33

1 Pagkatapos pinagsama-sama ni Jacob ang natira sa kanyang pamilya. Kinalaunan, tumingala si Jacob at nakita niya si Esau na paparating na may kasamang mga lalaki. Nag-aalala si Jacob dahil doon, kaya't pinaghiwa-hiwalay niya ang mga bata. Inilagay niya ang mga anak ni Lea kay Lea, mga anak ni Raquel kay Raquel, at ang mga anak ng dalawang babaeng alipin sa kanilang ina. 2 Inilagay niya ang dalawang babaeng alipin at ang kanilang mga anak sa harapan. Kasunod ay inilagay niya si Lea at ang kanyang mga anak. Inilagay niya sa hulihan sina Raquel at Jose. 3 Siya mismo ang nanguna sa kanilang lahat, at habang patuloy siyang lumalapit sa kanyang nakakatandang kapatid, nagpatirapa siya sa lupa ng pitong beses. 4 Ngunit tumakbo si Esau papunta kay Jacob. Niyakap niya, inilagay ang kanyang mga braso sa leeg, at hinalikan siya sa pisngi. At sila'y parehong nag-iyakan. 5 Pagkatapos tumingala si Esau at nakita niya ang mga babae at mga bata. Nagtanong siya, "Sino ang mga taong ito na kasama mo?" Sumagot si Jacob, "Ito ang mga asawa at mga anak na mabiyayang ipinagkaloob ng Diyos sa akin." 6 Ang mga aliping babae ay lumapit at yumukod sa harapan ni Esau. 7 Pagkatapos sumunod na lumapit si Lea at ang kanyang mga anak at yumukod. Sa huli si Jose at Raquel ay lumapit at yumukod. 8 Tinanong ni Esau, "Ano ang ibig sabihin ng lahat ng mga hayop na nakita ko?" Sumagot si Jacob, "Ibinibigay ko ang mga ito sa iyo, ginoo, upang magiging mabuti ang kalooban mo sa akin." 9 Ngunit sumagot si Esau, "Aking nakababatang kapatid, mayroon na akong sapat na mga alagang hayop! Sa iyo na lang ang mga alagang hayop na mayroon ka!" 10 Ngunit sinabi ni Jacob, "Hindi, pakiusap, kung ako'y kaaya-aya sa iyo, tanggapin mo ang mga regalong ito mula sa akin. Naging napakabait ng pagbati mo sa akin. Ang makita kang ngumiti sa akin ay nagbibigay katiyakan sa akin na napatawad mo na ako. Ito ay katulad ng pagkakakita ko sa mukha ng Diyos! 11 Pakiusap tanggapin mo itong mga regalong dinala ko para sa iyo, dahil ang Diyos ay gumawa ng kabutihan sa akin, at mayroon pa akong maraming alagang hayop!" Si Jacob ay nagpatuloy sa pagpupumilit sa kanya na tanggapin ang mga ito, at sa huli ay tinanggap din ni Esau ang mga iyon. 12 Pagkatapos ay sinabi ni Esau, "Halina't magpatuloy tayo maglakbay ng magkakasama at pangungunahan kita sa iyong daan." 13 Sinabi ni Jacob, "Alam mo, ginoo, na ang mga bata ay mahihina, at kailangan kong asikasuhin ang mga babaeng tupa at mga baka na sumususo ng gatas sa kanilang ina. Kung pipilitin ko silang maglakad ng mabilis nang malayo sa isang araw lang, lahat ng mga alagang hayop ay mamamatay. 14 Mauna ka na sa akin. Gagabayan ko ang mga alagang hayop ng marahan, ngunit ako ay maglalakad nang kasing bilis ng paglalakad ng mga bata at mga hayop. Hahabol na lang ako sa iyo sa Seir." 15 Sinabi ni Esau, "Kung gayon payagan mo akong iwanan kita ng ilan sa mga taong kasama ko upang magbantay sa iyo." Ngunit sumagot si Jacob, "Bakit mo gagawin iyan? Ang tanging bagay lamang na nais ko ay magiging maganda ang kalooban mo sa akin." 16 Kaya sa araw na iyon umalis si Esau pabalik ng Seir. 17 Ngunit sa halip na pumunta sa Seir, si Jacob at ang kanyang pamilya ay nagpunta sa isang lugar na tinatawag na Sucot. Doon nagtayo siya ng bahay para sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya, at nagtayo ng silungan para sa kanyang mga alagang hayop. Iyan ang dahilan na tinawag nila ang lugar na Sucot, na ibig sabihin ay "mga Kanlungan."

18 Sa ganitong paraan umalis sa Paddan Aram si Jacob at ang kanyang pamilya at naglakbay ng ligtas patungo sa lupain ng Canaan. Nagtayo sila doon ng kanilang mga tolda sa bukid malapit sa lungsod ng Sechem. 19 Isa sa mga pinuno ng mga mamamayan sa lugar na iyon ay si Hamor. Si Hamor ay may maraming anak na lalaki. Binayaran ni Jacob ang mga anak ni Hamor ng isang-daang piraso ng pilak para sa isang piraso ng lupa na kung saan itinayo nila ang kanilang mga tolda. 20 Nagtayo siya ng batong altar doon at pinangalanan itong El Elohe Israel, na nangangahulugang "Diyos, ang Diyos ng Israel."