13

1 Kaya nilisan nina Abram at Sarai ang Ehipto at bumalik sa timog ng ilang sa Judea. Dinala nila ang lahat ng kanilang mga ari-arian, at sumama si Lot sa kanila. 2 Napakayaman ni Abram. Nagmamay-ari siya ng maraming alagang hayop, pilak at ginto. 3 Patuloy ang kanilang paglalakbay mula sa isang dako patungo sa ibang dako, mula sa timog ng ilang ng Judean patungong Bethel, hanggang sa gitna ng Bethel at Ai kung saan dati nilang itinayo ang kanilang mga tolda. 4 Dito rin dating nagtayo ng altar si Abram; doon muli niyang sinamba si Yahweh. 5 Si Lot na naglalakbay kasama ni Abram ay mayroon ding mga kawan ng tupa at mga kambing at mga kawan ng mga baka at mga tolda. 6 Silang dalawa ay mayroong napakaraming mga hayop, kaya hindi na sila maaaring tumirang lahat sa iisang lugar. Hindi na sapat ang lupain sa pagbigay ng tubig at pagkain para sa lahat ng kanilang mga hayop. 7 At saka, nagsimulang makipag-away ang mga tauhan ni Abram na nag-aalaga ng mga hayop sa mga tauhan ni Lot na nag-aalaga rin ng mga hayop. Naninirahan din ang mga lahi ng Canaan at Perez sa lugar na iyon. 8 Pagkatapos sinabi ni Abram kay Lot, "Yamang malapit tayo na magkamag-anak, hindi maganda para sa atin ang magkaalitan, maging ang mga tagapangalaga ng iyong mga hayop na makipag-alitan sa mga tagapangalaga ng aking mga hayop. 9 Napakaraming lupain para sa ating dalawa. Kaya kailangan na nating maghiwalay. Maaari mong piliin saanmang bahagi ang iyong naisin. Kung nais mo ang sa banda roon, mananatili ako rito. Kung nais mo rito, pupunta ako banda roon." 10 Tumingin si Lot patungong Zoar at nakita na sagana sa tubig ang lahat ng dako ng kapatagan na malapit sa Ilog Jordan. Ito ay bago pa nilipol ni Yahweh ang Sodoma at Gomorrah na nasa kapatagang iyon. Sa mga araw na iyon, para itong hardin ni Yahweh tulad ng lupain sa Ehipto na malapit sa Ilog Nilo. 11 Kaya pinili ni Lot para sa kaniyang sarili ang lupain sa kapatagan ng Ilog Jordan. Iniwan niya ang kaniyang tiyuhing si Abram at lumipat sa silangan. 12 Nanatili si Abram sa lupain ng Canaan at umalis si Lot para manirahan malapit sa mga lungsod sa kapatagan ng Ilog Jordan at itinayo ang kaniyang mga tolda malapit sa Sodoma. 13 Ngayon, ubod ng sama ang mga taong nakatira sa Sodoma at labis ang kasalanan nila kay Yahweh. 14 Matapos maghiwalay nina Abram at Lot, sinabi ni Yahweh kay Abram, "Tumingin ka sa palibot nitong buong lugar na iyong kinaroroonan. Tumingin ka sa hilaga, timog, silangan at kanluran. 15 Ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga kaapu-apuhan ang lahat ng lupaing nakikita mo; ibibigay ko ito sa iyo ng walang hanggan. 16 Gagawin kong sindami ng alikabok ang iyong mga kaapu-apuhan! Kung mayroong isang taong susubukang bilangin ang alikabok, ganito rin niya bibilangin ang iyong mga kaapu-apuhan. 17 Lakarin mo ang lupain sa bawat direksyon dahil ibibigay ko ang lahat ng ito sa iyo." 18 Kaya niligpit ni Abram ang kaniyang mga tolda at lumipat sa Hebron at nanahan sa may malalaking punongkahoy ni Mamre. Itinayo niya ang batong altar doon para gumawa ng mga alay kay Yahweh.