2 Thessalonians 1— Wikang Tagalog

1 Sina Pablo, Silas, at Timoteo, para sa iglesya ng mga taga-Tesalonica sa Diyos na ating Ama at sa Paginoong Jesu-Cristo. 2 Sumainyo ng biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 3 Kami ay dapat magpasalamat palagi sa Diyos para sa inyo, mga kapatid, dahil ang inyong pananampalataya ay lalo pang lumalago, at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo ay dumadami. 4 Kaya't kami mismo ay nagsasalita nang may pagmamalaki tungkol sa inyo sa mga iglesiya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiyaga at pananampalataya sa lahat ng inyong mga pag-uusig, at sa mga pagdadalamhati na inyong tinitiis. 5 Ito ang tanda ng matuwid na paghahatol ng Diyos, upang kayo ay mapabilang na karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, kung saan kayo ay nagdurusa. 6 Sapagkat tunay na matuwid para sa Diyos na ibalik ang pagdadalamhati sa mga nagdulot ng dalamhati sa inyo, 7 at kaginhawaan sa inyong mga nagdalamhati na kasama namin, nang ang Panginoong Jesus ay nahayag mula sa langit kasama angkaniyang mga makapangyarihang anghel 8 sa naglalagablab na apoy, naghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. 9 Sila ay parurusahan ng walang hanggang pagkawasak na malayo mula sa presensiya ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan. 10 Gagawin niya ito sa kaniyang pagbabalik sa araw na iyon upang luwalhatiin sa kaniyang mga banal na tao at upang kamanghaan ng lahat na naniwala, sapagkat ang aming mga patotoo sa inyo ay pinaniwalaan. 11 Dahil dito lagi namin kayong ipinapanalangin, na ang ating Diyos ay isaalang-alang kayong karapat-dapat sa inyong pagkatawag at sa kaniyang kapangyarihan ay matupad niya bawat magandang layunin at bawat gawa ng pananampalataya. 12 Ipinapanalangin namin ito upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay maluwalhati sa inyo, at kayo sa kaniya, ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.