Chapter 13

1 Magpasakop ang bawat isa sa mas nakakataas na kapangyarihan dahil walang kapangyarihan kundi ang sa DIyos. Ang bawat kapangyarihan na naitatag ay itinalaga ng Diyos. 2 Kaya ang sinumang sumusuway sa kapangyarihan ay nagdadala ng paghatol sa kanilang mga sarili. 3 Sapagkat ang mga namumuno ay hindi magdadala ng pangamba sa kanilang gumagawa ng mabuti, kundi sa kanilang mga masasama. Dapat ka bang matakot sa nasa kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti at makakatanggap ka ng papuri mula sa kaniya, 4 dahil siya ay lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gagawa ka ng masama, matakot ka dahil hindi niya pipigilang gamit ang espada laban sa iyo. Sapagkat siya ay lingkod ng Diyos, para ipaghiganti ang kaniyang galit sa sinumang gumagawa ng masama. 5 Kaya dapat magpasakop ang bawat isa hindi lang para iwasan ang poot kundi para na rin sa inyong konsensya. 6 Sa ganitong kadahilanan, bayaran ninyo ang inyong mga buwis dahil sila ay mga pinunong itinilaga sa paglilingkod sa Diyos at sinusubaybay niya lagi ang layuning ito. 7 Bayaran ninyo ang lahat ng pananagutan: buwis para sa buwis, utang kung may inutang, matakot sa dapat katakutan, paggalang sa dapat tumanggap ng paggalang. 8 Huwag kang magkaroon ng utang kahit kaninuman, maliban sa pag-ibig sa isa't isa dahil ang sinumang umiibig sa kaniyang kapwa ay tumutupad sa kautusan. 9 Dahil dito, "Huwag kayong mangangalunya. Huwag kang papatay. Huwag kang magnanakaw. Huwag mong pagnasain ang hindi sa iyo. At kung mayroon mang batas na umiiral, ito ay nakabuod sa salitang ito, "Iibigin mo ang iyong kapwa gaya ng sa iyong sarili." 10 Walang binabalak na masama sa kapwa ang pag-ibig, kaya ang pag-ibig ang katuparan ng kautusan. 11 Dahil dito, nalalaman ninyo na ito na ang panahon at oras para gumising kayo sa inyong pagtulog. Sapagkat ang kaligtasan ay mas nalalapit sa atin kaysa sa araw nung una tayong sumampalataya. 12 Papatapos na ang gabi at darating na ang umaga. Kaya dapat nating wakasan ang mga gawa ng kadiliman at isuot natin ang baluti ng liwanag. 13 Lumakad tayo nang nararapat gaya sa liwanag. Huwag tayong malulong sa sobrang pagsasaya at paglalasing, hindi sa kahalayan o sa mga pagnanasang makamundo, hindi sa pakikipag-away o inggitan. 14 Kundi isuot ninyo ang damit ng Panginoong Jesu-Cristo at huwag pagbigyan ang hilig ng laman para punuan ang mga pagnanasa nito.