17

1 Nang siyamnapu't-siyam na taong gulang na si Abram, muling nagpakita si Yahweh kay Abram at sinabi sa kaniya, "Ako ang Diyos na makapangyarihan. Gusto kong mamuhay ka sa paraan na gusto ko. Gusto ko na huwag kang gumawa ng anumang hindi tama. 2 Pagtitibayin ko ang aking tipan sa pagitan natin, at idudulot kong magkaroon ka ng napakaraming bilang ng kaapu-apuhan." 3 Lumuhod si Abram na nakasayad ang mukha sa lupa. Pagkatapos sinabi ng Diyos sa kanya, 4 "Pakinggan mo ito! Ito ang tipan na gagawin ko sa iyo: Ikaw ay magiging ama ng maraming pangkat ng mga tao. 5 Hindi na magiging Abram ang pangalan mo. Sa halip, ang iyong magiging pangalan ay Abraham, dahil gagawin kitang ama ng maraming pangkat ng mga tao. 6 Idudulot ko na ikaw ay magkaroon ng napakaraming kaapu-apuhan, at idudulot ko rin na kabilang dito ang mga bansa at mga hari. 7 Gagawin ko ang tipan na ito sa pagitan ko at sa iyo at sa mga susunod na salinlahi ng iyong mga kaapu-apuhan magpakailanman. Dahil sa tipang ito, kayo ay sasamba at susunod sa akin bilang Diyos, gayundin ang iyong mga kaapu-apuhan. 8 Ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga kaapu-apuhan ang lupain ng Canaan, ang buong lupain ng Canaan, kung saan naninirahan kayo ngayon. Magiging walang hanggang pag-aari ito para sa kanila, at ako ang kanilang magiging Diyos. 9 Pagkatapos sinabi ng Diyos kay Abraham, "Ngayon dapat mong ingatan ang bahagi ng tipan na ginawa ko sa iyo, dapat sundin din ito ng iyong mga kaapu-apuhan, para sa lahat ng mga salinlahi. 10 Ito ay kailangan sa tipan na aking gagawin sa pagitan ko at sa iyo at lahat ng iyong mga kaapu-apuhan: Ang bawat lalaki sa inyo ay dapat matuli. 11 Ang paghiwa ng kanilang mga balat ay magiging palatandaan na tinatanggap mo ang tipan na aking ginawa sa iyo. 12 Bawat batang lalaki sa inyo ay dapat matuli pagdating ng ikawalong araw na gulang, at sa lahat ng darating pang mga salinlahi. Kasama na roon ang mga batang lalaki sa iyong sambahayan at mga ipinanganak mula sa mga alipin na nabili, at mga dayuhan na naninirahan sa inyo pero hindi kabilang sa iyong sambahayan. 13 Hindi mahalaga kung ang kanilang mga magulang ay kasapi ng iyong sambahayan o alipin na iyong binili; dapat silang lahat ay matuli. Ang iyong mga katawan ay magkakaroon ng tandang ito para ipakita na tinanggap mo ang walang hanggang tipan na aking ginawa. 14 Kailangan palayasin mo mula sa iyong komunidad ang sinumang lalaki na hindi pa natuli, dahil ang taong iyon ay sumuway sa aking tipan." 15 Sinabi rin ng Diyos kay Abraham, "Tungkol naman kay Sarai, ang iyong asawa, hindi mo na siya kailanman tatawaging Sarai. Babaguhin ko na rin ang kanyang pangalan. Ang pangalan niya ngayon ay magiging Sara na. 16 Pagpapalain ko siya, at tiyak na magsisilang siya ng anak na lalaki para sa iyo. At pagpapalain ko siya nang lubos na siya ay magiging ninuno ng mga tao ng napakaraming mga bansa. Ang mga hari at mga pangkat ng mga tao ay magmumula sa kanya." 17 Lumuhod si Abraham na nakasayad ang mukha sa lupa bilang paggalang sa Diyos. Pero tumawa siya, at sinabi sa kanyang sarili, "Maaari pa kayang maging ama ng batang lalaki ang isandaang taong gulang na? At dahil si Sara ay siyamnapung taong gulang na, paano pa kaya siya magdadalang tao"? 18 Pagkatapos sinabi ni Abraham sa Diyos, "Marahil hahayaan mong matanggap ni Ismael ang iyong pagpapala at magmana ng lahat ng aking pag-aari." 19 Pagkatapos sumagot ang Diyos, "Hindi! Ang iyong asawa na si Sara ay magkakaanak ng isang batang lalaki para sa iyo. Dapat mo siyang pangalanang Isaac. Itatatag ko ang aking tipan sa kanya, na magiging walang hanggang tipan sa kanya at sa kanyang mga kaapu-apuhan. 20 Tungkol naman kay Ismael, narinig ko ang kahilingan mo sa akin na gawin ko para sa kanya. Pagpapalain ko siya para magkaroon din siya ng napakaraming kaapu-apuhan. Kabilang sa kanyang mga kaapu-apuhan ay magiging pinuno ng labindalawang lipi. At idudulot kong maging isang dakilang bansa ang kaniyang mga kaapu-apuhan. 21 Pero kay Isaac ko itatatag ang aking tipan—kay Isaac, ang batang lalaki na isisilang ni Sara sa ganitong panahon sa susunod na taon." 22 Nang matapos makipag-usap ang Diyos kay Abraham, naglaho ang Diyos sa kanyang paningin. 23 Sa parehong araw na iyon, kinuha ni Abraham ang kanyang anak na lalaki na si Ismael at ang lahat ng mga anak na lalaki na naroon sa kanyang sambahayan, kabilang ang mga anak na lalaki ng mga alipin na kanyang binili, at tinuli sila. Hiniwa niya ang kanilang mga balat, gaya ng sinabi ng Diyos na kanyang gawin. 24 Si Abraham ay natuli nang siya ay siyamnapu't-siyam na taong gulang, 25 at labintatlong taong gulang naman si Ismael nang siya ay tinuli. 26 Sa parehong araw tinuli sina Abraham at kanyang anak na si Ismael. 27 Lahat ng mga lalaki sa kanyang sambahayan, ang mga isinilang doon at ang mga nabili ni Abraham mula sa mga dayuhan, ay tinuli rin.