1
Ngayon si Dina, na babaeng anak ni Lea kay Jacob ay lumabas para makilala ang mga dalaga ng lupain.
2
Nakita siya ni Sechem, na anak ni Hamor na Hevita ang prinsipe ng lupain at hinila siya, nilapastangan at hinalay.
3
Naakit siya kay Dina, na anak ni Jacob. Minahal niya ang dalaga at magiliw na kinausap siya.
4
Kinausap ni Sechem ang kanyang amang si Hamor, sinabing, "Kunin mo ang dalagang ito para sa akin upang maging asawa ko."
5
Ngayon narinig ni Jacob na dinungisan niya si Dina na kanyang anak. Nasa bukid ang kanyang mga anak na lalaki kasama ng kanyang mga alagang hayop, kaya nanahimik si Jacob hanggang sa dumating sila.
6
Pumunta kay Jacob si Hamor na ama ni Sechem.
7
Dumating ang mga anak na lalaki ni Jacob na galing sa bukid nang marinig nila ang nangyari. Nasaktan ang mga lalaki. Labis silang nagalit dahil pinahiya nila ang Israel sa pagpupumilit sa kanyang sarili sa anak na babae ni Jacob, dahil ang bagay na iyon ay hindi dapat ginawa.
8
Nakipag-usap si Hamor sa kanila at sinabing, "Iniibig ng aking anak na si Sechem ang iyong anak na babae. Pakiusap ibigay mo siya sa kanya bilang asawa.
9
Makipag-asawa kayo sa amin, ibigay mo ang mga anak mong babae sa amin, at kunin ninyo ang mga anak naming babae para sa inyong sarili.
10
Maninirahan kayo sa amin, at magiging bukas ang lupain para sa inyo para manirahan at makipagkalakalan, at makakuha ng ari-arian."
11
Sinabi ni Sechem sa kanyang ama at sa kanyang mga kapatid na lalaki, "Hayaan ninyong makasumpong ako ng pabor mula sa inyong mga mata, at anuman ang sabihin ninyo sa akin ay ibibigay ko.
12
Hingiin ninyo sa akin gaano man kalaki ang dote at ragalong naisin ninyo, at ibibigay ko ang anumang sabihin ninyo sa akin, ngunit ibigay ninyo ang dalaga bilang asawa."
13
Sumagot ang mga anak na lalaki ni Jacob kay Sechem at kay Hamor na kanyang ama na may panlilinlang, sapagkat dinungisan ni Sechem si Dina na kanilang kapatid.
14
Sinabi nila sa kanila, "Hindi namin magagawa ang bagay na ito, ang pagbibigay ng aming kapatid na babae sa sinumang hindi tuli; sapagkat iyan ay magiging kahihiyan sa amin.
15
Sa kondisyong ito lamang kami makikipagkasundo sa inyo: kung magpapatuli kayo kagaya namin, kung ang bawat lalaki sa inyo ay tutuliin.
16
Sa gayon ibibigay namin ang aming mga anak na babae sa inyo, at kukunin namin ang inyong mga anak na babae para sa aming sarili, at makipamuhay kami sa inyo at tayo ay magiging isang bayan.
17
Ngunit kung hindi kayo makikinig sa amin at magpatuli, sa gayon kukunin namin ang aming kapatid at aalis kami."