22

1 Pagkalipas ng ilang taon, sinubok ng Diyos si Abraham upang malaman kung susundin siya nito. Tinawag niya si Abraham, at sumagot si Abraham, "Narito ako." 2 Sinabi ng Diyos, "Ang iyong anak, na si Isaac, na iyong minamahal, ang nag-iisang anak na pinangako kong ibibigay sa iyo. Isama mo siya at pumunta kayo sa lupain ng Moria, umakyat kayo sa isang bundok na aking ipapakita sa iyo, at ialay mo siya bilang handog na susunugin. 3 Kaya bumangon si Abraham nang maaga kinaumagahan, hinanda ang kanyang asno na dala nito ang mga bagay na kakailanganin, at isinama niya rin ang dalawa sa kanyang mga lingkod na kasama ng kanyang anak na si Isaac. Nagsibak din siya ng ilang kahoy para panggatong sa handog na susunugin. Pagkatapos sinimulan nila ang paglalakbay patungo sa lugar na itinuro ng Diyos sa kanya. 4 Sa ikatlong araw sa kanilang paglalakbay, tumingala si Abraham at natanaw niya sa may kalayuan ang lugar na nais ng Diyos na puntahan niya. 5 Sinabi ni Abraham sa kanyang mga lingkod, "Maiwan kayong dalawa dito kasama ang asno, ako at ang batang lalaki ay paparoon. Sasamba kami sa Diyos doon at pagkatapos babalik kami sa inyo. 6 Pagkatapos kinuha ni Abraham ang panggatong sa susunuging handog at ipinapasan kay Isaac. Dinala ni Abraham sa kanyang kamay ang pangsindi ng apoy. Dinala niya rin ang kutsilyo, at sila'y magkasamang naglakbay. 7 Pagkatapos, kinausap ni Isaac ang kaniyang amang si Abraham, "Aking ama." Sumagot si Abraham, "Ano iyon, aking anak, narito ako!" Sinabi ni Isaac, "Tingnan mo, mayroon tayong kahoy at baga para pandingas ng apoy, ngunit nasaan ang tupa bilang handog na susunugin?" 8 Sumagot si Abraham, "Aking anak, ang Diyos mismo ang magbibigay ng tupa para sa handog na susunugin." Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakbay. 9 Dumating sila sa lugar na itinuro ng Diyos sa kanya. Doon, gumawa si Abraham ng batong altar at inilatag ang mga kahoy sa ibabaw nito. Pagkatapos tinalian niya ang kanyang anak na si Isaac at inihiga niya sa ibabaw ng altar sa ibabaw ng kahoy. 10 Pagkatapos kinuha ni Abraham ang kutsilyo at itinaas para patayin ang kanyang anak. 11 Ngunit tinawag siya ng anghel ni Yahweh mula sa langit at sinabing, "Abraham! Abraham!" Sumagot si Abraham, "Narito ako!" 12 Sinabi ng anghel, "Huwag mong saktan ang batang lalaki, dahil ngayon nalaman ko na ginagalang at sinusunod mo ang Diyos. Nalaman ko ito dahil hindi ka tumangging ialay ang iyong nag-iisang anak. 13 Pagkatapos tumingala si Abraham at nakakita siya ng isang lalaking tupa na sumabit ang mga sungay sa halaman malapit sa kanyang kinatatayuan. Kaya pinuntahan ni Abraham at kinuha ang tupa at pinatay ito, inalay ito sa ibabaw ng altar bilang handog na susunugin sa halip na ang kanyang anak. 14 Pinangalanan ni Abraham ang lugar na "Si Yahweh ang magbibigay." Magpahanggang ngayon sinasabi ng mga tao, "Sa bundok ni Yahweh, siya ay magbibigay." 15 Tinawag ng anghel ni Yahweh si Abraham mula sa langit sa ikalawang pagkakataon. 16 Sinabi niya, "Ako si Yahweh, sinasabi ko sa iyo na ginawa mo kung ano ang inutos ko sa iyo, at hindi mo ipinagkait ang iyong kaisa-isang anak. Kaya mataimtim akong nangangako, ako bilang sarili kong saksi, 17 na sa darating na panahon ang iyong mga kaapu-apuhan ay magiging kasingdami ng mga bituin sa langit at mga butil ng buhangin sa dalampasigan. Tatalunin ng iyong mga kaapu-apuhan ang kanilang mga kaaway at kukubkubin ang kanilang mga lungsod. 18 Dahil sinunod mo ako, sa pamamagitan ng iyong mga kaapu-apuhan pagpapalain ang mga tao sa lahat ng mga bansa sa mundo." 19 Pagkatapos bumalik sina Abraham at Isaac sa kanyang mga lingkod kung saan sila naghihintay, at magkakasama silang umuwi sa Beer-seba, si Abraham at ang kanyang mga tao ay nagpatuloy na manatili doon. 20 Matapos nangyari ang mga bagay na ito, may nagbalita kay Abraham, "Si Milca, na asawa ng iyong kapatid na si Nahor, ay nagsilang din ng mga sanggol. 21 Ngayon ang panganay ay si Hus. Ang sumunod naman ay si Buz. Pagkatapos niya ay si Kemuel, na ama ni Aram. 22 Pagkatapos ni Kemuel ay si Kesed, si Hazo, si Pildas, si Jidlaf, at si Bethuel. 23 Si Bethuel ang ama ni Rebeca. Sila ang walong anak na isinilang ni Milca kay Nahor, na kapatid ni Abraham. 24 May iba pang babae si Nahor, ang pangalan niya ay Reumah, nagsilang siya ng apat na anak na lalaki: Tebah, Gaham, Tahas at Maaca.