28 1 Nang matapos na ang araw ng Pamamahinga at magsimulang magbukang liwayway sa unang araw ng linggo, pumunta si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa libingan para tingnan ito. 2 Masdan, nagkaroon ng malakas na lindol dahil bumaba mula langit ang isang anghel ng Panginoon, dumating at ginulong ang bato at naupo sa ibabaw nito. 3 Ang kaniyang anyo ay katulad ng kidlat at ang kaniyang kasuotan ay kasing puti ng niyebe. 4 At nayanig sa takot ang mga tagapagbantay at naging tulad ng bangkay. 5 Kinausap ng anghel ang mga babae at sinabi sa kanila, "Huwag kayong matakot, dahil alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. 6 Wala na siya dito, bagkus ay nabuhay siyang muli katulad ng kaniyang sinabi. Halikayo at tingnan ang lugar na hinimlayan ng Panginoon. 7 Puntahan niyo agad at sabihin sa kaniyang mga alagad, 'Siya ay bumangon na mula sa mga patay. Makinig kayo, siya ay mauuna sa inyo sa Galilea. At doon makikita ninyo siya.' Masdan, sinabi ko na ito sa inyo." 8 At kaagad na umalis ang mga babae sa libingan na may takot at malaking tuwa at nagsitakbo sila upang ibalita ito sa mga alagad. 9 Masdan, sinalubong sila ni Jesus at sinabing, "Binabati ko kayo." At lumapit ang mga babae, hinawakan ang kaniyang mga paa at sinamba siya. 10 Pagkatapos nito sinabi ni Jesus sa kanila, "Huwag kayong matakot. Pumunta kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sa Galilea. Doon makikita nila ako." 11 Ngayon habang papunta ang mga babae, masdan, ang ilan sa mga tagapagbantay ay pumunta sa lungsod at sinabi sa mga punong pari ang lahat ng nangyari. 12 Nang nagtipun-tipon ang mga pari kasama ng mga nakatatanda at pinag-usapan ang pangyayaring iyon, nagbigay sila ng malaking halaga ng pera sa mga kawal 13 at sinabi sa kanila, "Sabihin ninyo sa iba, 'Pumunta ang mga alagad ni Jesus noong gabi at ninakaw ang kaniyang katawan habang kami ay natutulog.' 14 Kung makarating sa gobernador ang balitang ito, hihikayatin namin sila at alisin sa inyo ang anumang pagkabahala." 15 Kaya kinuha ng mga kawal ang pera at ginawa kung ano ang iniutos sa kanila. Ang balitang ito ay kumalat agad sa mga Judio na nagpapatuloy magpahanggang ngayon. 16 Ngunit ang labing-isag alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na itinuro ni Jesus sa kanila. 17 Nang siya ay nakita nila, sinamba nila siya, ngunit sila rin ay nag-alinlangan. 18 Pumunta si Jesus sa kanila at kinausap sila at sinabing, "Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng mga bansa. Bautismuhan niyo sila sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan sila na sumunod sa lahat ng mga iniutos ko sa inyo. At masdan niyo, Ako ay laging kasama ninyo, maging hanggang sa katapusan ng mundo."