35

1 Makalipas ang ilang panahon, sinabi ng Diyos kay Jacob, "Umakyat ka sa lungsod ng Betel at manirahan doon. Magtayo ka ng altar para sambahin ako, ang Diyos, na nagpakita sa iyo nung ikaw ay tumatakas mula sa nakatatanda mong kapatid na si Esau." 2 Kaya sinabi ni Jacob sa kaniyang sambahayan at sa lahat ng iba pang kasama niya, "Alisin ninyo ang mga diyos-diyosang dala ninyo mula sa lupain ng Mesopotamia. Pati na rin, paliguan ang inyong mga sarili at magsuot ng malilinis na mga damit. 3 Pagkatapos tayo ay maghahanda at aakyat ng Betel. Doon itatayo ko ang isang altar para sambahin ang Diyos. Siya ang tumulong sa akin noong mga panahong ako ay nasa matinding pighati at takot, at siya ay kasama ko saan man ako pumunta." 4 Kaya ibinigay nila kay Jacob ang lahat ng mga diyos-diyosang dinala nila at lahat ng kanilang mga hikaw. Inilibing ni Jacob sa lupa sa ilalim ng malaking puno ng terebinto na malapit sa lungsod ng Siquem. 5 Sa paghahanda nilang umalis doon, Idinulot ng Diyos ang mga taong nakatira sa mga lungsod na nakapalibot sa kanila na labis na matakot sa pamilya ni Jacob, kaya hindi na nila sila hinabol. 6 Si Jacob at ang lahat ng kasama niya ay nagtungo sa Luz, na tinatawag na ngayong Betel, sa lupaing Canaan. 7 Doon nagtayo siya ng altar. Pinangalanan niya ang lugar na El Betel, na ang ibig sabihin ay "Diyos ng Betel," dahil sa lugar na iyon ipinakita ng Diyos ang kaniyang sarili kay Jacob noong siya ay tumatakas mula sa kanyang kapatid na si Esau. 8 Si Debora, na nag-alaga sa asawa ni Isaac na si Rebeka noong si Rebeka ay bata pa, na ngayon ay napakatanda na. Namatay siya at inilibing sa ilalim ng puno ng terebinto sa timog ng Betel. Kaya pinangalanan nila ang lugar na iyon bilang Allon Bacuth, na ang ibig sabihin ay "terebinto ng pagtangis."

9 Matapos na si Jacob at ang kaniyang pamilya ay makabalik mula Paddan Aram, habang sila ay nananatili pa sa Betel, ang Diyos ay nagpakita muli kay Jacob at siya ay binasbasan. 10 Sinabi ulit ng Diyos sa kanya, "Ang pangalan mo ay hindi na magiging Jacob. Ito ay magiging Israel." Kaya naman si Jacob ay tinawag noon na "Israel." 11 Pagkatapos ay sinabi ng Diyos sa kanya, "ako ang Makapangyarihang Diyos. Magbunga ka ng maraming anak. Ang iyong mga kaapu-apuhan ay magiging maraming bansa, at ang ilan sa iyong mga kaapu-apuhan ay magiging mga hari. 12 Ang lupain na ipinangako kong ibibigay kay Abraham at Isaac, Ibibigay ko sa iyo. Ibibigay ko rin ito sa iyong mga kaapu-apuhan." 13 Pagkatapos na magsalita ang Diyos doon, iniwan na niya si Jacob. 14 Si Jacob ay nagtayo ng malaking bato sa lugar kung saan nakipagusap sa kanya ang Diyos. Nagbuhos siya ng alak at ilang langis ng olibo doon at inihandog iyon sa Diyos. 15 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Betel, na ang ibig sabihin ay "tahanan ng Diyos," dahil nagsalita ang Diyos sa kanya doon.

16 Si Jacob at ang kaniyang pamilya ay iniwan ang Betel at naglakbay pa-timog patungo sa bayan ng Efrat. Nang sila ay nasa malayo pa mula sa Efrat, si Raquel ay nagsimulang magkaroon ng matinding pananakit sa panganganak. 17 Nang matindi na ang pananakit, sinabi ng hilot kay Raquel, "Huwag kang matakot, dahil ngayon ipinanganak mo ang isa na namang sanggol na lalaki!" 18 Ngunit siya ay naghihingalo na, at sa kanyang huling hininga ay sinabi niya, "Pangalanan mo siyang Benoni," na ang ibig sabihin ay "anak ng aking hinagpis," ngunit pinangalanan siyang Benjamin ng kanyang ama, na ang ibig sabihin ay "anak ng aking kanang kamay." 19 Pagkamatay ni Raquel, inilibing siya sa tabing daan papuntang Efrat, na ngayon ay tinatawag na Betlehem. 20 Nagtayo si Jacob ng malaking bato sa libingan niya, at nandoon pa iyon ngayon, nagpapakita kung saan ang libingan ni Raquel. 21 Si Jacob, na ang bagong pangalan ay Israel, ay nagpatuloy sa paglalakbay kasama ang kanyang pamilya, at itinayo niya ang kanyang mga tolda sa timog na bahagi ng tore ng Eder. 22 Habang sila ay naninirahan sa lugar na iyon, ang anak na lalaki ni Jacob na si Reuben ay sumiping kay Bilha, isa sa mga kerida ng kanyang ama. May nagsabi kay Jacob tungkol dito, at nagdulot ito sa kanya na sobrang galit. Ngayon si Jacob ay may labindalawang anak na mga lalaki.

23 Ang mga anak ni Lea ay sina Reuben, na siyang pinakamatandang lalaking anak ni Jacob, si Simeon, Levi, Juda, Isacar, at Zebulun.

24 Ang mga anak ni Raquel ay sina Jose at Benjamin.

25 Ang mga lalaking anak ng babaeng alipin ni Raquel na si Bilha ay sina Dan at Naftali.

26 Ang mga lalaking anak ng alipin ni Lea na si Zilpa ay sina Gad at Asher. Lahat ng mga anak na lalaki ni Jacob, maliban kay Benjamin, ay ipinanganak habang siya ay naninirahan sa Paddanaram.

27 Bumalik pauwi si Jacob para makita ang kaniyang amang si Isaac sa Mamre, na pinangalanan ding Kiriatharba, at ngayon ay pinangalanang Hebron. Ang ama ni Isaac na si Abraham ay nanirahan din doon.

28 Nabuhay si Isaac hanggang sa siya'y 180 taong gulang. 29 Napakatanda na niya nang siya'y mamatay at naisama sa kanyang mga ninuno na unang namatay. Ang mga anak niyang lalaki na sina Esau at Jacob ang naglibing sa kanyang katawan.