30

1 Napagtanto ni Raquel na hindi siya mabuntis sa anumang paraan. Kaya naging mainggitin siya sa kanyang nakatatandang kapatid na babae, si Lea, dahil nanganak si Lea ng apat na lalaki. Sinabi niya kay Jacob, "Buntisin mo ako para magkaroon ng mga anak. Kapag hindi mo gagawin iyan, mamamatay ako!" 2 Nagalit si Jacob kay Raquel at sinabi, "Hindi ako Diyos! Siya lamang ang pumipigil sa iyo para mabuntis ka!" 3 Pagkatapos sinabi niya, "Tingnan mo, narito ang aking alipin na si Bilha. Sumiping ka sa kanya para magkaroon siya ng mga anak para sa akin. Sa ganyang pamamaraan magkaroon ako ng legal na mga anak." 4 Kaya binigay niya ang kanyang aliping si Bilha, para maging isa pang asawa niya, at sinipingan siya ni Jacob. 5 Siya ay nabuntis at nanganak ng lalaki kay Jacob. 6 Sinabi ni Raquel, "Ang Diyos ay nagbigay sa akin ng katarungan. Pinakinggan niya nang magdasal ako sa kanya, at ang kanyang katarungan ay bigyan ako ng anak na lalaki." Pinangalanan siyang Dan, na katunog sa salitang Hebro na ang ibig sabihin ay "binigyan niya ako ng hustisya." 7 Kinalaunan, nabuntis muli ang alipin ni Raquel na si Bilha at nagsilang ng isa pang anak na lalaki para kay Jacob. 8 Pagkatapos sinabi ni Raquel, "Nagkaroon ako ng matinding pagsisikap para magkaroon ng mga anak tulad ng aking nakatatandang kapatid na babae, pero tunay nga na mayroon akong anak na lalaki." Kaya pinangalanan siyang Nephtali, na kasintunog sa salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay "pagsisikap."

9 Nang napagtanto ni Lea na hindi na siya nagkakaroon ng mga anak, kinuha niya ang kanyang alipin, na si Zilpa, at ibinigay siya kay Jacob para maging isa pang asawa para sa kanya. 10 Mayamaya si Zilpa ay nabuntis at nagsilang ng lalaki para kay Jacob. 11 Sinabi ni Lea, "Mapalad talaga ako!" Kaya pinangalanan niya siyang Gad, na ang ibig sabihin ay "mapalad." 12 Kinalaunan ang alipin ni Lea, na si Zilpa, nagsilang ng isa pang anak na lalaki para kay Jacob. 13 Sinabi ni Lea, "Ngayon ako ay napakasaya, at ang mga tao ay tatawagin akong masaya." Kaya pinangalanan siyang Asher, na ang ibig sabihin ay "masaya."

14 Sa panahon nang sila ay umaani ng trigo, lumabas si Ruben at pumunta sa kanilang sakahan at nakakita ng mga mendreik. Nagdala siya ng ilan sa mga ito sa kanyang ina na si Lea. Pero nakita sila ni Raquel at sinabi kay Lea, "Pakiusap bigyan mo ako ng ilan sa mga halaman na dinala ng iyong anak para sa iyo!" 15 Pero sinabi ni Lea sa kanya, "Hindi" Masama na ninakaw mo ang aking asawa! Ngayon kukunin mo naman ang mga halaman na mendreik ng aking anak?" Kaya sinabi ni Raquel, "Sige, si Jacob ay matutulog na kasama mo ngayong gabi, kung bibigyan mo ako ng ilan sa mga halamang mendreik ng iyong anak." Kaya sumang-ayon si Lea kay Raquel. 16 Nang bumalik si Jacob mula sa mga sakahan ng trigo ng gabing iyon, lumabas si Lea para salubungin siya. Sinabi niya, "Dapat kang sumiping sa akin ngayong gabi, dahil binigyan ko si Raquel ng ilang mendreik na halaman bilang bayad sa pagpayag niyang gawin natin iyon." Kaya sumiping si Jacob sa kanya nang gabing iyon. 17 Dininig ng Diyos ang mga dalangin ni Lea, at nabuntis siya at nanganak kay Jacob sa ikalimang anak na lalaki. 18 Sinabi ni Lea, "Binigyan ako ng Diyos ng gantimpala sa pagbibigay ng alipin ko sa aking asawa para maging isa niya pang asawa." Kaya pinangalanan niya siyang Isacar, na katunog sa salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay "gantimpala." 19 Nabuntis muli si Lea at nanganak ng ika-anim na anak na lalaki para kay Jacob. 20 Sinabi ni Lea, "Ang Diyos ay nagbigay sa akin ng mahalagang handog. Sa pagkakataong ito pararangalan ako ng aking asawa, dahil nanganak ako ng anim na anak na lalaki para sa kanya." Kaya pinangalanan niyang Zebulon. 21 Kinalaunan nanganak siya ng anak na babae at pinangalanan niyang Dina. 22 Pagkatapos naisip ng Diyos ang tungkol sa nais ni Raquel. Narinig niya siyang nanalangin at dinulot siyang mabuntis. 23 Siya ay nabuntis at nanganak ng lalaki. Sinabi niya, "Dinulot ng Diyos na hindi na ako kailan man mahihiya dahil sa hindi pagkakaroon ng mga anak." 24 Pinangalanan niya siyang Jose, na katunog ng salitang Hebreo na ang ibig sabihin, "Si Yahweh ay nagbigay sa akin ng isa pang anak na lalaki."

25 Pagkatapos magsilang ni Raquel kay Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, "Ngayon payagan mo akong huminto sa pagtatrabaho para sa iyo at hayaan mo akong bumalik sa aking sariling lupain. 26 Alam mo ang trabahong ginawa ko na para sa iyo. Kaya hayaan mong kunin ko ang aking mga asawa at mga anak na aking pinagtrabahuan para makuha ko sa iyo at umalis na." 27 Pero sinabi ni Laban sa kanya, "Kung ako ay kinalulugdan mo, manatili ka rito, dahil nalaman ko sa pamamagitan ng pagpapalabas ng isang salamangkang ritwal na pinagpala ako ni Yahweh dahil sa ginawa mo para sa akin. 28 Sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo para magpatuloy ka sa pagtatrabaho para sa akin, at iyon ang ibabayad ko sa iyo." 29 Sinabi ni Jacob sa kanya, "Alam mo kung paano ako nagtrabaho para sa iyo, at alam mo na ang iyong mga hayop ay higit na dumami habang inalagaan ko sila. 30 Mayroon ka lamang kaunting mga hayop bago ako dumating dito. Pero ngayon ay mayroon kang napakarami, at labis silang pinarami ni Yahweh kahit saan ko sila dalhin. Pero ngayon kailangan kong magsimulang pangalagaan ang pangangailangan ng sarili kong pamilya." 31 Sumagot si Laban, "Ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo?" Sumagot si Jacob, "Hindi ko gustong bayaran mo ako ng kahit na anuman. Pero kung gagawin mo itong isang bagay para sa akin, ipagpapatuloy kong alagaan ang iyong mga kawan at ipagtanggol ko sila. 32 Hayaan mo akong pumunta at tingnan ang lahat ng mga kawan mo sa araw na ito at alisin mula sa kanila ang lahat ng mga may batik-batik na tupa, lahat ng mga may dungis na tupa, at ang bawat na may matingkad na kulay na tupa, lahat ng mga may batik-batik na kambing, at ang lahat ng mga may dungis na kambing. Gusto kong kunin sila para sa aking sarili. Sila ang magiging kabayaran ko. 33 Sa ganitong paraan, sa hinaharap, malalaman mo kung naging tapat ako sa ibinayad mo sa akin. Kung ilan sa mga kambing ko ang ni walang batik-batik o dungis o kung mayroon mang hindi matingkad na kulay sa aking mga batang tupa, malalaman mo na ninakaw ko iyon mula sa iyo." 34 Sumang-ayon si Laban at sinabing, "Oo, gagawin natin kung ano sinabi mo." 35 Pero sa araw ding iyon, inalis ni Laban ang lahat ng mga lalaking kambing na may itim at puting guhit sa kanila o mga may dungis, at lahat ng mga babaeng kambing na may batik-batik at dungis, lahat ng mga bahagyang puti, at lahat ng mga may matitingkad na kulay na batang tupa. Hiniwalay niya ito mula sa ibang hayop at inilagay niya ito sa pangangalaga ng kanyang mga anak na lalaki. 36 Pagkatapos kinuha ni Laban at ng kanyang mga anak na lalaki ang mga hayop na ito at naglakbay ng tatlong araw mula sa kinaroroonan ni Jacob. Si Jacob ay nagpatuloy sa pag-aalaga ng mga natitirang mga kawan ni Laban.

37 Pagkatapos namutol si Jacob ng ilang mga sanga ng alamo, almendro, at kastanong mga punong kahoy. Nagbalat siya ng mahahabang piraso mula sa mga sanga. Sa ganitong paraan, kung saan inalis niya ang balat, ang mga sanga ay naging maliwanag ang kulay. 38 Pagkatapos nilagay niya ang mga nabalatang mga sanga doon sa sabsaban kung saan nila nilagay ang tubig para inumin ng mga hayop, nang sa gayon ay makita sila ng mga kawan tuwing umiinom sila ng tubig. 39 Ang mga hayop ay nagtalik din sa harap ng mga sanga, at kinalaunan nagsilang ang mga hayop ng may batik-batik, o sa mga hayop na may dungis, o sa mga hayop na may itim at puting mga guhit sa kanila. 40 Sa nakaraang mga taon, madalas na hiniwalay ni Jacob ang mga babaeng tupa sa kawan ni Laban mula sa ibang mga tupa at mga kambing. Sa tuwing magtatalik sila, pinatitingin niya sila sa mga hayop na may mga itim at maputing guhit, at sa may matitingkad na kulay na mga hayop. Kaya nagsilang sila ng mga hayop na may magkatulad ang mga marka. Pagkatapos hinihiwalay niya ang mga hayop mula sa mga kawan ni Laban at inalagaan niya para sa kanyang sarili. 41 Sa karagdagan, sa panahon na ang malakas na babaeng tupa ay handa na sa pakikipagtalik, ilalagay ni Jacob ang ilan sa mga nabalatang mga sanga sa sabsaban na nasa harap nila, para magtalik sila sa harap ng mga sanga. 42 Pero kapag ang mahihinang mga hayop ay handa nang magtalik, hindi niya ilalagay ang mga sanga sa kanilang sabsaban. Kaya nagsilang ang mga ito ng mahihinang mga batang tupa, na siyang iniwan sa kawan ni Laban, dahil ang malalakas ay naging bahagi ng kawan ni Jacob. 43 Bilang kinalabasan, si Jacob ay naging napakayaman. Nagmamay-ari siya ng mga malalaking kawan. Siya rin ay nagmamay-ari ng maraming mga lalaki at babaeng mga alipin, mga kamelyo, at mga asno.