18

1 Isang araw sa taon na iyon, sa oras na napakainit ng araw, nagpakita ulit si Yahweh kay Abraham malapit sa malalaking puno na pagmamay-ari ni Mamre. Nakaupo si Abraham sa pasukan ng kanyang tolda. 2 Tumingala si Abraham at nagulat ng makita niya ang tatlong lalaki na nakatayo malapit sa kanya. Nang makita niya sila, tumakbo siya para salubungin sila. Nagpatirapa siya sa lupa bilang panggalang. 3 Sinabi niya sa isa sa kanila, "Panginoon, kung nalulugod kayo sa akin, manatili muna kayo rito nang ilang sandali. 4 Hayaan mong magdala ang aking mga lingkod ng kaunting tubig at mahugasan ang inyong mga paa, at pagkatapos makapagpahinga kayo sa ilalim ng punong ito. 5 Yamang pumunta kayo rito sa akin, hayaan niyong dalhan ko kayo ng pagkain nang sa gayon manumbalik ang inyong lakas bago kayo umalis." Sumagot ang mga lalaki, "O sige, gawin mo ang iyong sinabi." 6 Pagkatapos nagmadali si Abraham na pumunta sa tolda at sinabi kay Sara, "Bilis, kumuha ka ng dalawampung kilo ng ating pinakamainam na harina at gumawa ka ng ilang tinapay!" 7 Pagkatapos tumakbo siya sa kawan ng mga baka at pumili ng isang guya na ang karne ay malambot at malasa. Binigay niya ito sa isa sa kanyang mga lingkod, na nagmadaling patayin at lutuin ito. 8 Nang maluto na ang karne, kumuha si Abraham ng kaunting keso, gatas, at ang karne na inihanda ng kaniyang lingkod. Inihain niya ang mga ito sa kanilang harapan. Pagkatapos tumayo siya malapit sa kanila sa ilalim ng puno habang sila ay kumakain.

9 Pagkatapos nilang kumain, siya ay tinanong nila, "Nasaan ang iyong asawang si Sara?" Sumagot siya, "Siya ay nasa tolda." 10 Pagkatapos sinabi ng pinuno sa grupo, "Babalik ako sa iyo sa tagsibol sa susunod na taon, at makinig ka, ang asawa mong si Sara ay magkakaroon ng sanggol na lalaki." Nangyari ito na nakikinig si Sara sa pasukan ng tolda, na nasa likuran ng nagsasalitang lalaki. 11 Ngayon napakatanda na ni Abraham at Sara, at lumipas na ang panahon nang pagbubuntis ni Sara. 12 Kaya tinawanan ni Sara ang kanyang sarili, at napaisip, "Pagod na ang aking katawan, at matanda na ang aking asawa. Kaya paano pa ako magagalak na magkaroon ng sanggol?" 13 Sinabi ni Yahweh kay Abraham, "Bakit tumawa si Sara? Bakit iniisip niya na, 'Matanda na ako, kaya paano pa ako magkakaanak'? 14 Mayroon bang mahirap para sa akin? Babalik ako sa ganitong panahon sa susunod na taon ng tagsibol, ang itinakda kong panahon, at magkakaroon si Sara ng sanggol na lalaki." 15 Pagkatapos natakot si Sara, kaya nagsinungaling siya at sinabi, "Hindi ako tumawa." Pero sinabi ni Yahweh, "Huwag mo itong ipagkaila! Ikaw ay tumawa."

16 Nang tumayo na ang tatlong lalaki para umalis, tumingin sila sa ibaba sa lambak patungo sa lungsod ng Sodoma. Lumalakad si Abraham kasama nila para sabihing "Paalam" sa kanila. 17 Sinabi ni Yahweh sa kanyang sarili, "Para sa akin hindi tama na pigilan ko si Abraham na malaman kung ano ang binabalak kong gawin. 18 Ang mga kaapu-apuhan ni Abraham ay magiging isang dakila at makapangyarihang pangkat ng mga tao. At mga tao sa lahat ng pangkat ng mga tao ay pagpapalain dahil sa ginawa ko sa kanya. 19 Pinili ko siya para pangunahan niya ang kanyang mga anak at kanilang pamilya nang sa gayon ay sundin nila ako at gawin kung ano ang tama at makatarungan, para gawin ko kay Abraham ang aking ipinangakong gagawin para sa kanya." 20 Kaya sinabi ni Yahweh kay Abraham, "Narinig ko ang mga katakot-takot na bagay na sinabi ng ilang mga tao tungkol sa mga tao sa Sodoma at Gomora. Napakalaki na ng kanilang mga kasalanan. 21 Kaya bababa ako ngayon, at titingnan ko kung ang lahat ng nakakatakot na mga bagay na narinig ko ay totoo o hindi."

22 Pagkatapos tumalikod ang dalawang lalaki at nagsimulang maglakad patungo sa Sodoma. Pero nanatiling nakatayo si Abraham sa harapan ni Yahweh. 23 Si Abraham ay lumapit sa kanya at sinabi, "Lilipulin mo ba talaga ang mga tao na walang ginawang mali kasama ng mga makasalanan? 24 Anong gagawin mo kung mayroong limampung tao sa lungsod na walang ginawang mali? Lilipulin mo ba talaga silang lahat, at hindi kaaawaan ang lungsod para sa kapakanan ng limampung tao na walang ginawang mali? 25 Tiyak na hindi mo magagawa ang mga bagay na ito, na patayin ang mabubuting tao kasama ang mga makasalanan, at ituring ang mabubuting tao at mga makasalanan sa parehong pamamaraan. Hindi mo magagawa iyon, dahil ikaw, na humahatol sa bawat isa sa sanlibutan, ay tiyak na gagawin mo kung ano ang nararapat para sa mga tao sa Sodoma!" 26 Sumagot si Yahweh, "Kung makakita ako ng limampung tao sa Sodoma na walang ginawang mali, kaaawaan ko ang buong lugar alang-alang sa kanilang kapakanan." 27 Sumagot si Abraham, "Hindi dapat ako mangahas gaya nito at makiusap sayo, aking Panginoon, dahil wala akong halaga gaya ng alikabok at mga abo. 28 Pero anong gagawin mo kung mayroon lamang apatnapu't lima na walang ginawang mali? Lilipulin mo ba ang bawat isa sa buong lungsod dahil mayroong apatnapu't lima lamang at hindi limampu ang mabubuting tao?" Sumagot si Yahweh, "Hindi ko ito lilipulin kung may makita akong apatnapu't limang mabubuting tao." 29 Patuloy na nakipag-usap si Abraham sa kanya katulad nito, sinabi niya, "Anong gagawin mo kung mayroon lamang apatnapung mabubuting tao roon?" Sumagot si Yahweh, "Hindi ko sila lilipuling lahat alang-alang sa kapakanan ng apatnapu." 30 Sinabi ni Abraham, "Pakiusap huwag kang magalit ngayon. Hayaan mong magsalita ako ulit. Anong gagawin mo kung mayroon lamang tatlumpung mabubuting tao roon?" Sumagot siya, "Hindi ko ito gagawin kung mayroon akong makikitang tatlumpung mabubuting tao roon." 31 Sinabi ni Abraham, "Hindi ako dapat mangahas at kausapin ka gaya nito, aking Panginoon. Pero anong gagawin mo kung mayroon lamang dalawampung mabubuting tao roon?" Sumagot siya, "Hindi ko lilipulin ang buong lungsod, alang-alang sa kapakanan ng dalawampu." 32 Sinabi ni Abraham, "Aking Panginoon, huwag kayong magagalit ngayon. Hayaan mo akong magsalita ng isa pang pagkakataon. Ano ang gagawin mo may makikita ka na sampung mabubuting tao roon?" Sumagot si Yahweh, "Hindi ko lilipulin ang lungsod alang-alang sa sampu na naroon." 33 Wala ng sinabi si Abraham. Pagkatapos na pagkatapos magsalita ni Yahweh kay Abraham, umalis siya, at si Abraham ay umuwi na sa kanyang tahanan.