2 Thessalonians 2 — Wikang Tagalog

1 Ngayon tungkol sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa ating pagtitipon upang makasama niya, hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, 2 na kayo'y huwag agad mabalisa o mabagabag, maging sa pamamagitan ng espiritu o sa pamamagitan ng mensahe, o sa pamamagitan ng sulat na parang nagmula sa amin, na para bang ang araw ng Panginoon ay dumating na. 3 Huwag hayaang linlangin kayo ng sinuman sa anumang paraan. Sapagkat hindi ito darating hanggang sa mangyari ang pagbagsak, at ang taong suwail ay maihayag, ang anak ng pagkawasak. 4 Siya ang kakalaban at magtataas ng kaniyang sarili laban sa lahat ng tinatawag na Diyos o sa mga sinasamba. Bilang resulta, siya ay uupo sa templo ng Diyos at nagpapakita ng kaniyang sarili bilang Diyos. 5 Hindi ba ninyo naalala na noong kasama ninyo ako ay sinabi ko ang mga bagay na ito? 6 Ngayon alam na ninyo kung ano ang pumipigil sa kaniya, upang siya ay maihayag lamang sa tamang panahon. 7 Sapagkat ang hiwaga ng katampalasanan ay kumikilos na, may isa lamang na pumipigil sa kaniya ngayon hanggang sa siya ay maialis. 8 Kung magkagayo'y maihahayag ang suwail, na papatayin ng ating Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig at dadalhin siya sa kawalan sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagdating. 9 Ang pagdating ng isang suwail ay dahil sa gawain ni Satanas ng may buong kapangyarihan, tanda, at mga maling himala, 10 at sa lahat ng uri ng kasamaan na nanlilinlang sa mga napapahamak, dahil tumanggi silang ibigin ang katotohanan at para maligtas. 11 Sa kadahilanang ito ay ipinapadala ng Diyos sa kanila ang makapangyarihang panlilinlang upang sila ay maniwala sa kasinungalingan 12 at upang silang lahat ay mahatulan na hindi naniwala sa katotohanan ngunit sa halip ay nasiyahan sa kalikuan. 13 Ngunit dapat kami laging magpasalamat sa Diyos para sa inyo, mga kapatid na iniibig ng Panginoon. Sapagkat pinili kayo ng Diyos bilang mga unang bunga para maligtas sa pamamagitan ng pagpapabanal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan. 14 Tinawag Niya kayo dito sa pamamagitan ng ebanghelyo, upang matamo ang kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, maging matatag at kumapit nang mahigpit sa mga tradisyong naituro sa inyo, sa salita man o sa aming sulat. 16 Ngayon nawa ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ang Diyos na ating Ama, na nagmahal sa atin at nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya, 17 mag-aliw at magpatatag ng inyong mga puso sa bawat mabuting gawa at salita.