Kabanata 4

1 Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng ito, pinunit niya ang kanyang damit at isinuot ang telang sako at nagsaboy ng abo. Lumabas siya sa gitna ng siyudad, at umiyak ng malakas na may labis na kalungkutan. 2 Pumunta siya malayo sa pintuan ng hari, dahil walang sinuman ang pinahihintulutang makadaan dito na nakadamit ng sako. 3 Sa bawat lalawigan, saan man nakarating ang utos at batas ng hari, mayroong matinding pagluluksa ang mga Judio, may pag-aayuno, iyakan, at taghuyan. Marami sa kanila ang nakahiga suot ang damit na sako at mga abo. 4 Nang dumating ang mga kasamang dalaga ni Esther at kanyang mga lingkod, at sinabi nila sa kaniya, ang reyna ay labis na nagdalamhati. Nagpadala siya ng mga damit upang damitan si Mordecai (para mahubad niya ang kanyang telang magaspang), subalit ayaw niyang tanggapin ang mga ito. 5 Pagkatapos pinatawag ni Esther si Hathach, isa sa mga opisyal ng hari na naatasan para paglingkuran siya. Inutusan niya ito na pumunta kay Mordecai para alamin kung ano ang nangyari at ano ang ibig sabihin nito. 6 Kaya nagpunta si Hathach kay Mordecai sa plasa ng siyudad sa harap ng pintuan ng hari. 7 Iniulat ni Mordecai sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanya, at ang kabuuang halaga ng pilak na pinangako ni Haman para timbangin at ilagay sa pananalapi ng hari upang ipapatay ang mga Judio. 8 Nagbigay rin siya ng kopya ng batas na nilathala sa Susa para sa pagpatay ng mga Judio. Ginawa niya ito upang maipakita ito ni Hathach kay Esther, at maipaalam din ito sa kanya para maisipang magmakaawa sa hari, at makiusap sa kanya para narin sa kanyang mga kalahi. 9 Kaya pumunta si Hathach kay Esther at sinabi sa kanya ang sinabi ni Mordecai. 10 Pagkatapos kinausap ni Esther si Hathach at sinabi sa kanyang bumalik kay Mordecai. 11 Sinabi niya, "Pinaalam sa lahat ng mga lingkod ng hari at mga tauhan sa mga lalawigan na kung sino mang lalaki o babae na magpunta sa bulwagan ng hari na hindi pinapatawag, ay may paglabag sa kautusan. At siya ay dapat patayin, maliban na lamang kung ipatong sa kanya nang hari ang gintong setro ay mabubuhay siya. Tatlumpung araw na ngunit hindi pa ako pinapatawag ng hari ." 12 Kaya iniulat ni Hathach ang sinabi ni Esther kay Mordecai. 13 Sinabi rin ni Mordecai ang mensaheng ito kay Esther: "Wag mong isipin na makakatakas ka kahit nasa palasyo ka ng hari, dahil ikaw ay isang Judio. 14 Kung mananatili kang tahimik sa mga oras na ito, ang tulong at pagliligtas ay darating sa mga Judio mula sa ibang lugar, subalit ikaw at ang sambahayan ng iyong ama ay mamamatay. Sinong nakakaalam na baka kaya nandyan ka sa kalalagayan mo ngayon bilang reyna, dahil mangyayari ang bagay na ito?" 15 Dahil doon sumagot si Esther at pinadala ang kanyang tugon kay Mordecai, 16 "Pumunta ka, tipunin mo ang lahat ng mga Judio na naninirahan sa Susa, at mag-ayuno kayo para sa akin. Huwag kayong kumain o uminom ng tatlong araw,sa araw at gabi. Ako at ang aking mga kasamang dalaga ay mag-aayuno din sa ganyang paraan. Pagkatapos pupunta ako sa hari, kahit na labag ito sa batas. At kung mamamatay ako, mamatay ako." 17 Pumunta si Mordecai at ginawa ang lahat ng sinabi ni Esther na kanilang gagawin.