Chapter 2

1 Nanalangin si Ana at sinabing, "Nagsasaya ang aking puso kay Yahweh. Itinaas ni Yahweh ang aking karangalan. Pinagtatawanan ko ang aking mga kaaway; nagagalak ako sa iyong pagliligtas. 2 Walang banal na tulad ni Yahweh, dahil walang iba maliban sa iyo; walang bato na tulad ng aming Diyos. 3 Tigilan nyo na ang pagmamataas; huwag hayaang maglabas ng kahambugan ang iyong bibig. Sapagkat si Yahweh ay Diyos ng kaalaman; ang mga kilos ng tao ay kanyang tinitimbang. 4 Sinira nya ang mga pana ng mga makapangyarihan, pero binigyan nya ng lakas ang mahihina. 5 Ang mga dating busog ay nagtatrabaho na ngayon para lang makakain ng tinapay; at ang mga dating gutom ay hindi na ngayon nagugutom. Kahit na ang isang baog ay nagsilang ng pito, ngunit nananamlay ang babaeng maraming anak. 6 Si Yahweh ang pumapatay at bumubuhay. Siya ang nagbababa sa Sheol at nagtataas. 7 Si Yahweh ang nagpapadukha, at siya ang nagpapayaman. Siya ang nagbababa, ngunit siya rin ang nagtataas. 8 Ibinabangon niya ang mahirap mula sa alabok. Itinataas niya ang mga nangangailangan mula sa tambak ng abo upang paupuin sila kasama ang mga prinsipe at manahin ang upuan ng karangalan. Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay kay Yahweh, at tinatag nya dito ang mundo. 9 Gagabayan niya ang mga paa ng kanyang mga tapat, ngunit patatahimikin ang mga makasalanan sa kadiliman, sapagka't wala ni isa ang mananaig sa pamamagitan ng lakas. 10 Magkakapira-piraso ang mga sumasalungat kay Yahweh; magpapakulog siya mula sa langit laban sa kanila. Si Yahweh ang huhusga sa mga dulo ng mundo. Bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari at pagtatagumpayin ang kanyang hinirang." 11 Pagkatapos pumunta si Elkana sa Rama, sa kanyang bahay. Naglingkod ang bata kay Yahweh sa harapan ni Eli na pari. 12 Ngayon ang mga anak na lalaki ni Eli ay mga lapastangan. Hindi nila nakikilala si Yahweh. 13 Ang kaugalian ng mga pari kapag naghahandog ang sinumang tao ng isang alay ay pupunta ang lingkod ng pari na may dalang tatlong tulis na tinidor sa kanyang kamay, habang kumukulo ang karne. 14 Itutusok niya ito sa loob ng kawali, o takure, o kaldero, o palayok. Lahat nang nakuha ng tinidor ay kukunin ng pari para sa kanyang sarili. Ginawa nila ito sa Shilo kasama ang lahat ng mga Israelita na pumunta roon. 15 Ang malala pa, bago nila sunugin ang taba, dadating ang lingkod ng pari, at sasabihin sa taong nag-aalay, "Magbigay ka ng karne upang ihawin para sa pari; sapagkat hindi niya tatanggapin ang pinakuluang karne mula sa iyo, ngunit hilaw lamang." 16 Kung sasabihin ng tao sa kanya, "Dapat nilang sunugin muna ang taba, at pagkatapos kumuha ka ng hangga't gusto mo." Pagkatapos sasabihin niyang, "Hindi, ibigay mo ito sa akin ngayon; kung hindi, kukunin ko ito ng sapilitan." 17 Ang kasalanan ng mga binatang ito ay napakalaki sa harapan ni Yahweh, sapagkat inalipusta nila ang handog ni Yahweh. 18 Ngunit naglingkod si Samuel kay Yahweh bilang isang batang nakasuot ng isang linong epod. 19 Ginagawan siya ng kanyang ina ng isang maliit na balabal at dinadala ito sa kanya taon-taon, kapag umaakyat siya kasama ang kanyang asawa para maghandog ng taunang alay. 20 Pinagpapala ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa at sinasabing, "Bigyan ka nawa ni Yahweh ng maraming anak sa pamamagitan ng babaeng ito dahil sa kahilingan na kanyang ginawa kay Yahweh." Pagkatapos babalik sila sa kanilang sariling tahanan. 21 Tinulungan muli ni Yahweh si Ana at nabuntis siya ulit. Nagsilang siya ng tatlong anak na lalaki at dalawang anak na babae. Samantala, lumaki ang batang si Samuel sa harapan ni Yahweh. 22 Ngayon napakatanda na ni Eli; narinig niya ang lahat ng ginagawa ng kanyang mga anak na lalaki sa buong Israel, at kung paano nila sinisipingan ang mga kababaihan na naglilingkod sa pasukan patungo sa tolda ng pagpupulong. 23 Sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo ginawa ang ganoong mga bagay? Sapagka't narinig ko ang inyong mga masamang gawa mula sa lahat ng mga taong ito." 24 Hindi, mga anak ko; sapagka't hindi magandang balita ang aking naririnig. Dinulot ninyong sumuway ang mga tao ni Yahweh. 25 "Kung magkakasala ang isang tao laban sa iba, hahatulan siya ng Diyos; ngunit kung magkakasala ang isang tao laban kay Yahweh, sino ang magsasalita para sa kanya?" Ngunit ayaw nilang makinig sa boses ng kanilang ama, dahil nilalayon ni Yahweh na patayin sila. 26 Lumaki ang batang si Samuel, at kinalugdan ni Yahweh at ng mga tao. 27 Ngayon dumating ang isang lingkod ng Diyos kay Eli at sinabi sa kanya, "Sinasabi ni Yahweh, 'Hindi ko ba inihayag ang aking sarili sa bahay ng iyong ninuno, nang naroon sila sa Ehipto sa pagkakaalipin sa bahay ni Paraon? 28 Pinili ko siya mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging aking pari, para umakyat sa aking altar, at para magsunog ng insenso, para magsuot ng isang epod sa aking harapan. Ibinigay ko sa bahay ng iyong ninuno ang lahat ng handog ng mga tao ng Israel na ginawa sa apoy. 29 Sa gayon, bakit ninyo pinagnanasaang makuha ang aking mga alay at mga handog na aking iniutos sa lugar kung saan ako naninirahan? Bakit ninyo pinaparangalan ang inyong mga anak na lalaki nang higit sa akin sa pamamagitan ng pagpapataba ng inyong sarili ng mga mainam ng bawat handog ng aking bayang Israel?' 30 Kaya si Yahweh, ang Diyos ng Israel ay nagsasabing, 'Nangako ako na ang iyong sambahayan, at ang sambahayan ng inyong ninuno, ay lalakad sa harap ko magpakailanman.' Ngunit ngayon sinasabi ni Yahweh, 'Hindi na puwede sa akin ang ganyan, sapagkat pararangalan ko ang mga nagpaparangal sa akin, ngunit yung mga humahamak sa akin ay hindi pahahalagahan. 31 Tingnan mo, paparating na ang mga araw na puputulin ko ang iyong lakas at ang lakas ng bahay ng iyong ama, upang hindi na magkaroon ng sinumang matandang lalaki sa iyong sambahayan. 32 Makikita mo ang pagdadalamhati sa lugar kung saan ako naninirahan. Kahit na ibibigay ang kabutihan sa Israel, hindi na magkakaroon ng matandang lalaki sa iyong sambahayan. 33 Sinuman sa inyo na hindi ko puputulin mula sa aking altar, idudulot kong lumabo ang inyong mga mata, at magdudulot ako ng kapighatian para sa inyong buhay. Mamamatay sa kanilang kabataan ang lahat ng kalalakihang ipapanganak sa inyong pamilya. 34 Ito ang magiging palatandaan para sa iyo na darating sa iyong dalawang anak na lalaki, kay Hofni at Pinehas: Mamamatay silang dalawa sa parehong araw. 35 Magtataas ako para sa aking sarili ng isang tapat na pari na gagawin kung ano ang nais ng aking puso at nais ng aking kaluluwa. Gagawan ko siya ng isang tiyak na sambahayan at lalakad siya sa harapan ng aking hinirang na hari magpakailanman. 36 Paparoon ang bawat isa na naiwan sa iyong sambahayan at yuyukod sa taong iyon, hihingi para sa isang pirasong pilak at isang putol ng tinapay, at magsasabing, "Pakiusap italaga mo ako sa isa sa mga tungkulin ng pari upang makakain ako ng piraso ng tinapay.'''''