27
1
Ngayon, pagsapit ng umaga, ang lahat ng punong pari, at mga nakatatanda ay nagsabwatan laban kay Jesus upang siya ay ipapatay.
2
Ginapos nila si Jesus at dinala palabas at ibinigay kay Pilato na gobernador.
3
Pagkatapos nang makita ni Judas na nagkanulo sa kaniya na nahatulan si Jesus ng kamatayan, nagsisi siya at isinauli ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at mga nakatatanda,
4
at sinabing, "Nagkasala ako sa pamamagitan ng pagkakanulo ng dugong walang kasalanan." Ngunit sinabi nila, "Ano ba sa amin iyon? Ikaw na ang bahala sa bagay na iyan."
5
At itinapon niya ang tatlumpung piraso ng pilak sa templo, at umalis, lumabas at nagbigti.
6
At kinuha ng mga punong pari ang tatlumpung piraso ng pilak at sinabing, "Labag sa kautusan na ilagay ito sa kaban ng yaman, sapagkat ito ay kabayaran para sa dugo."
7
Sama-sama nilang pinag-usapan ang bagay na ito at ang salapi ay ipinambili ng Bukid ng Magpapalayok upang paglibingan ng mga dayuhan.
8
At dahil dito tinawag na, "Bukid ng Dugo" ang bukid na iyon magpa-hanggang ngayon.
9
At natupad ang sinabi ni propeta Jeremias na nagsasabing, "Kinuha nila ang tatlumpung piraso ng pilak, ang halaga na inilaan sa kaniya ng mga anak ni Israel,
10
at ibinigay nila ito para sa Bukid ng Magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon."
11
Tumayo si Jesus sa harap ng gobernador, at tinanong siya ng gobernador, "Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?" Sumagot si Jesus sa kaniya, "Ikaw na ang nagsabi."
12
Ngunit nang siya ay paratangan ng mga punong pari at mga nakatatanda, wala siyang ibinigay na sagot.
13
At sinabi ni Pilato sa kaniya, "Hindi mo ba naririnig ang mga paratang laban sa iyo?"
14
Ngunit hindi siya nagsambit miski isang salita, kaya ang gobernador ay labis na namangha.
15
Ngayon, sa kapistahan nakaugalian na ng gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na pinili ng mga tao.
16
At sa panahon na iyon mayroon silang pusakal na bilanggo na ang pangalan ay si Barabas.
17
At nang magtipun-tipon sila, sinabi sa kanila ni Pilato, "Sino ang gusto ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?"
18
Alam niya na ipinasakamay nila si Jesus sa kanya dahil sa inggit.
19
Habang siya ay nakaupo sa upuan ng hukuman, pinasabi ng kaniyang asawa sa kaniya na, "Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan. Sapagkat labis akong nagdusa ngayong araw dahil sa naging panaginip ko tungkol sa kaniya."
20
Ngayon, hinikayat ng mga punong pari at ang mga nakatatanda ang mga tao upang hilingin si Barabas, at si Jesus ay patayin.
21
At tinanong sila ng gobernador, "Sino sa dalawang ito ang nais ninyong pakawalan ko?" Sinabi nila, si Barabas."
22
At sinabi ni Pilato sa kanila, "Ano ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?" Sumagot silang lahat, "Ipako siya sa krus."
23
At sinabi niya, "Bakit, ano ba ang krimen na kaniyang nagawa?" Ngunit sumigaw pa sila nang mas malakas, "Ipako siya sa krus."
24
At nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, bagkus ay nagkakagulo na ang mga tao, kumuha siya ng tubig, naghugas siya ng kamay sa harapan ng maraming tao, at sinabing, "Wala na akong pananagutan sa dugo ng matuwid na taong ito. Kayo na ang bahala."
25
Sinabi ng lahat ng tao, "Nawa'y mapasaamin at sa aming mga anak ang kaniyang dugo."
26
Pagkatapos ay pinakawalan niya si Barabas, ngunit hinampas niya si Jesus at ipinasakamay upang mapako sa krus.
27
Pagkatapos, dinala ng mga kawal ng gobernador si Jesus sa pretorio at tinipon ang buong pulutong ng mga kawal.
28
Hinubaran nila siya at nilagyan ng balabal na pulang pula.
29
At gumawa sila ng koronang tinik at inilagay ito sa kaniyang ulo, at nilagyan siya ng tungkod sa kaniyang kanang kamay. Sila ay nagpatirapa sa kaniyang harapan at kinutya siya, at nagsabing, "Sambahin, ang Hari ng mga Judio!"
30
Dinuraan nila siya at kinuha nila ang tungkod at hinampas siya sa ulo.
31
Pagkatapos nilang kutyain siya, tinanggal nila ang kaniyang balabal at isinuot sa kaniya ang sarili niyang damit, at inilabas nila siya upang ipako siya sa krus.
32
Habang lumalabas sila, nakakita sila ng isang taong taga Cirene na nagngangalang Simon, na pinilit nilang sumama sa kanila para pasanin ang kaniyang krus.
33
Nakarating sila sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay, "Lugar ng Bungo."
34
Binigyan nila siya ng alak na may halong apdo. Ngunit nang matikman niya ito, ayaw niya itong inumin.
35
Nang ipinako nila siya sa krus, pinaghati-hatian nila ang mga kasuotan niya sa pamamagitan ng pustahan.
36
At naupo sila at binantayan siya.
37
Nilagay nila sa ibabaw ng kaniyang ulo ang ng sakdal laban sa kaniya na nagsasabing, "Ito ay si Jesus, ang Hari ng mga Judio."
38
May dalawang magnanakaw na ipinako sa krus na kasama niya, ang isa ay sa kaniyang kanan at ang isa ay sa kaniyang kaliwa.
39
Inalipusta siya ng mga dumaraan, at iniling ang kanilang mga ulo
40
habang sinasabi, "Ikaw na sisira ng templo at itatayo ito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka riyan sa krus!"
41
Kinutya siya ng mga punong pari sa parehong paraan, kasama ng mga eskriba at mga nakatatanda, at sinabing,
42
"Inilgtas nya ang ibang tao, ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili. Hari siya ng Israel. Hayaan mo siyang bumaba mula sa krus at maniniwala tayo sa kaniya.
43
Nagtitiwala siya sa Diyos. Iligtas siya ng Diyos ngayon kung nais niya, dahil sinabi niya, 'Ako ay Anak ng Diyos.’
44
At ang mga magnanakaw na kasama niyang ipinako sa krus ay nagsalita din ng katulad na panlalait sa kaniya.
45
Ngayon, mula sa tanghaling tapat dumilim ang buong paligid hanggang sa alas tres ng hapon.
46
At dakong alas tres ng hapon, sumigaw si Cristo na may malakas na tinig at sinabing, "Eli, Eli, lama sabachthani?" na ang kahulugan ay, "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako iniwan?"
47
Nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo doon, sinabi nila, "Tinatawag niya si Elias."
48
Agad-agad ang isa sa kanila ay tumakbo at kumuha ng spongha, pinuno ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng tungkod at ibinigay ito sa kaniya upang inumin.
49
Sinabi ng iba sa kanila, "Hayaan ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya."
50
Pagkatapos nito muling sumigaw si Jesus nang may malakas na tinig at isinuko ang kaniyang espiritu.
51
Masdan, nahati sa dalawa ang kurtina sa templo mula itaas hanggang sa baba. Nayanig ang mundo, at nahati ang mga bato.
52
Nabuksan ang mga libingan ay nabuksan, at ang katawan ng mga banal na tao na nakatulog ay bumangon.
53
At lumabas sila mula sa mga libingan pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay, pumasok sa banal na lungsod, at nagpakita sa marami.
54
Ngayon nang masaksihan ng kapitan ng kawal at ng mga nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, lubha silang natakot at sinabing, "Tunay na Anak siya ng Diyos."
55
Naroon din at nakatingin sa di kalayuan ang mga kababaihan na sumunod at tumulong kay Jesus mula sa Galilea.
56
Kabilang sa kanila ay si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo.
57
Nang sumapit ang gabi, may dumating na mayamang tao na taga-Arimatea na nagngangalang Jose, na isa ding alagad ni Jesus.
58
Kinausap niya si Pilato at hiningi ang katawan ni Jesus. Pagkatapos nito ipinag-utos ni Pilato na ibigay ito sa kaniya.
59
Kinuha ni Jose ang katawan, binalot ito ng malinis na lino,
60
at hinimlay ito sa kaniyang bagong libingan na kaniyang inuka sa bato. Pagkatapos, pinagulong niya ang isang malaking bato at ipinangtakip ito sa pinto ng libingan at umalis.
61
Si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay naroon, nakaupo sa tapat ng libingan.
62
Sa sumunod na araw, sa araw matapos ang Paghahanda, ang mga punong pari at ang mga Pariseo ay nagtipun-tipon kasama ni Pilato.
63
At sinabi nila, "Ginoo, naalala namin noong nabubuhay pa ang mapanlinlang, sinabi niya, 'Pagkatapos ng tatlong araw ako ay muling mabubuhay.'
64
Kaya iutos mo na ang libingan ay mabantayang mabuti hanggang sa ikatlong araw. Kung hindi maaring pumunta ang kaniyang mga alagad at nakawin siya at sabihin sa mga tao, 'Nabuhay siya mula sa mga patay.' At ang huling panlilinlang ay magiging malala pa sa nauna."
65
Sinabi ni Pilato sa kanila, "Magdala kayo ng tagapagbantay. Pumunta kayo at tiyakin ninyong ligtas ito hanggang sa kaya ninyo."
66
Kaya pumunta sila at siniguradong ligtas ang libingan. Sinelyohan nila ang bato at nagtalaga ng tagapagbantay.