Chapter 6

1 Ano ngayon ang masasabi natin? Dapat ba tayong magpatuloy sa kasalanan para sumagana ang biyaya? 2 Hindi maaari! Kung namatay na tayo sa kasalanan, bakit pa natin ipinapamuhay ito? 3 Hindi niyo ba alam na tayong mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan din sa kaniyang kamatayan? 4 Inilibing din tayong kasama niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan. Kung paanong si Cristo ay bumangon mula sa mga patay at nagtungo sa kaluwalhatian ng Ama, tayo rin ay makakapamuhay ng bagong buhay. 5 Kung tayo ay nakipag-isa sa kaniya, tulad ng sa kaniyang kamatayan, makikipag-isa rin tayo sa kaniyang pagkabuhay na muli. 6 Alam natin na ang lumang pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus para maalis din ang katawan ng kasalanan at para hindi na tayo maging alipin ng kasalanan. 7 Ang sinumang namatay na ay pinawalang-sala na sa kasalanan. 8 Ngunit kung namatay tayo kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay ding kasama niya. 9 Alam natin na si Cristo ay binuhay na muli mula sa mga patay at hindi na siya mamamatay kailanman. Wala nang kapangyarihan ang kamatayan sa kaniya. 10 Sapagkat namatay siya ng kamatayan para sa kasalanan, minsanan para sa lahat. Ngunit ang buhay na ipinapamuhay niya ay para sa Diyos. 11 Kaya dapat niyo ring ituring na patay ang inyong mga sarili pero nabubuhay para sa Diyos kay Cristo Jesus. 12 Kaya huwag ninyong papayagang maghari ang kasalanan sa inyong mortal na katawan para hindi ninyo sinusunod ang mga pagnanasa nito. 13 Huwag ninyong ipagamit ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan para maging kasangkapan ng kasamaan. Kundi ipagkaloob ninyo ang inyong sarili sa Diyos na nabuhay mula sa kamatayan at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan para sa katuwiran ng Diyos. 14 Hindi na dapat maghari ang kasalanan sa inyo dahil wala na kayo sa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng biyaya. 15 Ano ngayon? Dapat ba tayong magkasala dahil wala na tayo sa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng biyaya? Hindi maaari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang isang taong masunod na pinapaalipin ang kaniyang sarili sa iba ay alipin sa nag-uutos sa kaniya? Nangyayari ito kung ikaw man ay alipin ng kasalanan na nagdudulot ng kamatayan o alipin ng pagsunod na nagdudulot ng katuwiran. 17 Ngunit salamat sa Diyos na kahit kayo ay alipin ng kasalanan noon, sinunod ninyo ng buong puso ang turong ipinagkatiwala sa inyo. 18 Pinalaya kayo sa kasalanan at naging alipin kayo ng katuwiran. 19 Nagsasalita ako sa pananalita na madaling maintindihan ng tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Kung paano ninyo pinagamit noon ang inyong mga katawan bilang alipin ng kasamaan sa iba't ibang uri ng kasalanan, sa ganung paraan niyo rin gamitin ang bahagi ng inyong mga katawan ngayong kayo ay mga lingkod ng katuwiran at kabanalan. 20 Nung kayo ay mga alipin pa sa kasalanan, hindi kayo sakop ng katuwiran. 21 Ngunit anong naging pakinabang sa inyo ng mga bagay na itong ikinakahiya ninyo ngayon? Hahantong rin ito sa kamatayan sa huli. 22 Ngayong kayo ay pinalaya sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, magbubunga kayo ng kabanalan at hahantong sa buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang bayad sa kasalanan ay kamatayan pero ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.