42

1 Nang may nagsabi kay Jacob na mayroong butil sa Ehipto na maaaring mabili ng mga tao, sinabi niya sa kanyang mga anak na lalaki, "Bakit kayo nakaupo lang diyan na nagtitinginan sa isa't-isa? Kailangan natin ng ilang butil!" 2 Sinabi niya sa kanila, "May nagsabi sa akin na mayroong butil na ibinebenta sa Ehipto. Bumaba kayo doon at bumili ng ilang para sa atin, para tayo ay manatiling buhay!" 3 Kaya bumaba sa Ehipto sila para bumili ng ilang butil ang sampung mga nakatatandang kapatid na lalaki ni Jose. 4 Ngunit hindi ipinasama ni Jacob si Benjamin, na nakababatang kapatid na lalaki ni Jose, na umalis kasama ng iba, dahil natatakot siya na maaaring may nakakakilabot na bagay ang mangyari sa kanya katulad ng nangyari kay Jose. 5 Kaya ang mga anak na lalaki ni Jacob ay bumaba mula Canaan patungong Ehipto para bumili ng butil, at ang iba ay pumunta din, dahil mayroon ding taggutom sa Canaan. 6 Sa panahong iyon si Jose ang gobernador ng Ehipto. Siya ang nagbebenta ng butil sa mga tao na dumating mula sa buong Ehipto at mula sa ibang mga bansa para bumili ng butil. Kaya nang dumating ang mga kapatid na lalaki ni Jose, idinapa nila ang kanilang mga sarili sa harap niya na ang kanilang mga mukha ay nasa lupa. 7 Sa sandaling makita ni Jose ang kanyang mga kapatid na lalaki, namukhaan niya sila. Ngunit nagkunwari siya na hindi niya kilala sila. Siya ay nagsalita ng masakit sa kanila, na nagsasabing, "Saan kayo nagmula? Isa sa kanila ang sumagot, "Kami ay nanggaling sa lupain ng Canaan, para bumili ng ilang butil." 8 Kahit na nakilala ni Jose ang kanyang mga kapatid na lalaki, hindi niya sila binigyan ng pansin. 9 Pagkatapos naalala ni Jose ang kanyang napanginipan tungkol sa kanila ilang taon na ang nakalipas. Ngunit siya ay nagpasya na hindi muna sabihin sa kanila na siya ang kanilang nakababatang kapatid na lalaki. Sinabi niya sa kanila, "Mga ispya kayo! Kayo ay dumating para alamin kung kaya ba namin maipagtanggol ang aming mga sarili kapag sumalakay kayo!" 10 Isa sa kanila ang sumagot, "Hindi ginoo! Dumating kami para bumili ng butil. 11 Kaming lahat ay mga anak na lalaki ng iisang tao. Mga tapat kaming tao, hindi ispya." 12 Sinabi niya sa kanila, "Hindi ako naniniwala sa inyo! Pumunta kayo dito para makita kung maipagtatanggol namin ang aming sarili kapag kami ay sinalakay!" 13 Ngunit sumagot ang isa sa kanila, "Hindi, iyan ay hindi totoo! Noong una kami ay labindalawang magkakapatid na lalaki na anak ng iisang tao. Kasama ng aming ama ang bunsong kapatid namin. Isa sa kanila ay patay na." 14 Sumagot si Jose, "Kayo ay nagsisinungaling! Sa palagay ko tama ang sinabi ko. Kayo ay mga ispya! 15 Ngunit ganito ang aking gagawin para malaman kung nagsasabi nga kayo ng totoo. Sa palagay ko hangga't nabubuhay ang hari, kayo ay mga ispya. Kaya hindi kayo aalis hangga't ang inyong bunsong kapatid ay pumunta dito! 16 Ipadala ninyo ang isa sa inyong grupo para pumunta at kunin ang inyong nakababatang kapatid at dalhin dito. Ang natira sa inyo ay ilalagay ko sa kulungan, nang sa ganun ay masubukan ko kung ang inyong sinasabi sa akin ay totoo. Kung ang sinumang aalis na hindi madala ang inyong bunsong kapatid na lalaki dito, kung ganoon, hangga't nabubuhay ang hari, magigigng malinaw na kayo ay nagsisinungaling at kayo'y mga ispya." 17 At ikinulong silang lahat ni Jose sa loob ng tatlong araw. 18 Makalipas ang ikatlong araw; Si Jose ay pumunta sa kulungan at sinabi sa kanila, "Ako ang taong natatakot na parusahan ng Diyos kapag hindi ko ginawa ang ipinangako ko. Kaya gawin ninyo ang ipinag-uutos ko at bibigyan ko kayo ng pagkakataong mabuhay. 19 Kung kayo ay mga tapat na tao, hayaan ninyong manatili ang isa sa inyong kapatid dito sa kulungan, at ang iba sa inyo ay maaari nang kumuha ng butil na dadalhin pabalik sa inyong mga pamilya na labis ang gutom dahil sa tagtuyot. 20 Ngunit kung babalik ulit kayo dito, kinakailangang dalhin ninyo ang inyong bunsong kapatid na lalaki, upang mapatunayan ninyo na nagsasabi kayo ng totoo, at hindi ko na kayo ipapapatay." Kaya pumayag silang gawin iyon. 21 Sinabi nila sa isa't-isa, "Siguradong dahil sa ginawa natin sa ating nakababatang kapatid kaya tayo pinaparusahan! Nakita natin na sobra siyang nahirapan nang nagmakaawang huwag siyang saktan. Ngunit hindi natin siya pinansin, at dahil doon nandito tayo ngayon na may ganitong kaguluhan!" 22 Sinabi ni Reuben sa kanila, "Sinabi ko sa inyong huwag saktan ang bata, ngunit hindi ninyo binigyang-pansin ang sinabi ko! Ngayo'y pinagbabayad tayo dahil sa pagpatay natin sa kanya!" 23 Habang sila ay nakikipagusap kay Jose, sa tulong ng tagapag-salin, at kapag sinasabi nila ang mga ito sa bawat isa, sila ay nagsasalita gamit ang kanilang wika. Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang kanilang wika at naiintindihan niya ang mga sinasabi nila. 24 Dahil sa kanilang sinabi, napagtanto ni Jose na inaamin na nila na mali ang kanilang nagawa sa kanya sa mga taong nagdaan. Ngunit naisip niya na hindi siya makakapagpigil sa pag-iyak, at hindi niya gustong makita nila na umiiyak siya, kaya umalis sya at lumabas ng kwarto at nagsimulang umiyak. Pero bumalik din siya sa kanila at nakipagusap ulit. Pagkatapos kinuha niya si Simeon, at habang sila ay nakatingin, sinabi niya sa kanyang mga lingkod na igapos siya. Iniwan niya si Simeon sa kulungan at sinabihan ang iba na maaari na silang umalis. 25 Sinabihan ni Jose ang kanyang mga lingkod na punuin ang bawat sako ng butil ng mga lalaki, ngunit sinabi din niya sa kanila na ilagay ang mga salaping ibinayad nila para sa butil sa ibabaw ng kaniyang sako. Sinabi din niya na bigyan sila ng makakain para sa kanilang paglalakbay. Pagkatapos nilang gawin ang mga bagay na iyon para sa kanyang mga nakatatandang kapatid, 26 isinakay ng kanyang mga nakatatandang kapatid ang sako ng mga butil sa kanilang asno at umalis. 27 Sa lugar kung saan sila huminto upang matulog sa gabing iyon, isa sa kanila ang nagbukas ng kanyang sako para kumuha ng kaunting butil para sa kanyang asno. Nagulat siya nang makita ang kanyang salapi sa ibabaw ng sako. 28 Isinigaw niya sa kanyang mga kapatid, "May nagsauli ng aking salapi! Narito sa aking sako!" Nagsimula silang manginig sa takot, at sinabi sa isa't-isa, "Ano itong ginawa sa atin ng Diyos?" 29 Nang sila ay bumalik sa kanilang ama sa lupain ng Canaan, sinabi ng isa sa kanila, 30 "Ang taong namamahala sa buong lupain ng Ehipto ay nakipagusap sa amin ng marahas. Nakitungo siya sa amin na mistulang mga ispya kami sa kanyang bansa. 31 Ngunit sinabi namin, "Kami'y mga tapat na tao! Hindi kami mga ispya. 32 Ang totoo'y labindawala kaming magkakapatid, mga anak ng iisang ama. Ang isa ay patay na, at ang bunsong kapatid ay kasama ng aming amang nasa Canaan.' 33 Ang namamahala sa lupain ay hindi naniwala sa amin, kaya sinabi niya sa amin, 'Ganito ko malalaman kung kayo nga ay totoong mga matapat na tao: iwanan ninyo ang isa sa inyong mga kapatid dito sa akin. Pagkatapos ang iba sa inyo ay kumuha ng ilang butil para sa inyong mga pamilya na labis na nagugutom at umalis na kayo. 34 Ngunit kapag bumalik kayo, dalhin ninyo ang inyong bunsong kapatid sa akin, sa ganoong paraan ay malalaman ko na kayo ay hindi mga ispya, ngunit, mga tapat kayong tao. Pagkatapos ay pakakawalan ko ang inyong kapatid. At saka maaari kayong bumilli kahit anung gustuhin ninyo sa bansang ito." 35 Habang inaalis nila ang laman ng kanilang mga sako, nagulat sila na bawat sako ay may nakalagay na supot ng pera! Natakot sila nang makita nila at ng kanilang ama ang mga ito. 36 Sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, "Kayo ang nagdulot sa dalawa kong anak na lalaki na mahiwalay sa akin! Patay na si Jose at nawawala si Simeon! At ngayon gusto niyo pang kunin si Benjamin sa akin! Ako ang nagdurusa dahil sa mga bagay na ito na nangyayari!" 37 Sinabi ni Reuben sa kanyang ama, "Ibabalik ko si Benjamin sa iyo. Hayaan mong ingatan ko siya. Kung hindi ko man maibalik si Benjamin sa iyo, maaari mo nang patayin ang dalawa kong anak na lalaki." 38 Ngunit sinabi ni Jacob, "Hindi, ako ay hindi papayag na ang anak ko ay sumama sa iyo pababa. Ang kanyang kapatid na lalaki ay patay na, at siya na lamang ang natitirang anak ng asawa kong si Raquel! Kapag may nangyaring masama sa kanya habang kayo ay naglalakbay, magagawa mo akong mamatay sa paghihinagpis, ako na isang matandang kulay-abo na buhok."