15

1 Kinalaunan, nagkaroon ng pangitain si Abram na kinausap siya ni Yahweh at sinabing, "Huwag kang matakot sa anumang bagay, ipagtatanggol kita at bibigyan kita ng dakilang gantimpala." 2 Pero sumagot si Abram "Panginoong Yahweh, paano mo maibibigay sa akin ang aking gusto, dahil wala akong mga anak, at ang magmamana ng lahat ng aking mga ari-arian ay ang aking lingkod na si Eliezer, mula sa Damascus!" 3 At sinabi rin ni Abram, "Hindi mo ako pinagkalooban ng mga anak, kaya isang lingkod sa aking sambahayan ang magmamana ng lahat ng bagay na mayroon ako!" 4 Sumagot si Yahweh, Hindi! Hindi siya ang magmamana nito. Sa halip, ikaw mismo ang magiging ama ng natatanging tagapagmana ng lahat na mayroon ka." 5 Pagkatapos dinala ni Yahweh sa labas si Abram sa kaniyang tolda at sinabi, "Tumingin ka sa langit! Kaya mo bang bilangin ang mga bituin? Hindi, hindi mo silang kayang bilangin dahil napakarami ng mga ito, at ang iyong mga kaapu-apuhan ay magiging kasing rami ng mga bituin." 6 Naniwala si Abram na mangyayari ang sinabi ni Yahweh. Dahil dito, itinuring siya ni Yahweh na matuwid. 7 Sinabi rin ni Yahweh sa kaniya, "Ako si Yahweh. Ako ang nagdala sa iyo mula Ur, sa lupain ng Caldea. Dinala kita rito para ibigay sa iyo ang lupaing ito para ariin." 8 Pero tumugon si Abram, "Panginoong Yahweh, paano ko matitiyak na maaangkin ko ang lupaing ito?" 9 Sinabi ng Diyos sa kaniya, "Magdala ka ng isang tatlong taong gulang na dumadalagang baka at isang tatlong taong gulang na kambing sa akin at isang kalapati at isang pitson." 10 Kaya dinala ni Abram ang lahat ng mga ito. Pinatay niya ang mga ito at hiniwa ng tigkakalahati ang mga hayop. Inalagay niya sa magkabilang gilid ang bawat kalahating bahagi nito. Pero hindi niya hinati ang pitson at kalapati. 11 Dumapo ang mga ibon na kumakain ng mga patay na hayop para kainin ang mga ito, pero itinaboy sila ni Abram. 12 Nang lumulubog na ang araw, nakatulog ng mahimbing si Abram at biglang dumilim ang buong paligid niya at ito ay nakakatakot. 13 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Abram, "Gusto kong malaman mo na mamumuhay bilang mga dayuhan ang iyong mga kaapu-apuhan sa isang lupain na hindi kanila. Magiging alipin sila ng mga may-ari ng lupaing iyon Pagmamalupitan sila ng mga may-ari ng lupain sa loob ng apatnaraang taon. 14 Pero paparusahan ko ang mga mamamayan ng bansa iyon kung saan sila naging mga alipin. Pagkatapos lilisanin ng iyong mga kaapu-apuhan ang bansang iyon na may dala-dalang mga ari-arian. 15 Pero ikaw, mapayapa kang mamamatay at ililibing kapag ikaw ay napakatanda na. 16 Pagkatapos na maging alipin ng iyong mga kaapu-apuhan ng apatnaraang taon, babalik sila rito. Sila ang mamamahala sa lupaing ito at tatalunin nila ang mga mamamayan sa Amor. Hindi pa ito mangyayari, dahil hindi pa naging sukdulan ang kasamaan ng mga mamamayan ng Amor para mapasurahan ko sila ng ganoon." 17 Nang lumubog na ang araw at madilim na, sa hindi inaasahan, isang nagliliyab na sulo at palayok na may nagbabagang uling na kung saan nanggagaling ang usok na umaangat ay lumitaw at pumunta sa pagitan ng mga hinati ng mga hayop. 18 Sa araw na iyon gumawa si Yahweh ng tipan kay Abram. Sinabi ni Yahweh sa kaniya, "Ibibigay ko sa iyong mga kaapu-apuhan ang lahat ng lupain sa gitna ng ilog na nasa hangganang silangan ng Ehipto hanggang sa timog, at ang hilaga hanggang ilog ng Eufrates. 19 Ito ang lupain kung saan naninirahan ang mga mamamayan ng Ken, Keniz, Kidmon, 20 Heth, Perez, Repha, 21 Amor, Canaan, Gerges, at Tebus.”