Chapter 6

1 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon dahil tama ito. 2 "Igalang mo ang inyong ama at ina" (ang unang utos na may pangako), 3 "upang maging mabuti para sa inyo at para humaba ang inyong buhay dito sa mundo." 4 Mga ama, huwag ninyong udyukan ang inyong anak na magalit sa inyo. Sa halip, alagaan ninyo sila at gabayan ng mga katuruan ng Panginoon. 5 Mga alipin, sundin ninyo ang inyong pisikal na mga panginoon na may kasamang takot, paggalang, at pagtatapat sa puso gaya ng sa Panginoon. 6 Maging masunurin kayo hindi lang tuwing may nakakakita o para magpasaya ng mga tao kundi bilang mga lingkod ni Cristo, sundin ninyo ang kalooban ng Diyos mula sa inyong puso, 7 nang may magandang paglilingkod para sa Diyos at hindi lang para sa tao. 8 Nalalaman nating kung anumang gagawin nating mabuti para sa iba ganun din ang tatanggapin natin mula sa Panginoon, sa mga alipin man o malaya. 9 Sa mga amo, gawin din ninyo ang mga bagay na ito sa kanila at huwag ninyo silang pagbabantaan. Nalalaman ninyong si Cristo ang Panginoon nila at ninyo na nasa langit. Hindi siya nagtatangi sino ka man. 10 Sa huli, magpakatatag kayo sa Panginoon at sa lakas ng kaniyang kapangyarihan. 11 Isuot ninyo ang buong baluti ng Panginoon para mapaglabanan ninyo ang mga masamang balak ng diyablo. 12 Sapagkat ang labanang ito ay hindi sa pagitan ng dugo at laman kundi sa mga pamunuan, mga kapangyarihan, at mga namamahala sa kadiliman, sa mga espiritu ng kasamaan na gumagala sa kalangitan. 13 Kaya isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos upang mapanindigan ninyo ang paglusob sa masamang araw na iyon at gawin ang lahat para manatiling nakatayo. 14 Kaya magpatatag kayo na suot ang sinturon ng katotohanan at suot sa dibdib ang baluti ng katuwiran, 15 suot din sa inyong paanan ang paghahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan. 16 At dala ang kalasag ng pananampalataya ay masasangga ninyo ang mga umaapoy na palaso ng masama. 17 At kunin ninyo ang helmet ng kaligtasan at ang espada ng Espiritu, na ang salita ng Diyos. 18 Samahan ninyo ng panalangin at paghiling sa lahat ng panahon ayon sa Espiritu at magbantay nang may pagtitiyaga at panalangin para sa lahat ng mananampalataya. 19 At ipanalangin niyo rin ako para makapagsalita ako ng mensahe na may katapangan at maipaalam ang misteryo ng ebanghelyo. 20 Ginagawa ko ito bilang ambassador na nakagapos upang maipahayag ko nang may tapang kung man ang dapat kong sabihin. 21 At para malaman din ninyo ang mga gawain ko rito. Ibabalita sa inyo ni Tiquico, ang minamahal na kapatid at tapat na lingdko sa Panginoon, ang lahat ng mga bagay. 22 Isinugo ko siya para kadahilanang ito para malaman ninyo ang kalagayan namin at mabigyan niya kayo ng kaaliwan sa inyong mga puso. 23 Sumainyo ang kapayapaan mga kapatid maging ang pag-ibig na may pananampalataya galing sa Diyos Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo. 24 Sumainyong lahat ang biyaya sa lahat ng nagmamahal sa ating Panginoong Jesu-Cristo na may pag-ibig na hindi kumukupas.