Chapter 8

1 Kung gayon, hindi na hahatulan ang mga taong na kay Cristo Jesus 2 dahil pinalaya na kayo ng batas ng Espiritu ng buhay sa pamamagitan ni Cristo Jesus mula sa batas ng kasalanan at kamatayan. 3 Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng kautusan dahil mahina ang laman ng tao at hindi nito kayang sumunod. Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak na may pagkakatulad sa katawang nagkakasala at para sa kasalanan. Sa gayon hinatulan niya ang kasalanan sa katawan ng tao. 4 Ginawa niya to upang tuparin ang mga hinihingi ng kautusan para sa kapakanan natin, sa mga taong lumalakad ayon sa Espiritu at hindi ayon sa laman. 5 Itinutuon ng mga taong namumuhay ayon sa laman ang isipan nila sa mga bagay tungkol sa laman ngunit itinutuon ng mga taong namumuhay sa Espiritu ang isipan nila sa mga bagay tungkol sa Espiritu. 6 Sapagkat kamatayan ang idinudulot sa mga taong nagtutuon ng isipan sa laman. Buhay at kapayapaan naman ang idinudulot sa mga taong itinutuon ang isipan sa Espiritu. 7 Ang isipang nakatuon sa laman ay kumakalaban sa Diyos dahili hindi nito kayang magpasakop sa kautusan ng Diyos. Wala itong kakayanang magpasakop. 8 Hindi kayang mapasaya ang Diyos kung ang tao ay namumuhay ayon sa laman. 9 Ngunit hindi kayo namumuhay ayon sa laman kundi sa Espiritu, kung totoo ngang ang Espiritu ng Diyos ang nananahan sa inyo. Kung wala sa inyo ang Espiritu ni Cristo, hindi rin kayo kabilang sa kaniya. 10 Kung nasa inyo si Cristo, mabubuhay ang inyong espiritu dahil sa katuwiran kahit na ang katawan ay patay sa kasalanan. 11 Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na bumuhay kay Jesus mula sa mga patay, ang Diyos na bumuhay kay Cristo Jesus mula sa mga patay ang magbibigay din ng buhay sa inyong mga katawang namamatay sa pamamagitan ng Espiritung nananahan sa inyo. 12 Kaya nga mga kapatid, ang ating pagkakautang ay hindi sa laman kundi sa pamumuhay ayon sa laman. 13 Dahil kung namumuhay kayo ayon sa laman, mamamatay kayo. Ngunit kung papatayin niyo ang mga gawa ng katawan, mabubuhay kayo. 14 Sapagkat ang lahat ng taong pinangungunahan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat hindi ninyo tinanggap ang espiritu ng pagkaalipin para ibalik kayo sa pagkatakot. Kundi tinanggap ninyo ang Espiritu ng pag-ampon bilang mga anak kaya tumatawag tayo sa kaniya, "Abba, Ama!" 16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo sa ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos 17 Kung tayo ay mga anak, tayo rin ay mga tagapagmana ng Diyos at kapwa tagapagmana ni Cristo kung sasama tayo sa kaniya sa pagdurusa upang makasama rin tayo sa pagluwalhati sa kaniya. 18 Hindi matutulad ang mga paghihirap sa panahong ito sa kaluwalhatiang ipapahayag sa atin. 19 Sapagkat nananabik ang sangnilikha sa paghahayag ng mga anak ng Diyos. 20 Sapagkat napasailalim ang sangnilikha sa pagkasira hindi ayon sa kagustuhan nito kundi ayon sa kaniya na nagpasailalim nito, ayon din sa pag-asa 21 na ang sangnilikha ay palalayain mula sa pagkasira at tatanggapin nito ang kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos. 22 Sapagkat alam nating dumadaing sa hirap at pagdurusa ang sangnilikha gaya ng sakit sa panganganak hanggang sa ngayon. 23 Hindi lang ang nilikha kundi pati tayo, na nakatanggap ng mga unang bunga ng Espiritu, ay dumadaing din sa hirap sa ating kalooban habang hinihintay natin ang pag-ampon sa atin bilang mga anak ng Diyos para sa katubusan ng ating mga katawan. 24 Para sa pag-asang ito kaya tayo iniligtas. 25 Ngunit ang isang pag-asa na tinanggap na ay hindi maituturing na pag-asa. Sinong umaasa sa isang bagay na kaniya nang tinanggap? Kung umaasa tayo sa bagay na hindi pa natin natatanggap, hinihintay natin ito nang may pagtiyatiyaga. 26 Gayundin, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating mga kahinaan. Hindi natin alam kung paano manalangin nang nararapat pero nananalangin ang Espiritu para sa kapakanan natin at dumadaing siya gamit ang mga salitang mahirap ipahayag sa salita. 27 At sinisiyasat niya ang nilalaman ng puso at nalalaman niya ang kaisipan ng Espiritu dahil nananalangin ang Espiritu para sa mga mananampalataya ayon sa kalooban ng Diyos. 28 At alam nating ginagawa ng Diyos ang mabubuting bagay para sa mga nagmamahal sa kaniya, para sa mga tinawag ayon sa kaniyang layunin. 29 Sapagkat ang itinakda niya sa kaligtasan ang mga nakikilala niya noong una para matulad sa larawan ng kaniyang Anak upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 At kaniyang tinawag ang kaniyang mga itinakda, at itinuring na matuwid ang kaniyang mga tinawag, at niluwalhati niya ang mga itinuring na matuwid. 31 Ano ngayon ang masasabi natin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay para sa atin, sino ngayon ang may kakayanang lumaban sa atin? 32 Siya na hindi ipinagkait ang sarili niyang Anak kundi ibinigay ang lahat para sa atin; hindi ba kaya niya ring ibigay ang lahat ng bagay sa atin ayon sa kaniyang biyaya? 33 Sino ang may paratang laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang nagtuturing na matuwid. 34 Sino ang humahatol? Si Cristo Jesus ang namatay, pero higit pa rito, siya ay nabuhay na muli. Siya ngayon ay nasa kanang kamay ng Diyos at tunay na nanalangin para sa atin. 35 Sinong makakapagjhiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang pag-uusig ba o kahirapan? Ang pang-aapi ba, kahirapan, pagkahubad, panganib, o ang espada? 36 Gaya ng nasusulat, "Para sa kapakanan niyo, kami ay pinagpapatay buong araw. Itinuturing kaming mga tupang inihahanda para katayin." 37 Sa lahat ng bagay na ito, tayo ay higit pa sa mga mananagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Nakakasiguro ako na sa kamatayan o buhay, mga anghel o mga pinuno, sa mga bagay sa kasalukuyan o sa hinaharap, maging ang mga kapangyarihan, 39 taas man o lalim, o kahit anong nilikha ay walang makapaghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos kay Cristo Jesus na ating Panginoon.