Chapter 5

1 Kaya nga mga minamahal na anak, maging katulad kayo sa Diyos. 2 Lumakad kayo sa pag-ibig gaya ng pagmamahal ni Cristo sa atin. Ibinigay niya ang kaniyang sarili bilang handog, isang mabangong alay para sa Diyos. 3 Kaya bilang mga namumuhay ng banal, hindi tayo dapat mamuhay sa kalaswaan, sa lahat ng karumihan, at masamang pagnanasa. 4 Hindi rin tayo dapat nagsasalita ng kalaswaan, mga walang kabuluhang pag-uusap, o mga pagbibirong nakakasakit sa iba. Sa halip magpasalamat kayo. 5 Nakakatiyak tayong hindi nila mamanahin ang kaharian ni Cristo at ng Diyos kung sila'y nakikiapid, may maruming pamumuhay, pagnanasa sa pagmamay-ari ng iba, o sumasamba sa diyus-diyosan. 6 Huwag kayong magpadaya sa mga walang kabuluhang pag-uusap dahil ibubuhos ng Diyos ang galit niya sa mga taong sumusuway sa kanya. 7 Kaya huwag kayong makibahagi sa kanila. 8 Kung kayo noo'y namumuhay sa kadiliman, kayo ngayo'y namumuhay sa kaliwanagan bilang mga anak ng liwanag. 9 At ang pamumuhay sa liwanag ay nagbubunga ng lahat ng kabutihan, katuwiran, at katotohanan. 10 Pinapatunayan ng mga ito kung anong kalugud-lugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa paggawa ng mga masamang gawain kundi ibunyag mo ang ginagawa nila. 12 Nakakahiyang pag-usapan ang kanilang ginagawa nang palihim. 13 Ngunit naipapahayg ang lahat ng ginagawang bagay kung ito'y dinadala sa liwanag dahil ang lahat ay nakikita sa liwanag. 14 Sapagkat nasusulat, "Gumising kayong mga natutulog at bumangon mula sa mga patay upang magliwanag si Cristo sa inyo. 15 Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo lumakad. 16 Samantalahin ninyo ang panahon dahil masasama ang mga araw na ito. 17 Huwag kayong maging hangal kundi, unawain ninyo kung anong kalooban ng Panginoon. 18 At huwag magpakalasing sa alak dahil maaring magdulot ito ng masama. Sa halip, mapuspos kayo sa Banal na Espiritu. 19 Umawit kayo sa isa't isa ng mga salmo at mga himno at mga espiritual na awitin. 20 Magpasalamat kayo lagi sa Diyos Ama sa lahat ng bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 21 Magpasakop kayo sa isa't isa patunay ng paggalang niyo kay Cristo. 22 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawang lalaki, gaya sa Panginoon. 23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng babae, tulad ni Cristo na siyang ulo ng Iglesiya. Siya ang tagapagligtas ng katawan. 24 Ngunit kung paanong nagpapasakop ang Iglesiya kay Cristo, gayon din magpapasakop ang asawang babae sa kanilang mga asawang lalaki sa lahat ng bagay. 25 Mga asawang lalaki ibigin ninyo ang inyong mga asawang babae tulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesiya at kung paanong ibinigay ni Cristo ang kaniyang sarili sa kaniya. 26 Ginawa niya ito upang gawin niya siyang banal. Nilinisa niya ang iglesiya sa pamamagitan ng paghugas ng tubig at sa salita, 27 upang maiharap siya bilang isang maluwalhating iglesiya na walang bahid ng dungis o karumihan, kundi manatiling banal at walang pagkakamali. 28 Gayundin, dapat mahalin ng mga asawang lalaki ang asawa nilang babae gaya ng kanilang sarili nilang katawan. Ang nagmamahal sa kaniyang sariling asawa ay nagmamahal din sa kaniyang sarili. 29 Walang tao ang nagagalit sa sariling niyang katawan. Sa halip, inaalagaan niya ito at minamahal katulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesiya. 30 Sapagkat tayo ay mga bahagi ng kaniyang katawan. 31 Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikiisa sa kaniyang asawang babae at ang dalawa ay magiging isang laman." 32 Ang misteryong ito ay dakila ngunit patungkol ito kay Cristo at sa kaniyang iglesiya. 33 Gayunman, kailangang mahalin ng bawat isa sa inyo ang kaniyang sariling asawa tulad ng sa kaniyang sarili, at dapat igalang ng asawang babae ang kaniyang asawang lalaki.