39

1 Samantala, dinala ng kaapu-apuhan ni Ismael si Jose pababa ng Ehipto. Doon binili ni Potipar si Jose mula sa kanila. Si Potipar ay isang taga-Ehipto na isa sa mga opisyal ng hari at ang kapitan ng mga bantay ng palasyo ng hari. 2 Dahil tinulungan ni Yahweh si Jose, nagawa niyang gawin ng maayos ang kanyang trabaho. Nagtrabaho siya sa bahay ng amo niyang taga-Ehipto. 3 Nakita ng kanyang amo na tinutulungan ni Yahweh si Jose at ginagawa siyang magtagumpay sa lahat ng bagay na ginawa niya. 4 Nalulugod ang amo ni Jose sa kanya, kaya siya ay hinirang na maging sariling lingkod niya. Pagkatapos siya ay hinirang niya na maging isa sa mangangalaga sa lahat ng bagay sa kanyang sambahayan at lahat ng kanyang mga pag-aari. 5 Mula sa panahon na hinirang ni Potipar si Jose para mangalaga sa lahat ng bagay sa kanyang sambahayan at lahat ng pagmamay-ari niya, pinagpala ni Yahweh ang mga tao na nakatira sa bahay ni Potipar dahil kay Jose. Dinulot din niyang tumubo ng maayos ang mga pananim ni Potipar. 6 Pinahintulutan ni Potipar si Jose na pangalagaan ang lahat na pagmamay-ari niya. Kinakailangan lamang ni Potipar na magpasya tungkol sa pagkaing kakainin niya. Hindi na siya nag-aalala sa kaniyang bahay. Ngayon si Jose ay makisig at matipuno. 7 Dahil doon, lumipas ang panahon, nagsimula ng magkagusto ang asawa ng kanyang amo kay Jose. Kaya isang araw sinabi ng asawa sa kanya, "Sipingan mo ako!" 8 Ngunit tumanggi siya at nagsabi sa asawa ng kanyang amo, "Makinig ka! Ang amo ko ay walang pakialam tungkol sa kahit na ano sa bahay na ito. Hinirang niya ako para pangalagaan ang lahat ng mga pagmamay-ari niya. 9 Walang ni isa sa sambahayang ito na may mas karapatan pa kaysa sa akin. Ang tanging bagay na hindi niya pinahintulutan na maging akin ay ikaw, dahil ikaw ang kanyang asawa! Kaya paano ko magagawa itong masamang bagay na pinapagawa mo sa akin? Magkakasala ako sa Diyos kung gagawin ko iyan!" 10 Patuloy siyang humihiling kay Jose sa bawat araw na lumilipas na sipingan siya, ngunit siya ay tumanggi. Ni hindi man lang siya lumalapit sa kanya. 11 Isang araw pumunta si Jose sa bahay para gawin ang kanyang gawain at wala ni isa sa mga lingkod ng sambahayan ang nasa bahay. 12 Hinablot ng asawa ni Potipar ang kaniyang damit at sinabi, "Sipingan mo ako!" Tumakbo palabas ng bahay si Jose, ngunit ang kanyang damit ay nanatili sa kanyang kamay! 13 Nang makita niya na siya ay tumakbo palabas habang naiwan ang kanyang damit sa kanyang kamay, 14 tinawag niya ang mga lingkod ng sambahayan. Sinabi niya sa kanila, "Tingnan ninyo! Itong taong Hebreo na dinala sa atin ng aking asawa na lalaki ay nilalait tayo! Nagpunta siya sa kung nasaan ako at sinubukang pilitin ako na sumiping sa kanya ngunit sumigaw ako ng malakas. 15 Pagkarinig niya na sumisigaw ako, naiwan niya ang kanyang damit sa akin at tumakbo palabas!" 16 Tinago niya ang damit sa kaniyang tabi hanggang makauwi ang amo ni Jose. 17 Pagkatapos sinabi niya itong kwento sa kanya: "Ang aliping Hebreo na dinala mo dito ay pumunta sa kung nasaan ako at sinubukang pilitin ako na sumiping sa kanya! 18 Pagkasigaw ko ng malakas, tumakbo siya palabas, habang naiwan niya ang kanyang damit sa tabi ko!" 19 Nang marinig ng amo ni Jose ang kwentong ito na sinabi ng asawa niyang babae, at nang sinabi niya, "Ganito ako pakisamahan ng alipin mo," siya ay labis na galit. 20 Dinala si Jose ng kanyang amo at nilagay sa bilangguan, kung saan nilalagay ang lahat ng mga bilanggo ng hari at nanatili si Jose doon. 21 Ngunit naging mabait si Yahweh kay Jose at tinulungan siya dahil sa kanyang tipan sa kanyang mga ninuno; dinulot niyang malugod sa kanya ang bantay ng bilangguan. 22 Kaya nilagay ng bantay ng bilangguan na mamahala si Jose sa lahat na nandoon sa bilangguan, at mamahala sa lahat ng trabaho na ginagawa doon. 23 Hindi na nababahala ang bantay sa kahit anong bagay na pinapangalagaan ni Jose dahil tinutulungan ni Yahweh si Jose na gawin ng maayos ang lahat ng kanyang gawain.