32

1 Habang nagpatuloy sa paglalakbay si Jacob at ang kanyang pamilya, ilang anghel ang dumating mula sa Diyos at sinalubong siya. 2 Nang nakita sila ni Jacob, sinabi niya, "Ito ang kampo ng hukbo ng Diyos!" Kaya pinangalanan niya ang lugar na iyon na Mahanaim.

3 Sinabihan ni Jacob ang ilan sa kanyang mga tauhan na mauna sa kanya papunta sa kanyang nakakatandang lalaking kapatid na si Esau, na nakatira noon sa Seir, iyon ay, lupain ng Edom. 4 Sinabi niya sa kanila, "Ito ang gusto kong sabihin ninyo sa aking kapatid na si Esau: 'Ako, si Jacob, ang iyong alipin at ikaw ang aking panginoon. Namumuhay ako kasama ang aming tiyuhin na si Laban, at nakatira ako roon hanggang ngayon. 5 Ako ngayon ay nagmamay-ari ng maraming baka, mga asno, mga tupa, mga kambing, at lalaki at babaeng mga alipin. Ngayon pinapadala ko sa iyo ang mensaheng ito, ginoo, umaasang kagigiliwan mo ako kapag ako ay dumating."' 6 Pumunta ang mga mensahero at binigay ang mensahe kay Esau. Nang makabalik sila kay Jacob, sinabi nila, "Pumunta kami sa iyong kapatid na si Esau. Pupunta siya sa iyo, at apat na daang tauhan ang kanyang kasama." 7 Natakot at nag-alala si Jacob. Kaya hinati niya ang mga taong kasama niya sa dalawang pangkat. Hinati rin niya ang mga tupa at mga kambing, ang baka, at ang mga kamelyo, sa dalawang pangkat. 8 Napag-isip niya, "Kapag pumunta dito si Esau at ang kanyang mga tauhan at sinalakay tayo, marahil maiiwan ang isang pangkat makatakas." 9 Pagkatapos nanalangin si Jacob, "O Yahweh na Diyos, na sinamba ng aking lolo na si Abraham, at ang sinamba ng aking ama na si Isaac, sinabi mo sa akin, 'Bumalik ka sa iyong sariling lupain at sa iyong mga kamag-anak, at dudulutin kong mangyari ang mabubuting bagay sa iyo.' 10 Hindi ako karapat-dapat na panatilihin mo ang iyong kasunduan sa maraming paraan gaya ng katapatan at pagtitiwala sa iyong lingkod. Mayroon lamang akong panlakad na patpat sa aking paglalakbay nang aking tawirin ang Ilog ng Jordan sa aking daan patungong Haran, ngunit ngayon ako ay napakayaman na mayroong dalawang malalaking pangkat ang aking pamilya at mga ari-arian. 11 Kaya ngayon ako'y nananalangin na ako ay iyong iligtas mula sa kapangyarihan ng aking kapatid na si Esau, dahil ako ay natatakot sa kaniya at ang kanyang mga tauhan ay darating at sasalakayin at papatayin ako at ang mga bata at ang kanilang mga ina. 12 Ngunit huwag mong kakalimutan na ikaw ay nagsabi, 'Tiyak na gagawin kitang maunlad, at dudulutin ko ang iyong mga kaapu-apuhan na mapakarami na maging kasing dami ng mga butil ng buhangin sa dalampasigan, na walang sinumang makakabilang sa dami nila."'

13 Natulog si Jacob sa lugar nang gabing iyon. Kinaumagahan pumili siya ng ilan sa mga hayop upang ibigay sa kanyang kapatid na si Esau. 14 Pinili niya ang dalawang daang babaeng kambing at dalawampung lalaking kambing, dalawang daang babaeng tupa at dalawampung lalaking tupa, 15 tatlumpung babaeng kamelyo at ang kanilang supling, apatnapung baka at sampung toro, dalawampung babaeng asno at sampung lalaking asno. 16 Hinati niya sila sa maliliit na kawan, at inilagay ang bawat kawan sa pangangalaga ng isa sa kanyang mga lingkod. Sinabi niya sa kanyang mga lingkod, "Mauna kayo sa akin, isang pangkat sa bawat pagkakataon, at lagyan ng puwang sa pagitan ng bawat kawan." 17 Sinabi niya sa kanyang lingkod na kasama sa unang pangkat, "Kapag sinalubong kayo ng aking kapatid na si Esau, magtatanong siya, 'Kanino kayo nabibilang at saan kayo pupunta, at kanino itong mga hayop na nasa inyong harapan?' 18 Sabihin sa kanya, 'Nabibilang sila sa iyong lingkod na si Jacob. Pinadala sila sa iyo bilang handog, ginoo. At susunod siya sa amin."' 19 Sinabi rin niya ang parehong bagay sa lingkod na nangangalaga sa pangalawa at pangatlong pangkat, at sa ibang tagabantay ng kawan. Sinabi niya sa kanila, "'Kapag nagkita kayo ni Esau, gusto kong sabihin ninyo ang parehong bagay na sinabi ko sa unang lingkod. 20 Tiyakin din ninyong sabihin 'Ang iyong lingkod na si Jacob ay susunod sa amin."' Sinabi ni Jacob sa kanila na sabihin iyon dahil napag-isip niya, "Marahil ang mga handog na una kong pinadala ay magiging dahilan na siya ay kumilos nang matiwasay sa akin. Mamaya, kapag makita ko siya, marahil siya ay kikilos nang mabait sa akin." 21 Kaya nauuna ang mga lalaking may dalang mga handog, ngunit si Jacob ay nanatili sa kampo nang gabi na iyon.

22 Minsan kalagitnaan ng gabing iyon, bumangon si Jacob at kinuha ang kanyang dalawang asawa, kanyang dalawang babaeng alipin, at ang kanyang labing isang mga anak, at pinadala niya sila patawid sa Ilog ng Jabbok. 23 Sa ganitong paraan niya pinadala ang lahat ng tao at lahat ng kanyang mga ari-arian patawid ng ilog. 24 Naiwan na mag-isa si Jacob. Ngunit dumating ang isang tao at nakipagbuno sa kanya hanggang madaling araw. 25 Nang napagtanto ng tao na hindi siya mananalo laban kay Jacob, hinampas niya ang balakang ni Jacob at naging dahilan na ang buto ng hita ay nahila mula sa bokilya ng balakang. 26 Sinabi ng tao, "Hayaan mo akong umalis, dahil mag-uumaga na." Sumagot si Jacob, "Hindi, kung hindi mo ako pagpapalain, hindi kita hahayaang umalis!" 27 Sinabi ng tao sa kanya, "Ano ang iyong pangalan?" Sumagot siya, "Jacob." 28 Sinabi ng tao, "Ang iyong pangalan ay hindi na Jacob. Ang iyong pangalan ay magiging Israel, na nangangahulugang 'nakikipagtalo siya sa Diyos,' dahil nakipagtalo ka sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagwagi." 29 Sinabi ni Jacob, "Ngayon, pakiusap sabihin mo ang iyong pangalan!" Sumagot ang tao, "Bakit mo tinatanong kung ano ang aking pangalan?" Ngunit binasbasan niya si Jacob doon. 30 Kaya pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Peniel, ibig sabihin "Mukha ng Diyos," nagsasabing "Tumingin ako ng tuwiran sa Diyos, ngunit hindi ako namatay dahil sa paggawa niyon." 31 Sumisikat na ang araw nang lisanin ni Jacob ang Peniel at siya ay papilay-pilay dahil sa nangyari sa kanyang balakang. 32 Ang kalamnan ng kanyang buto sa balakang ay napinsala. Kaya hanggang ngayon, dahil sa nangyari kay Jacob, ang mga taong Israelita ay hindi kinakain ang kalamnan na nakakabit sa bokilya ng balakang ng mga hayop.