Chapter 5

1 Pagkatapos nito, nagkaroon ng kapistahan ang mga Judio at umakyat si Jesus patungong Jerusalem. 2 Sa Jerusalem, may isang palaiguan na tinatawag sa Hebreo na Bethzata, sa may tarangkahan ng tupa. May limang portico ito na may bubungan. 3 Maraming tao na may sakit, bulag, pilay, o lumpo na nakahiga sa mga portico na ito. 4 (Hinihintay nila ang paggalaw ng tubig). 5 May isang lalaki na tatlumpu't walong taon nang hindi makalakad. 6 Nang makita siya ni Jesus na nakahiga doon, nalaman niyang matagal na siya doon. Sinabi niya sa kaniya, "Gusto mo bang gumaling?" 7 Sumagot ang lalaking may sakit, "Ginoo, wala kasing nagdadala sa akin sa paliguan kapag gumagalaw ang tubig. Pero pag sinusubukan ko, mayroong nauuna sa akin." 8 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Bumangon ka, dalhin mo ang iyong banig, at lumakad ka." 9 Gumaling agad ang lalaki kaya binuhat niya ang kaniyang higaan at lumakad. Ang araw na iyon ay Araw ng Pamamahinga. 10 Sinabi ng mga Judio sa lalaking pinagaling, "Araw ng Pamamahinga ngayon at hindi ka puwedeng magbuhat ng iyong banig." 11 Sumagot siya, "Ang nagpagaling sa akin ang nagsabi sa akin, 'Dalhin mo ang iyong banig at lumakad ka.'" 12 Tinanong nila siya, "Sino ang lalaking ito na nagsabi sa iyong, 'Dalhin mo ang iyong banig at lumakad ka?'" 13 Pero hindi nakilala ng lalaking pinagaling kung sino siya dahil palihim na umalis si Jesus, dahil maraming tao sa lugar na iyon. 14 Pagkatapos, nakita niya ni Jesus sa templo at sinabi sa kaniya, "Tingnan mo, gumaling ka na. Huwag ka nang magkasala pa dahil baka may malala pang mangyari sa iyo." 15 Umalis ang lalaki papalayo at pinagbigay-alam sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Dahil sa mga ito, inusig ng mga Judio si Jesus dahil sa ginawa niya sa Araw ng Pamamahinga. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Gumagawa pa rin ang aking kahit ngayon at ako rin ay gumagawa. 18 Dahil dito, lalo siyang gustong patayin ng mga Judio dahil hindi niya lang nilabag ang Araw ng Pamamahinga, tinawag din niyang Ama ang Diyos, at ginagawa niyang kapantay ang sarili sa Diyos. 19 Sumagot si Jesus, "Walang magagawa ang Anak sa kaniyang sarili lamang maliban sa kung anong nakikita niya na ginagawa ng Ama, sapagkat anumang ginagawa ng Ama ay ginagawa rin ng Anak. 20 Sapagkat iniibig ng Ama ang Anak, at ipinapakita niya sa kaniya ang lahat ng kaniyang ginagawa, at ipapakita niya ang mga mas dakilang bagay kaysa sa mga ito para kayo ay mamangha. 21 Tulad ng Ama na binabangon niya ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayun din ang Anak ay nagbibigay ng buhay kung sinuman ang kaniyang naisin. 22 Walang hinuhusgahan ang Ama, kundi ibinigay niya ang lahat ng karapatang maghusga sa Anak 23 para ang lahat ay parangalan ang Anak tulad ng pagparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya. 24 Tunay nga, ang nakarinig ng aking salita at naniwala sa kaniya na nagsugo sa akin ay mayroong buhay na walang hanggan at hindi mahahatulan. Sa halip, nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay. 25 Sinasabi ko sa inyo, darating ang panahon at narito na, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga nakarinig ay mabubuhay. 26 Sapagkat tulad ng Ama na may buhay sa kaniyang sarili, binigyan din niya ang Anak ng buhay sa kaniyang sarili, 27 at binigyan ng Ama ang Anak ng kapangyarihan na humatol sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag kayong mamangha dito, dahil darating ang panahon kung saan lahat ng mga nasa libingan ay maririnig ang kaniyang tinig 29 at sila ay magsisibangon silang mga nakagawa ng mabuti sa pagkabuhay muli sa buhay, at iyong mga nakagawa ng masama sa pagkabuhay na muli sa paghahatol. 30 Wala akong magagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa naririnig ko at matuwid ang aking hatol ay matuwid dahil hindi ko hinahangad ang sarili kong kagustuhan kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin. 31 Kung magpapatotoo lang ako para sa sarili ko, hindi magiging tunay ang aking patotoo. 32 Mayroong isa pang nagpapatotoo tungkol sa akin at alam kong tunay ang patotoo na ibibigay niya tungkol sa akin. 33 Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya sa katotohanan. 34 Subalit, ang patotoo na aking natanggap ay hindi galing sa tao. Sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo ay maligtas. 35 Si Juan ay isang lamparang nagniningas at nagliliwanag, at kayo ay kusang nagalak ng isang kapanahunan sa kaniyang liwanag. 36 Ngunit ang patotoo niya'y tungkol sa akin ay mas dakila kaysa kay Juan, sapagkat ang mga gawaing ibinigay sa akin ng Ama na dapat kong ganapin, ang mga gawain na ginagawa ko ay nagpapatunay na isinugo ako ng Ama. 37 Ang Ama na nagsugo sa akin ang siya ring nagpatotoo tungkol sa akin. Hindi ninyo kailanman narinig ang kaniyang tinig o nakita ang kaniyang anyo. 38 Hindi nananatili ang kaniyang salita sa inyo dahil hindi kayo naniniwala sa kaniyang isinugo. 39 Sinaliksik ninyo ang mga kasulatan dahil akala ninyong mayroon na kayong buhay na walang hanggan, at ang mga kasulatan ding ito ay nagpatotoo tungkol sa akin, 40 at hindi ninyo gustong lumapit sa akin para magkaroon kayo ng buhay. 41 Hindi ko tinatanggap ang papuri mula sa mga tao, 42 pero alam kong wala kayong pag-ibig ng Diyos sa inyong mga sarili. 43 Dumating ako sa pangalan ng aking Ama pero hindi ninyo ako tinatanggap. Pero kung may ibang dumating sa kaniyang pangalan, tatanggapin ninyo siya. 44 Papaano kayo maniniwala, kung tumatanggap kayo ng papuri mula sa isa't isa pero hindi kayo huminigi ng papuri mula sa kaisa-isang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magpaparatang sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang magpaparatang sa inyo, na pinagkakatiwalaan ninyo ng mga pag-asa. 46 Kung naniniwala kayo kay Moises, maniniwala kayo sa akin sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. 47 Kung hindi kayo nanininwala sa kaniyang mga isinulat, paano kayo maniniwala sa aking mga sinasabi?"