Chapter 21

1 Pagkatapos nito, nagpakitang muli si Jesus sa mga alagad sa Dagat ng Tiberias. Ganito ipinakita ni Jesus ang sarili niya. 2 Magkakasama si Simon Pedro, Tomas na kilalang Didimo, Nathaniel na taga-Cana sa Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa mga alagad ni Jesus. 3 Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, "Mangingisda ako." Sinabi nila sa kaniya, "Sasama rin kami sa iyo." Lumabas sila at sumakay sa bangka pero wala silang nahuli na isda sa buong magdamag. 4 Nung maliwanag na sa umaga, nakatayo si Jesus sa pampang pero hindi siya nakilala ng mga alagad. 5 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, "Mga lalake, mayroon ba kayong makakain?" Sumagot sila, "Wala po." 6 Sinabi niya sa kanila, "Ihagis niyo ang iyong lambat sa gilid ng bangka at makakahuli kayo ng isda." Kaya inihagis nila ang kanilang lambat at nahirapan sila sa paghila nito dahil sa dami ng mga nahuling isda. 7 Sinabi ng alagad na minamahal ng Panginoon kay Pedro, "Siya ang Panginoon." Nung marinig ni Simon Pedro na siya ang Panginoon, sinuot niya ang kaniyang balabal dahil nakahubad ang kaniyang pang-itaas at lumangoy siya sa dagat. 8 Nagpunta ang ibang mga alagad sa bangka dahil hindi naman sila masyadong malayo sa lupa, mga dalawang daang cubit ang layo. 9 Nung makarating sila sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling na roon at nilulutong isda at may tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Magdala kayo rito ng mga isda mula sa inyong nahuli." 11 Lumapit si Simon Pedro at hinila ang lambat na puno ng malalaking isda, 153 ang dami, pero kahit sa dami ay hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, ""Lumapit kayo at kumain tayo ng almusal." Wala kahit isa sa kanila ang nagtanong, "Sino po kayo?" Alam nilang siya ang Panginoon. 13 Dumampot si Jesus ng tinapay at ibinigay ito sa kanila. Ganito rin sa isda. 14 Ito ang ikatlong pagkakataon na nagpakita si Jesus sa mga alagad pagkatapos niyang bumangon sa mga patay. 15 Pagkatapos nilang kumain ng almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, "Simon na anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?" Sumagot si Pedro, "Opo Panginoon, alam mong minamahal kita." Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Pakainin mo ang aking mga kordero." 16 Sinabi sa kaniya sa pangalawang pagkakataon, "Simon anak ni Juan, mahal mo ba ako?" Sinagot siya ni Pedro, "Opo Panginoon, alam mong minamahal kita." Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Alagaan mo ang aking mga tupa." 17 Sa pangatlong pagkakataon, sinabi niya sa kaniya, "Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?" Naging maramdamin si Pedro dahil tinanong siya ni Jesus sa pangatlong pagkakataon na, "Mahal mo ba ako?" Sinabi niya sa kaniya, "Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay at alam mong minamahal kita." SInabi ni Jesus sa kaniya, "Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, nung bata ka pa, pinipili mo ang iyong isusuot at nagpupunta ka kahit saan mo gusto. Pero pag tumanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay at may ibang taong magsusuot sa iyo ng damit at dadalhin ka sa isang lugar na hindi mo gustong puntahan." 19 Sinabi ito ni Jesus para ipaliwanag ang uri ng kamatayan ni Pedro na magbibigay lugod sa Diyos. Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi niya kay Pedro, "Sumunod ka sa akin." 20 Lumingon si Pedro at nakita ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod sa kanila. Siya rin ang alagad na sumandal sa dibdib ni Jesus sa hapunan at nagtanong, "Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo? 21 Nakita siya ni Pedro at sinabi kay Jesus, "Panginoon, ano ang gagawin ng lalaking ito?" 22 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Kung gusto ko siyang manatili hanggang sa pagbabalik ko, ano ito sa iyo? Sumunod ka sa akin." 23 Kaya nagsipagkalat ang kasabihang ito sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito. Pero wala namang sinabi si Jesus kay Pedro na hindi mamamatay ang alagad na iyon, kundi ang sinabi niya, ""Kung gusto ko siyang manatili hanggang sa pagbabalik ko, ano ito sa iyo?" 24 Ito ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito at nagsulat ng mga ito. Alam namin na tunay ang kaniyang patotoo. 25 Marami pang ibang bagay na ginawa si Jesus. Kung isusulat ang bawat isa sa kaniyang ginawa, baka kukulangin ang mundo ng mga aklat na pagsusulatan tungkol sa mga ito.