28

1 Pagkatapos pinatawag ni Isaac si Jacob at binigyan siya ng pagpapala. Sinabi niya ito sa kanya: "Huwag kang mag-aasawa ng babae mula sa mga kababaihan ng mga Cananeo. 2 Sa halip ay magtungo ka agad sa Padan-aram, sa bahay ni Bethuel na ama ng iyong ina. Hilingin mo ang isa sa mga anak na babae ni Laban na kapatid ng iyong ina na pakasalan ka. 3 Ipananalangin ko na ang Diyos na Makapangyarihan ay pagpalain ka, at dulutan kang magkaroon ng maraming kapu-apuhan, nang sa gayon sila ay maging iba't ibang mga lahi. 4 Ipananalangin ko rin na pagpalain ka niya at ang iyong mga kaapu-apuhan sa pamamagitan ng pagdudulot na angkinin ninyo ang lupain kung saan kayo ngayon naninirahan bilang isang dayuhan, ang lupang pinangako ng Diyos na ibigay kay Abraham at sa kanyang mga kaapu-apuhan." 5 Kaya pinadala ni Isaac si Jacob sa Padan-aram para manirahan sa kapatid ni Rebeca na si Laban na anak ni Bethuel, na nabibilang mga lahi ng mga Aramean. (Si Rebeca kalaunan ang magsisilang kina Jacob at Esau.)

6 Napag-alaman din ni Esau na pinagpala ni Isaac si Jacob at pinadala siya sa Padan-aram. Napag-alaman din niyang pinagpala si Jacob ng kaniyang ama, at sinabi niya sa kaniya, "Huwag mong pakasalan ang babae mula sa mga Cananeo," 7 at siya si Jacob ay sumunod sa kanyang ama at ina, at nagpunta siya sa Padan-aram. 8 Napagtanto rin ni Esau na hindi sang-ayon si Isaac sa mga kababaihan ng mga taga-Canaan. 9 Dahil doon, nakipagkita si Esau sa kamag-anak niyang si Ishmael at pinakasalan si Mahalath, ang anak na babae ni Ishmael. Si Mahalath ay kapatid na babae ni Nabaioth at apo ni Abraham.

10 Samantala, iniwan ni Jacob ang Beer-seba at nagsimulang humayo papuntang Haran. 11 Nang makarating siya sa lugar, tumigil siya roon dahil lumubog na ang araw. Kumuha siya ng isa sa mga bato roon at inilagay iyon sa ilalim ng kaniyang ulo para gamitin bilang isang unan. Pagkatapos siya ay humiga at natulog doon. 12 Habang siya ay natutulog, siya ay nanaginip na nakakita siya ng isang hagdanan. Ang ilalim ng hagdanan ay nasa mundo at ang tuktok ay nasa langit. Nakita rin ni Jacob ang mga anghel ng Diyos na nag-aakyat panaog sa hagdanan. 13 Pagkatapos nakita niya si Yahweh na nakatayo sa tuktok ng hagdanan, na nagsasabing, "Ako si Yahweh na Diyos, na siyang sinamba ng lolo mong si Abraham at sinasamba ni Isaac. Ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga kaapu-apuhan ang lupa kung saan ka nakahiga. 14 Ang mga kaapu-apuhan mo ay magiging napakarami tulad ng mga katiting ng alabok ng mundo, at ang kanilang nasasakupan mo ay magiging napakalawak. Ito ay aabot sa lahat ng dako, sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog. Pagpapalain ko ang lahat ng mga angkan at mga lahi sa mundo sa pamamagitan mo at ng iyong mga kaapu-apuhan. 15 Tutulungan kita at pangangalagaan saan ka man magpunta, at ibabalik kita sa lupang ito. Hindi kita iiwan; at gagawin ko para sa iyo ang lahat ng pinangako kong gawin." 16 Sa gabi, nang magising si Jacob mula sa pagtulog ay naisip niya, "Tiyak na si Yahweh ay nasa lugar na ito, at hanggang ngayon ay hindi ko iyon namalayan!" 17 Siya ay natakot, at nagsabing, "Nakakakilabot ang lugar na ito! Tiyak na ito ang lugar kung saan nakatira ang Diyos, at ito ang pasukan sa langit!"

18 Kinaumagahan, bumangon si Jacob, kinuha ang batong inilagay niya sa ilalim ng kaniyang ulo, at itinayo ito sa kanyang dulo para tandaan ang lugar kung saan nagpakita sa kanya ang Diyos. Binuhusan niya ng kaunting langis ng olibo ang ibabaw ng bato para ilaan sa Diyos. 19 Pinangalanan niya ang lugar na Bethel, na nangangahulugang "bahay ng Diyos." Dati ang pangalan nito ay Luz. 20 Si Jacob ay taimtim na nangako sa Diyos, na nagsasabing, "Kung tutulungan mo ako at pangangalagaan ako habang nasa paglalakbay na ito, at bibigyan ng sapat na pagkain para kainin at mga damit para isuot, 21 para matiwasay akong makabalik sa bahay ng aking ama, ikaw nga si Yahweh, ang Diyos na aking sasambahin. 22 Ang batong itinayo ko ay magtatanda sa lugar kung saan ka nagpakita sa akin. Ibabalik ko sa iyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng bagay na ibibigay mo sa akin."