Chapter 6

1 Ituring ng lahat ng mga alipin ang kanilang amo nang buong paggalang para hindi mapintasan ang pangalan ng Diyos at ang kanyang mga turo. 2 Dapat din itrato ng mabuti ng mga amo na mananampalataya ang kanilang mga alipin bilang mga kapwa mananampalataya. Sa halip, dapat pa ngang paglingkuran sila ng mga alipin dahil pinapahalagahan sila ng kanilang mga amo. Ituro mo at ipahayag ang mga bagay na ito. 3 Kung mayroon sa inyong nagtuturo ng ibang doktrina na hindi umaayon sa maayos na turo ng ating Panginoong Jesus-Cristo at ng mga aral na magdudulot sa kanila ng makadiyos na pamumuhay, 4 punong-puno siya ng kayabangan at walang naiintindihan. Hindi maayos ang kagustuhan niyang makipagtalo sa iba at humanap ng away na nagdudulot ng inggit, pagkahati-hati, nagsisiraan at walang pagtitiwala. 5 Patuloy sila sa pakikipagtalo sa mga taong marumi ang pag-iisip at mali ang pagkaunawa sa katotohanan. Iniisip nila na ang makadiyos na pamumuhay ay paraan para sa sariling kapakanan. 6 Ngunit ang pagiging maka-diyos at pagiging kuntento ay may malaking pakinabang, 7 dahil wala naman tayong dinala sa mundong ito at wala rin tayong kayang dalhin mula sa mundo. 8 Dapat tayong makuntento kung mayroon tayong makakain at masusuot. 9 Ngunit ang mga taong gustong yumaman ay nalalapit sa tukso, sa bitag, at maaring mahuhulog sa walang kabuluhan at masamang pagnanasa na nagdudulot sa kanila ng pagkasira at pagkawasak ng buhay. 10 Dahil ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang taong gustong magkaroon nito ay nagpabaya na sa kanilang pananampalataya at inilalapit ang sarili sa labis na kapighatian. 11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Pagsikapan mo ang katuwiran, pagiging maka-diyos, katapatan, pag-ibig, pagtitiis, at pagiging mahinahon. 12 Ipaglaban mo ang mabuting pakikipaglaban ng pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan kung saan ka tinawag at nagpahayag ka nang mabuti noon sa harap ng maraming saksi. 13 Inuutusan kita sa harap ng Diyos na nagibigay buhay sa lahat ng bagay at kay Cristo Jesus na nagpahayag ng mabuting patotoo kay Poncio Pilato, 14 ingatan mong mabuti ang mga kautusan nang walang kapintasan hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu- Cristo, 15 na kanyang ipapahayag sa tamang panahon. Siya ang Diyos na pinagpala at nag-iisang pinuno, ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan na nananahan sa liwanag na hindi kayang pantayan. Wala pang nakakita sa kanya o may kakayahang makita siya. Sa kaniya ang karangan ang kapangyarihan magpakailanman. Amen. 17 Utusan mo ang mga mayaman sa panahong ito na huwag silang magmayabang o umasa sila sa kanilang kayamanan na walang katiyakan. Kundi umasa sila sa Diyos na mayamang nagkakaloob ng lahat ng bagay para sa ikasasaya natin. 18 Sabihan mo silang gumawa ng mabuti at maging mayaman sila sa paggawa ng tama, maging mapagbigay at matulungin. 19 Sa ganitong paraan, nag-iipon sila ng kayamaman para sa kanilang sarili bilang paghahanda sa hinaharap para mapanghawakan nila ang pamumuhay na tunay na masaya. 20 Timoteo, bantayan mong mabuti ang aral na pinagkatiwala sa iyo. Iwasan mong makipagtalo sa mga walang saysay na pakikipag-usap at mga maling paliwanag na tinatawag nilang katalinuhan. 21 Pinili ng mga tao ang mga aral na ito kaya iniwan nila ang pananampalataya. Sumainyo ang biyaya.