Chapter 4

1 Maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw, may mga taong tatalikod sa pananampalataya at makikinig sa mga mandarayang espiritu at mga doktrina ng mga demonyo, 2 sa pamamagitan ng mga mapagpaimbabaw na tao at kanilang kasinungalingan, tinatakan na ng mainit na bakal ang kanilang konsensiya. 3 Pagbabawalan nila ang iba na mag-asawa at uutusang hindi kumain ng pagkain na nilikha ng Diyos na dapat tanggapin nang may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaalam ng katotohanan. 4 Sapagkat ang lahat ng mga nilikha ng Diyos ay mabuti at walang anuman ang tatanggihan, kung tatanggapin ito nang may pasasalamat 5 sapagkat nilinis na ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin. 6 Kung pag-iisipan mo ang mga bagay na ito, magiging mabuting lingkod ka ni Jesu-Cristo sapagkat pinalakas ka ng mga salita ng pananampalataya at ng tamang doktrina na sinusunod mo hanggang ngayon. 7 Ngunit iwasan mo ang makamundong usapan at walang kabuluhang kuwento ng mga matatandang babae. Sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa makadiyos na pamumuhay, 8 sapagkat ang pakinabang ang pagsasanay ng katawan, ngunit may mas malaking pakinabang ang pamumuhay nang makadiyos dahil sa pangakong pinanghahawakan ngayon at sa panahong darating. 9 Mapagkakatiwalaan at katanggap-tanggap ang mensaheng ito. 10 Dahil dito kaya tayo nagsusumikap at gumagawang mabuti dahil umaasa tayo sa buhay na Diyos na Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na sa mga mananampalataya. 11 Ipahayag mo at ituro ang mga bagay na ito. 12 Huwag mong hayaan na hamakin ng sinuman ang iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga sumasampalataya sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, katapatan, at kalinisan. 13 Hanggang sa pagdating ko, ipagpatuloy mo ang pagbabasa, ang pagpapaliwanag, at ang pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na tinanggap mo sa pamamagitan ng propesiya, kasama ang pagpapatong ng mga kamay ng mga matatanda. 15 Ingatan mo ang mga bagay na ito. Ibigay mo ang lahat ng makakaya mo sa mga ito para makita ng lahat ang iyong pinagsisikapang gawin. 16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong itinuturo. Magpatuloy ka sa mga bagay na ito dahil sa paggawa mo ng mga ito, maililigtas mo ang iyong sarili at maging iyong mga tagapakinig.