ng hari. "Kung nalulugod kayo sa akin, pakiusap dalhin mo ang mensaheng ito sa hari: 5 "Nang malapit ng mamatay ang aking ama, sinabi niya sa akin na tapat na mangako na ililibing ko ang kanyang katawan sa lupain ng Canaan, sa libingan na hinanda niya mismo. Kaya pakiusap hayaan mo akong umakyat papunta sa Canaan at ilibing ang katawan ng aking ama. Pagkatapos ay babalik din ako." 6 Pagkatapos nilang maibigay sa hari ang mensahe, sumagot siya. "Sabihin ninyo kay Jose, "Humayo ka at ilibing ang katawan ng iyong ama, ayon sa iyong ipinangakong gagawin. 7 Kaya umakyat si Jose sa Canaan para ilibing ang katawan ng kanyang ama. Lahat ng opisyal ng hari, lahat ng tagapayo ng hari, at lahat ng nakakatanda sa Ehipto ay nagpunta kasama niya. 8 Ang mga maliliit na bata sa kanyang pamilya at kanilang tupa at mga kambing at kanilang baka ay nanatili sa rehiyon ng Gosen. Pero lahat ng natitirang pamilya ni Jose at kanyang mga kapatid at ang pamilya ng kanyang ama ay pumunta kasama niya. 9 Ang mga lalaking nakasakay sa mga karwahe at mga mangangabayo ay sumama rin. Ito ay isang napakalaking pangkat. 10 Nagpunta sila sa silangang bahagi ng ilog Jordan at dumating sa Atad. May isang lugar doon kung saan ang mga tao ay naghihimay ng butil para ihiwalay ang trigo mula sa ipa. Nagluksa sila nang malakas para kay Jacob sa mahabang panahon. Nagsagawa si Jose ng seremonya ng pagluluksa para sa kanyang ama sa loob ng pitong araw. 11 Nang nakita sila ng mga taga-Canaan na nakatira doon na nagluluksa ng ganoon, sinabi nila, "Ito ay isang malungkot na lugar ng pagluluksa para sa mamamayan ng Ehipto!" Kaya pinangalanan nila ang lugar na Abel Mizraim, na kasintunog ng salitang Hebreo na nangangahulugang "ang pagluluksa ng mga taga-Ehipto." 12 Pagkatapos ginawa ng mga anak ni Jacob sa kanya kung ano ang iniutos ng kanilang ama. 13 Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at dinala ang katawan ni Jacob sa lupain ng Canaan. Inilibing nila ito sa kuweba sa bukid ng Macpela, sa silangang bahagi ng bayan ng Mamre. Bukid iyon na nabili ni Abraham kay Efron, na isa sa mga pangkat ng mga taong taga-Heteo para gamitin bilang lugar ng libingan. 14 Pagkatapos niyang ilibing ang kanyang ama, si Jose at kanyang mga kapatid at lahat ng ibang kasama niyang umakyat sa Canaan para sa paglilibing ay bumalik na sa Ehipto. 15 Pagkatapos mamatay si Jacob, nag-alala ang mga kapatid ni Jose, napagtanto nila ang mga maaaring mangyari. Sinabi nila, "Ano ang mangyayari kung nasusuklam pa si Jose sa atin at gusto niyang gantihan tayo, dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa natin sa kanya maraming taong nakalipas? 16 Kaya nagpadala sila ng tao para sabihin ito kay Jose para sa kanila: "Bago mamatay ang ating ama, sinabi niya ito sa amin: 17 'Sabihin ninyo kay Jose, Pakiusap patawarin mo ang iyong mga nakatatandang kapatid sa masasamang bagay na nagawa nila sa iyo, sa kanilang katakot-takot na kasalanan laban sa iyo, dahil napakasama ng nagawa nila sa iyo. Kaya ngayon, kami na mga lingkod ng Diyos ng iyong ama, ay nagsusumamo sa iyo, pakiusap patawarin mo kami sa aming mga nagawa sa iyo." Umiyak si Jose nang matanggap niya ang kanilang mensahe. 18 Pagkatapos dumating ang kanyang mga nakatatandang kapatid at nagpatirapa sa harapan ni Jose, at ang isa sa kanila ay nagsabi. "Pakiusap makinig ka, kami ay magiging mga lingkod mo." 19 Pero sumagot si Jose sa kanila, "Huwag kayong matakot! Ang Diyos lamang ang nagpaparusa sa mga tao; Diyos ba ako? 20 Para sa inyo, oo, ninais ninyong gumawa ng napakasamang bagay sa akin. Pero dinulot ng Diyos na may mabuting bunga mula roon! Nais niyang iligtas ang maraming tao mula sa pagkamatay sa gutom at iyon ang nangyari! Ngayon sila ay buhay! 21 Kaya sasabihin kong muli, huwag kayong matakot! Sisiguraduhin ko na kayo at ang iyong mga anak ay magkaroon ng sapat na makakain." Sa paraang iyon, muli niya silang binigyan ng katiyakan at pinanatag ang kanilang mga puso. 22 Nabuhay si Jose kasama ang kanyang pamilya sa Ehipto hanggang siya ay 110 taong gulang, 23 Nabuhay siya ng matagal at nakita niya pa ang mga anak ni Efraim at mga apo. Ang mga anak ni Makir na apo ni Jose na anak ni Manases, ay ipinanganak bago mamatay si Jose, at kinilala sila bilang kanyang mga kaapu-apuhan. 24 Isang araw sinabi ni Jose sa kanyang mga nakatatandang kapatid, "Malapit na akong mamatay. Pero tiyak na tutulungan kayo ng Diyos. Balang araw pangungunahan niya ang inyong mga kaapu-apuhan palabas sa lupaing ito at dadalhin sila sa Canaan, ang lupain na tapat niyang ipinangakong ibibigay kay Abraham, Isaac at Jacob." 25 Pagkatapos sinabi ni Jose, "Kapag dinulot ng Diyos na gawin ninyo iyon, kailangan ninyong dalhin ang aking katawan mula rito hanggang sa Canaan." Pinangako niya ng tapat ang kanyang nakatatandang kapatid na gawin iyon. 26 Kaya namatay si Jose sa Ehipto nang siya ay 110 taong gulang. Ang kanyang katawan ay inembalsamo at inilagay sa isang kabaong doon.