20

1 Umalis si Abraham sa Mamre at nagtungo sa timog kanluran patungo sa disyerto ng Negeb. Nanirahan siya roon sa gitna ng Kadesh at Sur. Nanirahan siya bilang isang dayuhan sa bayan ng Gerar. 2 Habang naroon siya, sinabihan niya ang mga tao na kapatid niya si Sara, at hindi niya asawa. Pagkatapos, nagpadala si Haring Abimelech ng Gerar ng ilang mga tauhan para kunin si Sara, at dinala nila ito sa kanya para maging asawa niya. 3 Pero nagpakita si Yahweh kay Abimelech sa isang panaginip ng gabing iyon at sinabi sa kanya, "Makinig ka sa akin! Mamamatay ka dahil ang babaeng kinuha mo ay asawa ng ibang lalaki." 4 Pero hindi pa sumiping si Abimelech kay Sara, kaya sinabi niya, "Panginoon, yamang ang mga tao sa aking bansa at ako ay inosente, papatayin mo ba kami? 5 Sinabi sa akin ni Abraham, 'Siya ang aking kapatid,' at sinabi rin naman ng babae, 'kapatid ko siya.' Wala akong balak na gumawa ng anumang mali; ni nakagawa ng anumang mali." 6 Sabi ng Diyos sa kanya, "Oo, alam ko na ayaw mong gumawa ng anumang mali. Kaya nga hinadlangan kita na magkasala ka laban sa akin. Hindi ko hinayaang hawakan mo siya. 7 Kaya nga, ibalik mo ang asawa ng lalaki sa kanyang asawa, dahil isa siyang propeta. Ipananalangin ka niya para ikaw ay mabuhay. Pero kapag hindi mo siya ibinalik sa kanya, siguradong mamamatay ka at ang lahat ng kasapi sa iyong sambahayan ay tiyak na mamamatay rin." 8 Kinaumagahan, tinawag ni Abimelech ang lahat ng kanyang mga pinuno at sinabi sa kanila ang lahat ng nangyari. Nang marinig nila ito takot na takot ang kanyang mga tauhan na parurusahan sila ng Diyos. 9 Pagkatapos, ipinatawag ni Abimelech si Abraham, at sinabi sa kanya, "Hindi mo dapat ginawa ito sa amin! Mayroon ba akong maling ginawa sa iyo? Gusto mo ba na ako at ang aking mga tauhan ay magkaroon ng matinding kasalanan? Gumawa ka ng mga bagay sa akin na hindi mo dapat gawin! 10 Bakit mo ginawa ito?" 11 Sumagot si Abraham, "Sinabi ko na kapatid ko siya dahil naisip ko na ang mga tao sa lugar na ito ay hindi ginagalang ang Diyos. Siguradong gagawin nila ang mga maling bagay na ninanais nila. Kaya papatayin nila ako para kunin ang aking asawa. 12 At saka, maituturing ko na kapatid ko si Sara, dahil anak siya ng aking ama, kahit na hindi siya anak ng aking ina. Anak siya ng ibang babae at naging asawa ko siya. 13 Kinalaunan, nang sinabi ng Diyos sa akin na lisanin ang sambahayan ng aking ama, sinabi ko sa kanya, "Ito ang paraan na maipapakita mo sa akin ang katapatan mo: Saan man tayo makarating sabihin mo tungkol sa akin na, "Siya ay kapatid ko." 14 Kaya, nagdala si Abimelech ng ilang tupa at baka at ibinigay ang mga ito kay Abraham. Nagbigay din siya sa kanya ng ilang alipin na lalaki at alipin na babae. Pagkatapos, ibinalik niya si Sara asawa ni Abraham sa kaniya. 15 At sinabi ni Abimelech sa kanya, "Tingnan mo! nasa harapan mo ang aking lupain. Tumira ka kahit saan mo naisin!" 16 At sinabi niya kay Sara, "Tingnan mo! Magbibigay ako ng isang libong pilak sa kapatid mo. Pagpapatunay ito na hindi na mapag-uusapan ulit ng kahit sino ang pangyayaring ito at sabihin na may nagawa kang anumang mali." 17 Pagkatapos, nanalangin si Abraham sa Diyos, at pinagaling ng Diyos ang asawa ni Abimelech at ang kanyang mga babaeng alipin para magkaroon sila ng mga anak. 18 Sinadya ito ni Yahweh para hindi na maaaring magkaanak kahit sinuman sa mga babae sa sambahayan ni Abimelech dahil kinuha ni Abimelech si Sara na asawa ni Abraham.