37

1 Si Jacob ay nagpatuloy na namuhay sa lupain ng Canaan, kung saan ang kanyang ama ay dating naninirahan. 2 Ito ang nangyari sa pamilya ni Jacob. Noong labing-pitong taong gulang pa si Jose na kanyang anak, siya ay nag-aalaga ng mga kawan ng tupa at mga kambing kasama niya ang kanyang mga nakatatandang kapatid na lalaki. Sila ay mga anak na lalaki ng isa sa mga asawa ng kanilang ama na sina Bilha at Zilpa. Sinabihan ni Jose ang kanyang ama tungkol sa mga masasamang gawain ng kanyang mga kapatid na lalaki. 3 Minahal ni Jacob si Jose ng mas higit kaysa sa iba niyang mga anak, sapagkat si Jose ay ipinanganak noong siya ay matanda na. Nagpagawa si Jacob ng magandang damit na may mahabang mga manggas para kay Jose. 4 Nang nalaman ng kanyang mga nakatatandang kapatid na lalaki na mas minamahal siya higit sa kanila, nagalit sila sa kanya. Ni minsan hindi nila siya kinausap ng maayos. 5 Isang gabi, nanaginip si Jose. Sinabi niya sa kanyang mga kapatid ang tungkol sa panaginip, at lalo silang nagalit sa kanya. Ito ang nangyari: 6 Sinabi niya sa kanila, "Makinig kayo sa aking panaginip! 7 Sa panaginip, tinatalian natin ang mga bigkis ng ating mga trigo sa bukirin. Biglang tumayo ng tuwid ang aking bigkis at ang iyong mga bigkis ay pumalibot at yumuko sa aking bigkis!" 8 Sinabi ng kanyang mga kapatid sa kanya, "Sa palagay mo ba na darating ang panahon na ikaw ay mamumuno sa amin? Magiging hari ka ba namin?" Lalo silang nagalit sa kanya dahil sa kanyang sinabi tungkol sa kanyang panaginip. 9 Kinamayaan, nagkaroon siya ng panibagong panaginip, at sinabi niya ulit ang tungkol dito sa kanyang mga nakatatandang kapatid. Sabi niya, "Pakinggan ninyo ito! Nanaginip ako muli. Sa panaginip na ito, ang araw, at buwan at ang labing isang bituin ay yumuko sa akin!" 10 Sinabi niya rin ito sa kanyang ama. Sinaway siya ng kanyang ama, na nagsasabi ng 'Ano ang inyong iminumungkahi sa ganyang panaginip? Ang ibig mo bang sabihin na ang iyong ina at ako at iyong mga nakatatandang kapatid ay luluhod sa lupa sa iyong harapan?" 11 Ang mga nakatatandang kapatid ni Jose ay masama ang loob sa kanya, ngunit ang kanyang ama ay itinago nalang sa kanyang isip kung ano ang ibig sabihin ng panaginip. 12 Isang araw umalis ang mga nakatatandang kapatid ni Jose upang alagaan ang mga tupa at mga kambing ng kanilang ama sa kapatagan malapit sa Sechem. 13 Kinamayaan, sinabi ni Jacob kay Jose, "Ang iyong mga kapatid ay nagpapastol ng tupa at mga kambing malapit sa Sechem. Ipapadala kita doon upang tingnan sila." Sumagot si Jose, "Pupunta ako." 14 Sinabi ni Jacob, "Puntahan mo at tingnan kung sila ba ay nasa mabuting kalagayan, at kung ang mga kawan ay nasa mabuting kalagayan. Pagkatapos bumalik ka at balitaan mo ako." Kaya pinadala ni Jacob si Jose mula sa kapatagan kung saan sila naninirahan, ang kapatagan kung saan naroon ang Hebron, upang puntahan at hanapin ang kanyang mga kapatid na lalaki. Pagkatapos dumating si Jose malapit sa lungsod ng Sechem. 15 Habang si Jose ay naglalakad sa mga bukirin upang hanapin ang kanyang mga kapatid na lalaki, may isang tao na nakakita sa kanya at tinanong siya, "Sino ang hinahanap mo?" 16 Sumagot si Jose, "Hinahanap ko ang aking mga nakatatandang kapatid. Maaari mo bang sabihin kung saan sila nagpapastol ng kanilang tupa at mga kambing?" 17 Sumagot ang lalaki, "Wala na sila rito. Narinig ko ang isa sa kanila na nagsabi, 'Dalahin natin ang mga tupa't kambing at pumunta tayo sa bayan ng Dotan.'" Kaya si Jose ay umalis at pumunta sa hilaga, at natagpuan niya ang kanyang mga kapatid malapit sa bayan ng Dotan. 18 Ngunit nakita nila siya habang malayo pa siya at nagpasyang silang patayin siya. 19 Sinabi nila sa isat-isa ang mga bagay na katulad nito, "Narito na ang mapanaginipin!" 20 "Tara, patayin natin siya at itapon ang kanyang katawan sa isa sa mga hukay! Pagkatapos sasabihin natin sa mga tao na siya ay sinakmal, pinatay at kinain ng mabangis na hayop. At pagkatapos tingnan natin kung magkatotoo pa ba ang kanyang mga panaginip!" 21 Narinig ni Reuben ang kanilang mga sinag-uusapan, kaya sinubukan niyang hinikayat sila na huwag nilang patayin si Jose. Sinabi niya, "Hindi, huwag natin siyang patayin. 22 Huwag ninyong kunin ang kanyang buhay! Maaari natin siyang itapon sa hukay na ito sa desyerto, ngunit huwag natin siyang saktan." Sinabi niya ito at iniwan sila, dahil balak niyang iligtas si Jose pagkatapos at dalhin pabalik sa kanyang ama. 23 Nang nakarating si Jose sa kinaroronan ng kanyang mga nakatatandang kapatid, hinuli nila siya at pinunit ang kanyang damit na may mahabang manggas. 24 Pagkatapos dinala nila siya at itinapon sa hukay. Ngayon ang hukay ay tuyo; ito'y walang tubig. 25 Pagkatapos nilang kumain, may nakita silang mangangalakal na parating, mga kaapu-apuhan ni Ismael, mula sa lugar ng Gilead. Ang kanilang kamelyo ay punong-puno ng mga lalagyan ng mga sangkap at pabangong pasas. Sila ay pababa sa Ehipto para ibenta ang mga bagay na iyon. 26 Sinabi ni Juda sa kanyang nakatatanda at nakababatang mga kapatid na lalaki, "Kung papatayin natin ang ating nakababatang kapatid at itatago ang kanyang katawan, ano ba ang mapapala natin? 27 Kaya sa halip na saktan natin siya, ibenta nalang natin siya sa mga taong ito na mga kaapu-apuhan ni Ismael. Huwag nating kalimutan, siya ay ating nakababatang kapatid!" Kaya nagkasundo sila na gagawin iyon. 28 Nang paparating na ang mga mangangalakal galing Midian, kinuha si Jose ng kanyang mga kapatid mula sa hukay. Pagkatapos ibenenta nila sa mga taga Midian sa halagang dalawampung piraso na pilak. Dinala ng mga mangangalakal si Jose sa Ehipto. 29 Nang bumalik si Reuben sa hukay, nakita niyang wala na roon ang kanyang nakababatang kapatid. Siya ay lubhang nalungkot kaya pinunit niya ang kanyang mga damit. 30 Bumalik siya sa kanyang mga nakababatang kapatid at sinabi, "Ang bata ay wala na sa hukay! Ano ang gagawin ko ngayon?" 31 Hindi nila makayang sabihin sa kanilang ama ang kanilang nagawa. Kaya nagpasya silang gumawa ng kuwento tungkol sa nangyari. Kinuha nila ang damit na isinuot ni Jose na may mahabang manggas. Pagkatapos pumatay sila ng kambing at isinawsaw ang damit sa dugo ng kambing. 32 Dinala nila ang piraso ng damit pabalik sa kanilang ama at sinabi, "Natagpuan namin ito! Tingnan mo. Sa anak mo ba ang damit na ito?" 33 Nakilala niya ito, at sabi niya, "Oo, sa anak ko ito! Sinakmal siya ng mabangis na hayop at pinatay! Nakakasiguro ako na ang hayop na iyon ang nagpira-piraso kay Jose. 34 Si Jacob ay nagluksa at pinunit ang kanyang damit. Nagsuot siya ng damit panluksa. Siya ay nagluksa. 35 Sinikap ng lahat ng kanyang mga anak na aliwin siya, ngunit hindi niya binigyang pansin ang sinabi nila. Sinabi niya, "Hindi, ako ay patuloy na magluluksa hanggang mamatay ako at pupunta kasama ang aking anak." Kaya nagpatuloy ang ama ni Jose sa pag-iyak dahil sa nangyari sa kanyang anak. 36 Samantala, ang mga lalaki na galing sa Midian ay dinala si Jose sa Ehipto at ibenenta kay Potipar, na isa sa mga lingkod ng hari. Siya ang pinuno ng mga sundalo na nagbabantay sa hari.