2 Thessalonians 3 — Wikang Tagalog

1 Ngayon, mga kapatid, ipanalangin ninyo kami, na ang salita ng Panginoon ay mapadali at maluwalhati, gaya din naman sa inyo, 2 at upang kami ay mailigtas mula sa mga napakasama at baluktot na mga tao, dahil hindi lahat ay may pananampalataya. 3 Ngunit tapat ang Panginoon, na magpapatatag at magbabantay sa inyo mula sa masama. 4 Mayroon kaming tiwala sa Panginoon tungkol sa inyo, na pareho ninyong gagawin at ipagpapatuloy ang mga bagay na iniutos namin. 5 Nawa ituro ng Panginoon sa inyong mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa pagtitiis ni Cristo. 6 Ngayon inuutusan namin kayo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na iwasan ninyo ang kapatid na namumuhay ng katamaranat hindi namumuhay ayon sa mga kaugalian na inyong natanggap mula sa amin. 7 Sapagkat inyong nalalaman sa inyong mga sarili na nararapat ninyo kaming gayahin, sapagkat hindi kami naging tamad noong nakasama namin kayo. 8 Hindi namin kinain ang pagkain ng iba nang hindi ito binabayaran, ngunit kami ay nagtrabaho gabi at araw ng mahirap na gawain at paghihirap, upang hindi kami maging kabigatan sa kahit kanino sa inyo. 9 Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming kapangyarihan, ngunit ginawa namin ito upang maging halimbawa sa inyo, upang kami ay inyong tularan. 10 Nang kami ay kasama ninyo, iniutos namin sa inyo na, "Ang ayaw magtrabaho ay hindi dapat kumain." 11 Sapagkat naririnig namin na ang ilan sa inyo ay tamad, hindi abala sa trabaho, ngunit mga mapanghimasok. 12 Ngayon sa mga katulad nila ay iniuutos namin at hinikayat sa Panginoong Jesu-Cristo, na sila ay magtrabaho nang may katahimikan at kainin ang sarili nilang pagkain. 13 Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong mapanghinaan ng loob sa paggawa nang mabuti. 14 At kung mayroon mang hindi sumusunod sa mga salita na aming isinulat, tandaan ninyo siya at huwag kayong makisama sa kaniya, upang siya ay mahiya. 15 Gayunpaman huwag ninyo siyang ituring na kaaway, ngunit balaan ninyo siya bilang isang kapatid. 16 Nawa ang Panginoon ng kapayapaan mismo ang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng oras sa lahat ng paraan. Sumainyong lahat ang Panginoon. 17 Ako, si Pablo, ang sumulat nito sa aking sariling kamay, na siyang tatak ng bawat titik na aking isinusulat. 18 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat. Amen.