14

1 May apat na mga hari na magkakampi. Sila ay sina Haring Amrafel ng Babilonia, Haring Arioc ng Elasar, Haring Kedorlaomer ng Elam, Haring Tidal ng Goyim. 2 Naghanda sila sa paglusob sa isang grupo ng limang mga hari: Haring Bera ng Sodoma, Haring Birsha ng Gomorra, Haring Shinab ng Adma, Haring Shemeber ng Zeboim, at ang hari ng Bela, ang lungsod na tinatawag na ngayong Zoar. 3 Nagsama-sama 'yung limang mga hari at ang kanilang mga hukbo sa Lambak ng Sidim, na tinatawag din na lambak ng Dagat Patay, para labanan ang apat na mga hari at ang kanilang mga hukbo. 4 Sa loob ng labindalawang taon si Haring Kedorlaomer ang namuno sa kanila. Pero nang ikalabintatlong taon, naghimagsik sila laban kay Haring Kedorlaomer at tumanggi nang magbigay ng buwis sa kaniya. 5 Nang sumunod na taon, pinagtipon-tipon nina Haring Kedorlaomer at ng iba pang mga hari na kasama niya ang kanilang mga hukbo at sinimulang pumunta sa lugar ng limang mga hari. Natalo nila ang mga Refaita sa Astarot Carnaim, ang mga Zuzita sa Ham at ang mga Emita sa Save-Kiryatam. 6 Natalo rin nila ang mga Horeo na nasa kanilang burol na lugar ng Seir hanggang El Paran na malapit sa disyerto. 7 Pagkatapos umikot sila at pumunta sa Enmispat, na tinatawag na ngayong Kades. Sinakop nila ang lahat ng lupaing pag-aari ng mga Amalekita at ang mga Amoreo na naninirahan sa Hasason Tamar. 8 Pagkatapos nagmartsa ang mga hukbo ng mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboim at Bela para labanan ang mga hukbo ng apat na mga hari sa lambak ng Sidim. 9 Nakipaglaban sila sa mga hukbo nina Kedorlaomer ang hari ng Elam, Tidal ang hari ng Goyim, Amrafel ang hari ng Sinar, at Arioc ang hari ng Elasar. Ang mga hukbo ng apat na mga hari ay nakipagdigmaan laban sa mga hukbo ng limang mga hari. 10 Ang lambak ng Sidim ay puno ng mga hukay na may alkitran. Kaya maraming tauhan mula sa mga hukbo ng mga hari ang nahulog doon nang sinubukan nilang tumakas. Ang iba ay nakaligtas at tumakas patungo sa mga burol. 11 Habang tumatakas sila, kinuha ng kanilang mga kaaway ang lahat ng mga mahahalagang bagay sa Sodoma at Gomorra, pati na ang lahat ng mga pagkain. 12 Binihag din nila ang pamangkin ni Abram na si Lot at ang kaniyang mga ari-arian, yamang nakatira siya sa Sodoma nang panahong iyon. 13 Nung panahong iyon, naninirahan si Abram malapit sa malalaking punongkahoy na pag-aari ni Mamre, na pag-aari ng angkan ng Amor. Gumawa ng kasunduan si Abram kina Mamre at sa kaniyang dalawang lalaking kapatid na sina Escol at Aner, na magtutulungan sila sakaling mayroong digmaan. 14 Ang isa sa mga tauhang nakatakas mula sa digmaan ay nakapagsumbong kay Abram na Hebreo kung anong nangyari, pati na ang pagkakabihag ng kaaway sa kaniyang pamangkin na si Lot. Kaya pinatawag ni Abram ang 318 tauhan na kaniyang mga lingkod, mga tauhan na naging kasama ni Abram mula nang maipinanganak sila at mga bihasa sa pakikipaglaban. Sama-sama silang pumunta at tumugis sa mga kaaway hanggang sa lungsod ng Dan. 15 Kinagabihan, pinaghiwa-hiwalay ni Abram ang kaniyang mga tauhan sa ilang mga grupo at nilusob ang kanilang mga kaaway mula sa iba't ibang mga direksiyon at tinalo sila. Hinabol nila ang mga kaaway hanggang sa Hoba na nasa hilaga ng lungsod ng Damasco. 16 Nabawi ng mga tauhan ni Abram ang lahat ng mga nakuhang mga kagamitan. Nailigtas rin nila si Lot at ang lahat ng kaniyang mga ari-arian pati na ang mga kababaihan at iba pang mga nakuha ng mga kaaway. 17 Habang pauwi si Abram matapos niya at ng kaniyang mga tauhang talunin ang mga hukbo ni Haring Kedorlaomer na kasama ang iba pang mga hari sa pakikipaglaban, pumunta ang Hari ng Sodoma sa hilaga para katagpuin siya sa Lambak ng Save, na tinatawag din ng mga tao na Lambak ng Hari. 18 Si Melquisedec, hari ng lungsod ng Salem, ay pari rin ng Kataas-taasang Diyos. Nagdala siya ng ilang tinapay at alak kay Abram. 19 Pagkatapos pinagpala niya si Abram at sinabing, "Hinihingi ko sa kataastaasang Diyos na siyang lumikha ng langit at lupa na pagpalain ka. 20 Pinupuri ko ang kataastaasang Diyos dahil siya ang dahilan kung bakit natalo mo ang iyong mga kaaway." Pagkatapos nagbigay si Abram kay Melquisedec ng ikapu ng lahat ng mga bagay na kaniyang nakuha. 21 Sinabi ng Hari ng Sodoma kay Abram, "Sa iyo na ang lahat ng mga kagamitang nabawi mo. Basta hayaan mong bawiin ko ang aking mga mamamayan na iyong nabihag." 22 Pero sinabi ni Abram sa Hari ng Sodoma, "Taimtim akong nangako kay Yahweh, kataas-taasang Diyos, siyang lumikha ng langit at lupa, 23 na hindi ako kukuha ng kahit na isang sinulid o sintas ng sandalyas mula sa kahit na anong pag-aari mo. Nang sa gayun hindi ka makakapagsabing, 'Ako ang dahilan ng pagyaman ni Abram.' 24 Ang tanging bagay na tatanggapin ko ay ang mga nakain ng aking mga tauhan. Pero sumabay sa akin at nakipaglaban din kasama ko sina Aner, Escol, at Mamre, kaya't hayaan mo silang kunin ang kanilang bahagi mula sa mga kagamitan na aming naidala pabalik.