Chapter 18

1 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, lumabas siya kasama ang kaniyang mga alagad sa kabilang bahagi ng Ilog Kidron kung saan may isang hardin na kanilang pinuntahan. 2 Alam din ni Judas, ang magkakanulo sa kaniya, ang lugar na iyon dahil laging nagpupunta si Jesus doon kasama ang kaniyang mga alagad. 3 Si Judas ang nangunguna kasama ang isang pangkat ng mga kawal at ilang mga pinuno mula sa punong pari at mga Phariseo. Nagtungo sila doon dala ang mga ilawan, sulo, at mga sandata. 4 Kaya si Jesus, na nakakaalam sa lahat ng mga nagaganap ang humarap sa kanila at nagtanong, "Sinong hinahanap ninyo?" 5 Sumagot sila sa kaniya, "Si Jesus na taga-Nazaret." Sumagot si Jesus, "Ako ito." Nakatayo roon kasama ng mga kawal si Judas, ang magkakanulo sa kaniya. 6 Kaya nung sinabi niya sa kanila, "Ako ito," napahakbang sila pabalik at nagsiyukod. 7 Muli niyang sinabi sa kanila, "Sinong hinahanan ninyo?" Sumagot sila, "Si Jesus na taga-Nazaret." 8 Sinagot sila ni Jesus, "Sinabi ko na sa inyo na ako ito." Kaya kung hinahanap niyo ako, pakawalan ninyo ang mga taong ito." 9 Nangyari ito para matupad ang nakasulat: 'Sa kanilang ibinigay mo sa akin, wala akong nawala kahit isa." 10 Inilabas ni Simon Pedro ang kaniyang espada at tinaga niya ang tainga ng lingkod ng punong pari at natanggal ang kanang tainga niya. Ang pangalan ng lingkod na ito ay si Malko. 11 Sinabi ni Jesus kay Pedro, "Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito. Hindi ba't dapat kong inumin ang saro na ibinigay sa akin ng aking Ama?" 12 Kaya dinakip si Jesus at ginapos ng pangkat na mga sundalo, ng kapitan nito, at ng mga pinuno ng mga Judio. 13 Dinala nila siya una kay Annas, na biyenan ng punong pari na si Caifas sa taong iyon. 14 Si Caifas ang nagpayo sa mga Judio na mas mabuti pa kung isang tao lang ang mamatay kaysa madamay ang buong bayan. 15 Sinundan ni Simon Pedro kasama ng isang alagad si Jesus. Kilala ng punong pari ang isang alagad na iyon at pumasok siya kasama si Jesus sa silid ng punong pari, 16 habang nanatili sa labas ng pintuan si Pedro. Kinausap ng isang alagad, na kilala ng punong pari, ang bantay ng pintuan kaya pinayagan ding makatuloy si Pedro. 17 Pero sinabi ng babaeng lingkod na nagbabantay sa pinto kay Pedro, "Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?" Sumagot siya, "Hindi ako iyon." 18 Gumawa ng apoy gamit ng kahoy ang mga lingkod at mga pinuno na nakatayo roon dahil malamig ang panahon at pinapainitan nila ang kanilang mga sarili. Kasama nila roon si Pedro na nakatayo roon at pinapainitan ang sarili. 19 Tinanong ng punong pari si Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad at mga turo. 20 Sumagot si Jesus sa kanila, "Malaya akong nakakapangaral sa lahat ng tao. Lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa temple kung saan nagtitipon ang mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim. 21 Kaya bakit mo ako tinatanong? Bakit di po tanungin ang mga nakapakinig sa mga sinabi ko? Alam ng mga taong iyon kung anong sinabi ko." 22 Nung sinabi ito ni Jesus, sinuntok siya ng isa sa mga pinuno na nakatayo roon at sinabi sa kaniya, "Ganito ka ba sumasagot sa punong pari?" 23 Sinagot siya ni Jesus, "Kung may sinabi akong mali, sabihin mo sa akin kung saan ako nagkamali. Pero kung totoo ang sinasabi ko, bakit mo ako sinuntok?" 24 Pagkatapos nito, pinadala siya ni Annas na nakagapos kay Caifas na punong pari. 25 Nakatayo rin si Simon Pedro at pinapainitan ang sarili niya. Sinabi sa kaniya ng mga taong naroroon, "Hindi ba isa ka rin sa mga alagad niya?" Itinanggi niya ito at sinabing, 'Hindi ako iyon.'" 26 Nagsalita rin ang isa sa mga lingkod ng punong pari na kamag-anak ng lalaking tinaga ni Pedro ang tainga," "Hindi ba nakita kita sa hardin na kasama rin niya?" 27 Muli itong itinanggi ni Pedro at tumilaok ang manok kasunod nito. 28 Pagkatapos ay dinala nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa Pretorio. Umagang-umaga pa noon at sila mismo ay hindi pumasok sa Pretorio upang hindi sila marumihan at upang sila ay makakain sa Paskwa. 29 Kaya lumabas si Pilato sa kanila at sinabing, "Anong paratang ang dala-dala ninyo laban sa lalaking ito?" 30 Sumagot sila at sinabi sa kaniya, "Kung ang lalaking ito ay hindi manggagawa ng masama, hindi namin siya dadalhin sa iyo." 31 Kaya sinagot sila ni Pilato, "Dalhin ninyo siya, at hatulan siya ayon sa inyong batas." Sinabi ng mga Judio sa kaniya, "Hindi naaayon sa batas para sa amin ang pumatay ng sinumang tao." 32 Sinabi nila ito upang matupad ang mga salita ni Jesus, ang salita na kaniyang sinabi na ipinahiwatig kung anong uri ng kamatayan siya mamamatay. 33 Pagkatapos, muling pumasok si Pilato sa Pretorio at tinawag si Jesus, sinabi niya sa kaniya, "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" 34 Sumagot si Jesus, "Tinatanong mo ba ito ayon sa iyong sariling palagay, o sinabi ng iba sa iyo na itanong ito sa akin? 35 Sumagot si Pilato, "Hindi ako Judio, di ba? Ang iyong sariling bayan at ang mga pinunong pari ay dinala ka dito sa akin; ano ba ang iyong ginawa?" 36 Sumagot si Jesus, "Ang aking kaharian ay hindi sa mundong ito. Kung ang aking kaharian ay kabahagi ng mundong ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Sa katunayan, ang aking kaharian ay hindi nagmumula dito." 37 Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, "Ikaw nga ba ay isang hari?" Sumagot si Jesus, "Sinabi mo na ako ay hari. Ako ay ipinanganak para sa layuning ito, at para sa layuning ito ako naparito sa mundo upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Lahat ng kabilang sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig." 38 Sinabi ni Pilato sa kaniya, "Ano ang katotohanan?" Nang masabi niya ito, lumabas siya muli sa mga Judio at sinabi sa kanila, "Wala akong nakitang nagawang mali ang taong ito. 39 Mayroon kayong kaugalian na dapat akong magpalaya ng isang tao sa Paskwa. Kaya gusto ba ninyong pakawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?" 40 Sumigaw silang muli at sinabi, "Hindi ang lalaking ito, kundi si Barabas. Ngayon si Barabas ay isang tulisan.