16

1 Hanggang sa mga panahong iyon, hindi pa rin nagkaanak ang asawa ni Abram na si Sarai para kay Abram. Pero mayroon siyang alipin na babae na taga-Ehipto na ang pangalan ay Agar. 2 Sinabi ni Sarai kay Abram, "Makinig ka sa akin! Hindi ako pinahintulutan ni Yahweh na magkaanak. Kaya sipingan mo ang aking alipin na si Agar. Marahil maaari siyang magkaanak na maaari maging akin." At sumang-ayon si Abram sa sinabi ni Sarai. 3 Nangyari ito makalipas ang sampung taon mula ng pumunta sina Abram at Sarai para manirahan sa lupain ng Canaan. Sa ganitong paraan kinuha ni Abram si Agar na alipin ni Sarai na taga-Ehipto, para kaniyang maging pangalawang asawa. 4 Kaya sinipingan niya si Agar at nagdalang-tao ito. Nang nalaman niyang nagdadalang-tao siya, sinimulan niyang hamakin ang kaniyang among si Sarai. 5 Pagkatapos sinabi ni Sarai kay Abram, "Kasalanan mo ito! Ipinaubaya ko sa iyong bisig ang aking alipin para iyong sipingan. Ngayon siya ay nagdadalang-tao at hinahamak niya ako dahil wala akong anak. Nawa makita ni Yahweh na nagkasala ka dahil sa ginawa mong ito sa akin!" 6 Kaya sinabi ni Abram kay Sarai, "Makinig ka sa akin! Siya ay iyong alipin, dapat mo siyang pakitunguhan sa alam mong pinakamabuting paraan." Pagkatapos nagsimula ang pagmamalupit ni Sarai sa kaniya, kaya sila Hagar ay tumakas. 7 Pinuntahan siya ng anghel ni Yahweh sa tabi ng isang bukal na tubig sa disyerto. Isa itong bukal na nasa tabi ng daanan na papuntang Shur. 8 Sinabi niya sa kaniya, "Agar, alipin ni Sarai, saan ka ba nanggaling at saan ka papunta?" Sumagot siya, "Tumakas ako mula kay Sarai na aking amo." 9 Sinabi ng anghel ni Yahweh, "Bumalik ka sa iyong among babae at patuloy kang sumunod sa kaniya." 10 Sinabi rin ng anghel ni Yahweh sa kaniya, "Pararamihin ko ang iyong mga kaapu-apuhan na walang ni isa ang makakabilang nito!" 11 Sinabi rin ng anghel ni Yahweh sa kaniya, "Pakinggan mo ito! Ikaw ay nagdadalang-tao. Ipanganganak mo ang isang batang lalaki. Dapat pangalanan mo siyang Ismael, na ang ibig sabihin ay 'Nakikinig ang Dios', dahil narinig ni Yahweh ang iyong pag-iyak dahil sa nararamdaman mong matinding kalungkutan. 12 Pero ang iyong anak ay magiging isang mailap na asno na hindi mapipigilan. Kakalabanin niya ang lahat at kakalabanin siya ng lahat. Maninirahan siya nang malayo mula sa lahat ng kaniyang kamag-anak." 13 Sinabi ni Agar sa kaniyang sarili," Patuloy akong mamumuhay, kahit nakikita ako ni Yahweh". Kaya tinawag niya si Yahweh na“Ang Diyos na nakakita sa akin." 14 Dahil dito tinawag ng mga tao ang balon na Beer lahai ro," na ang ibig sabihin, ang balon ng isang nabubuhay na nakakita sa akin!" Nandoon pa rin iyon, sa pagitan ng Kades at Bered. 15 Kinalaunan nagsilang si Agar ng isang anak na lalaki para kay Abram at siya ay pinangalanan niyang Ismael. 16 Walumput-anim na taong gulang si Abram nang isilang ni Agar ang anak na lalaki ni Abram na si Ismael.