Chapter 7

1 Mga kapatid, hindi niyo ba alam na may kapangyarihan ang kautusan sa isang tao habang siya'y nabubuhay? Nagsasalita ako bilang isang taong bihasa sa kautusan. 2 Ayon sa batas ng pag-aasawa, mananatili ang asawang babae sa kaniyang asawang lalaki habang sila'y nabubuhay. Sakaling mamatay man ang asawang lalaki, ang babae ay malaya na sa kasal sa kaniyang asawang lalaki ayon sa batas ng pag-aasawa. 3 Ngunit tatawaging nangangalunya ang isang babae kung sasama siya sa ibang lalaki habang nabubuhay pa ang kaniyang asawang lalaki. Kung mamatay na ang kaniyang asawang lalaki, hindi na siya sakop ng batas ng kasalan. Kaya kung magpakasal siya sa ibang lalaki, hindi siya nangangalunya. 4 Kaya mga kapatid, namatay din kayo sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo. At naging kabahagi tayo sa kaniyang pagkabuhay niyang muli para makapamunga tayo para sa Diyos. 5 Nung namumuhay pa tayo noon ayon sa laman, ang pagnanasa natin sa kasalanan na kumikilos sa mga bahagi ng ating katawan, ayon sa kautusan, ay magbubunga ng kamatayan. 6 Ngayong pinalaya na tayo sa kautusan, namatay din tayo sa dati nating pinaglilingkuran para makapaglingkod tayo sa panibagong buhay ayon sa Espiritu at hindi sa lumang paraan ng nasusulat. 7 Ano ngayon ang sabihin natin? Ang kautusan ba ay kasalanan? Hindi maaari! Hindi ko malalaman ang kasalanan kung hindi rin dahil sa kautusan. Hindi ko malalaman ang pagnanasa kung hindi rin sinabi ng kautusan, "Huwag kang magnanasa." 8 Ngunit nagkaroon ng pagkakataon ang kasalanan sa pamamagitan ng batas, na nagdulot sa akin ng lahat ng uri ng masamang pagnanasa. Sapagkat kung walang kautusan, patay ang kasalanan. 9 Nabubuhay ako noong wala sa ilalim ng kautusan pero nung dumating ang batas, nabuhay din ang kasalanan at ako'y namatay. 10 Nalaman ko na ang batas na dapat magbigay ng buhay ang naging sanhi ng aking pagkamatay. 11 Nakahanap ng pagkakataon ang kasalanan sa pamamagitan ng batas kaya dinaya ako nito at pinatay. 12 Kaya ang kautusan ay banal, ang batas ay banal, matuwid, at mabuti. 13 Ang mabuting bagay pa ba ang nagdala pa sa akin sa kamatayan? Hindi maaari! Kasalanan ang ang nagdulot sa akin ng kamatayan sa pamamagitan ng mabuting bagay para mahayag na ang kasalanan ay makasalanan. Sa pamamagitan ng kautusan, hindi masusukat ang tindi ng kasalanan. 14 Alam natin na ang kautusan ay espirituwal ngunit ako ay namumuhay sa laman at ipinagbili akong alipin sa kasalanan. 15 Hindi ko maintindihan ang aking ginagawa. Hindi ko magawa ang gusto kong gawin pero kung ano pang ayaw kong gawin, yun ang nagagawa ko. 16 Kung nagagawa ko ang hindi ko gusto, patunay nito na mabuti ang kautusan. 17 Kaya hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang nananahan sa akin. 18 Sapagkat alam kong walang mabuting nabubuhay sa akin, sa aking laman. Gusto kong gawin ang mabuti pero wala akong kakayanang gawin ito. 19 Hindi ko magawa ang mabuti na gusto kong gawin pero nagagawa ko ang masama na hindi ko gusto. 20 Kaya kung nagagawa ko kung anong hindi ko gusto, hindi ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang nananahan sa akin. 21 Kaya natagpuan ko ang pagkilos ng kautusan: kahit na gusto kong gawin ang mabuti, nariyan lang sa tabi ko ang masama. 22 Nagagalak ako sa kautusan ng Diyos sa aking kalooban. 23 Ngunit nakikita kong may naiibang batas na kumikilos sa bahagi ng katawan ko. Kinakalaban nito ang kautusan sa aking isipan at ginagawa akong alipin ng batas ng kasalanan na nananahan sa mga bahagi ng katawan ko. 24 Kawawa naman akong tao! Sino ang makapagliligtas sa akin sa katawang ito ng kamatayan? 25 Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang ating Panginoon. Dahil dito, nagagawa kong paglingkuran ang kautusan ng Diyos sa aking isipan ngunit napaglilingkuran ng laman ko ang batas ng kasalanan.