1
Pagkatapos hindi nakapagpigil si Jose sa kanyang sarili sa harapan ng lahat ng mga lingkod na nakatayo sa kanyang tabi. Sinabi niya ng malakas, "Iwanan ninyo akong lahat." Kaya walang lingkod na nakatayo sa tabi niya nang siya ay nagpakilala sa kanyang mga kapatid na lalaki.
2
Umiyak siya ng malakas, narinig ito ng mga taga-Ehipto at ang tahanan ng Paraon ay nakarinig ito.
3
Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, "Ako si Jose. Buhay pa ba ang aking ama?" Ang kanyang mga kapatid na lalaki ay hindi makasagot sa kanya, sapagkat sila ay nabigla sa kanyang presensiya.
4
Pagkatapos sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, "Pakiusap, lumapit kayo sa akin." Lumapit sila. Sinabi niya, "Ako si Jose ang inyong kapatid na lalaki, na inyong ipinagbili sa Ehipto.
5
At ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili na ipinagbili ninyo ako dito, sapagkat nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan ang buhay ninyo.
6
Nasa tagtuyot ang lupain nitong mga dalawang taon at magkakaroon pa nang limang dagdag na mga taon na walang pag-aararo o walang ani.
7
Nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan kayo bilang mga nalalabi dito sa mundo at nang mapanatili kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang kaligtasan.
8
Kaya ngayon, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kung hindi ang Diyos, at ginawa niya akong ama ng Paraon, amo ng lahat ng kanyang tahanan, at pinuno ng lahat ng lupain sa Ehipto.
9
Magmadali kayo at umakyat patungo sa aking ama at sabihin sa kanya 'Ito ang sinabi ng inyong anak na si Jose, ginawa ako ng Diyos na amo ng buong Ehipto. Bumaba ka dito sa akin at huwag mag-atubili.
10
Maninirahan ka sa lupain ng Gosen at nang ikaw ay mapalapit sa akin, ikaw at ang iyong mga anak at ang mga anak ng iyong mga anak, at ang iyong mga hayop at ang iyong mga baka, at ang lahat ng nasa iyo.
11
Tutustusan kita doon sapagkat mayroon pang limang mga taon na tagtuyot upang hindi ka humantong sa kahirapan, ikaw, ang iyong tahanan, at ang lahat ng nasa iyo.'
12
Tingnan ninyo, nakikita ng inyong mga mata, at mga mata ng aking kapatid na lalaki na si Benjamin, na itong aking bibig ang nakikipag-usap sa inyo.
13
Sasabihin ninyo sa aking ama ang tungkol sa lahat ng aking kapangyarihan sa Ehipto, at ang lahat ng inyong mga nakita. Magmamadali kayo at dalhin ang aking ama dito."
14
Niyakap niya ang kanyang kapatid na si Benjamin sa leeg at umiyak, at si Benjamin ay umiyak sa kanyang leeg.
15
Hinagkan niya ang lahat ng kanyang mga lalaking kapatid at umiyak sa kanila. Pagkatapos noon nakipag-usap sa kanya ang kanyang mga kapatid na lalaki.